Pupungas-pungas pa na gumising si Foville at nagmamadali nang bumangon sa kama. Oras na naman para pumasok siya sa trabaho. Ganoon ang araw-araw niyang ginagawa, gumigising nang maaga at ipineprepara ang sarili bago pumasok sa pinagtatrabahuhang kumpanya ngunit bago umalis ay nagluluto at naghahanda muna siya ng almusal para sa kaniyang bunsong kapatid na si Lucille. Mula nang pumanaw ang kanilang mga magulang ay siya na ang tumayong magulang rito.
“Lucille, Lucille, gising na, luto na ang almusal. Kumain ka na at may pasok ka pa!” sigaw niya sa kapatid.
“Saglit lang ate, babangon na ako!”
“Ano na naman ba ang ginawa mo kagabi at napuyat ka na naman? Magdamag ka na naman sigurong nakipag-usap sa boyfriend mo ‘no?”
“Naku, hindi ate. Napuyat ako sa pagre-review kagabi. May exam kasi kami mamaya, eh.”
“Hindi naman kita pinagbabawalan na makipag-boyfriend dahil nasa edad ka na, pero huwag mong papabayaan ang pag-aaral mo, Lucille. Nagkakaintindihan ba tayo?”
“Opo, ate.”
Pagkatapos na sermunan ang kapatid ay nagpaalam si Foville na aalis na. Gaya ng dati, suot na naman niya ang lumang damit na pamasok sa opisina at ang kaniyang lumang sapatos. Ilang taon na rin siyang hindi nakakabili ng mga bagong damit at sapatos dahil imbes na ipambili niya ng sariling gamit ang sinusuweldo niya ay ibinibigay niya ang kalahati niyon sa kaniyang kapatid para sa pag-aaral nito. Ang kalahati naman ng natitira sa kaniya ay ipinambabayad niya sa upa sa tinitirhan nilang maliit na apartment.
Bukod sa pagiging sekretarya sa maliit na opisinang pinagtratrabahuhan ay rumaraket din si Foville at nagbebenta siya ng mga produktong pampaganda. Kahit hindi kalakihan ang kita roon ay pinagtitiyagaan na niya para dagdag na rin sa kinikita niya.
Kinagabihan, nang umuwi siya galing sa trabaho ay naabutan niyang magkasama sa sala ang kapatid at ang boyfriend nitong si Alex. Masaya siyang binati ng mga ito.
“Magandang gabi, ate! Narito si Alex kasi pinag-uusapan namin ‘yung sinalihan naming online business. Balita namin ay malaki raw ang kitaan doon kaya napagpasyahan naming sumali sa business. Ginamit namin ‘yung ipon ko at ipon niya para makasali,” sabi ng kapatid.
“Oo nga, ate Foville. Marami raw yumayaman sa online business na ‘yon kaya naengganyo kami ni Lucille. Saka isa pa, legit na online business iyon na sinasalihan rin ng mga kilalang celebrity,” sabad naman ni Alex.
Biglang uminit ang ulo ni Foville sa narinig.
“Ano? ‘Di ba dapat ang inaatupag ninyo ay ang pag-aaral? Wala kayong mahihita sa mga kalokohan na ‘yan! Hindi ba ninyo alam na maraming naloloko sa mga online business na ‘yan? Ikaw naman, Alex, pinayagan kitang maging boyfriend ng kapatid ko dahil ang akala ko’y magiging magandang impluwensya ka sa kaniya, idadawit mo lang pala siya sa mga walang kwentang bagay,” anas niya.
Natahimik ang dalawa. Bilang paggalang ay maayos na nagpaalam si Alex at humingi ng paumanhin. Pagkaalis ng kasintahan ay kinausap ni Lucille ang kapatid.
“Ate, wala kaming ginagawang masama ni Alex. Gusto ko lang namang kumita para sa sarili ko, para sa pag-aaral ko. Nahihiya na kasi ako sa iyo, eh. Gusto kong makatulong sa iyo, ate,” paliwanag ni Lucille.
“Kung gusto mong makatulong sa akin ay pagtuunan mo ng pansin ang pag-aaral mo. Itigil ninyo ni Alex ang pag-o-online business na ‘yan. Makakasira ‘yan sa pag-aaral ninyo!”
Hindi na nakipagtalo pa si Lucille sa kaniyang ate. Nagpaalam ito na papasok na sa silid para gumawa ng homeworks.
Napasalampak na lamang sa sofa si Foville. Pagod na nga siya sa maghapong pagtatrabaho ay iyon pa ang madadatnan niya.
Mabilis na lumipas ang dalawang taon. Nakapagtapos na sa pag-aaral sina Lucille at Alex. Masuwerte namang natanggap si Lucille sa inaplayang kumpanya sa Makati. Isa na siyang Certified Public Accountant. May trabaho na rin ang boyfriend nitong si Alex na isa namang Computer Engineer. Si Foville naman ay nagtatrabaho pa rin sa maliit na opisina na kaniyang pinapasukan bilang sekretarya at nagtitinda pa rin ng mga produktong pampaganda. Sa isip niya ay mabuti pa ang kapatid niya dahil asensado na ito, samantalang siya ay wala pa ring pagbabago, pero kahit ganoon ay masaya siya at nakapagtapos sa pag-aaral ang kapatid niya at may magandang trabaho na. Kung hindi niya ito pinagsabihan ay baka napariwara na ito at naloko na sa online business na sinalihan noon na sa kaniyang palagay ay peke naman.
