Hindi na Kailanman Naisip ng Babaeng Ito na Pwede pa Siyang Umibig Muli. Ngunit May Isang Taong Darating at Magpapatunay sa Kaniyang Siya ay Nagkakamali
Limang taon pa lang ang bunsong anak ni Minerva ay namapayapa na ang kaniyang mister dahil sa sakit na highblood. Naiwan sa kaniya ang tatlo nilang anak. Kahit mahirap ay sinikap niyang buhayin ang mga ito sa pamamagitan ng paglalabada at pagtitinda ng kung ano-ano sa palengke maitaguyod lamang ang kaniyang tatlong anak.
Sa awa ng Diyos ay napagtapos niya ang mga sa pag-aaral. Bilang isang ina ay isang kagalakan ang mapagtapos ng pag-aaral ang mga anak na siya lamang mag-isa ang nagsikap at kailanman ay hindi humingi ng tulong sa iba.
“Ma, sa unang sahod ko po ay bibili tayo ng bagong damit na babagay sa inyo,” masayang wika ng kaniyang bunsong si Karen.
“Hmm, regalo mo ba iyan kay mama, bunso?” Nakangising tanong naman ng panganay niyang anak na si Troy.
“Opo, kuya. Kasi pansin ko lang ah. Mula noong nam*tay si papa ay hindi ko na nakitaang bumili ng bagong damit si mama. Kaya ngayong pare-pareho na tayong may mga trabaho. Siyempre, magbubuhay senyora na ulit si mother,” muling wika ni Karen na agad namang sinang-ayunan ng dalawa.
Mula nga noong nakapagtapos na ang kaniyang tatlong anak ay guminhawa ang buhay ni Minerva. Nagtitinda pa rin naman siya sa palengke, ngunit hindi na kagaya noong naghahabol siya ng benta dahil may sinusuportahan siyang mga anak. Maayos na silang nakakakain ngayong mag-iina at nakakapag-ipon na rin siya para sa kaniyang sarili.
Isang araw ay biglang dumating sa buhay ni Minerva si Dencio. Isa rin itong biyudo at mayroon na ring apat na anak na katulad niya’y pareho na ring na pagtapos nito ng pag-aaral.
“Minerva, tapos na ang obligasyon natin sa ating mga anak. Siguro sa ngayon ay hayaan mo namang sariling kaligayahan naman natin ang isipin,” makatang pahayag ni Dencio.
“