Pag-uwi niya sa bahay galing sa trabaho ay hindi niya namalayan na nakatulog pala siya sa sofa. Mayamaya ay ginising siya ng kaniyang kapatid.
“Ate, ate, gising at may sorpresa ako sa iyo!” anito.
Napabalikwas pa siya nang bagon sa paggising nito sa kaniya.
“O, nandiyan ka na pala. A-anong sorpresa mo sa akin?” nagtatakang tanong ni Foville.
May iniabot sa kaniya ang kapatid na isang malaking paper bag.
“Regalo ko ‘yan sa iyo, ate. Tingnan mo!”
Nagulat si Foville nang makita ang laman ng paper bag. Nakapaloob doon ang mga bagong damit at isang kahon ng bagong sapatos.
“Natanggap ko na ang una kong suweldo kaya naisip kong bilhan ka niyan. Pasasalamat ko iyan sa lahat nang ginawa mo sa akin, ate. Alam kong kulang pa iyan sa lahat ng sakripisyo mo sa akin. Napansin ko kasi na hindi ka na nakakabili ng bagong damit mula nang pag-aralin mo ako sa kolehiyo. Pinagtitiyagaan mo ring isuot ang luma mong sapatos na sira na ang takong kaya binilhan kita ng bago,” wika ni Lucille.
Hindi nakapagsalita si Foville sa ibinigay na sorpresa ng kapatid. Natulala lang siya habang pinagmamasdan ang mga regalong handog nito sa kaniya.
“Hindi lang iyan ang sorpresa ko sa iyo, ate. Natatandaan mo iyong online business na sinalihan namin ni Alex? Hindi namin itinigil iyon, ngayon ay malaki na ang kinikita namin doon at sa maniwala ka o sa hindi, sa maikling panahon ay nakapagpundar na kami ni Alex ng bahay at lupa. Ang naipundar ni Alex ay para sa kaniyang mga magulang at ang naipundar ko naman ay para sa ating dalawa, ate. May sarili na tayong bahay, hindi na tayo mangungupahan sa maliit na apartment na ito. Patawarin mo ako, ate kung inilihim ko sa iyo,” hayag pa ni Lucille.
Bigla na lamang pumatak ang mga luha sa mga mata ni Foville. Hindi siya makapaniwala sa mga naabot ng kaniyang kapatid. Bago pa lang ito sa pinapasukang kumpanya ngunit nakapagpundar na agad ito ng bahay at lupa, iyon ay dahil lang sa pag-o-online business nito na hinadlangan niya noon. Wala siyang kaalam-alam na habang nag-aaral si Lucille ay itinuloy pa rin nito ang online business kasama ang boyfriend nitong si Alex.
“Ako ang dapat na humingi ng tawad dahil hinigpitan kita noon at pinagbawalan sa gusto ninyong gawin. Gusto ko lang naman na ituon mo ang iyong sarili sa pag-aaral. At wala kang dapat ipagpasalamat sa akin dahil responsibilidad ko bilang nakatatanda mong kapatid na alagaan ka at pag-aralin,” sabi ni Foville sa kapatid.
“Alam ko iyon, ate. Kaya nga nagsikap akong makapagtapos sa pag-aaral at nagtrabaho sa magandang kumpanya para makatulong sa iyo, para hindi ka na mapagod sa pagtatrabaho. Mula nang pumanaw sina mama at papa ay isinubsob mo na ang sarili mo sa pagtatrabaho kahit nag-aaral ka pa noon para lamang mabuhay ako at pag-aralin. Mula ngayon ay ako naman ang magtatrabaho para sa ating dalawa. Ito na ang kapalit ng bawat hirap mo sa akin, ate. Hayaan mong ipalasap ko sa iyo ang katas ng iyong pagsusumikap at pagiging mabuting kapatid sa akin. Mahal na mahal kita, ate Foville,” anito sabay yakap nang mahigpit kay Foville.
Mas lalong naiyak si Foville sa mga sinabi ni Lucille. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil binigyan siya ng kapatid na tulad ni Lucille na mahal na mahal siya.
“Mahal na mahal ka rin ng ate, Lucille,” sabay yakap din nang mahigpit sa nakababatang kapatid. “P-pero h-hindi ako sanay na hindi nagtratrabaho. Ayoko namang tumunganga at humilata lang sa bahay,” wika pa ni Foville.
“Kung ayaw mo talagang paawat, ate, eh ‘di ikaw na lang ang kukunin naming tagapamahala ng bubuksan naming isang maliit na negosyo ni Alex. Doon ay hindi mo na kailangang pumasok sa opisina, hindi ka na rin magpapakapagod sa pagbebenta ng mga pampaganda. Dito ka na lang magtratrabaho sa bahay gamit ang computer. Huwag kang mag-alala, tuturuan kita kung ano ang mga gagawin mo.”
Huminto na sa pagpasok si Foville sa maliit na kumpanyang pinapasukan niya at hindi na rin siya nagbebenta ng mga pampaganda. Sa bahay na lamang siya nagtatrabaho at tinutulungan niya ang kapatid at boyfriend nito sa bagong negosyo ng dalawa gamit ang computer at internet. Para kay Foville, masasabi niyang kuntento na siya sa buhay kasama ang kaniyang kapatid.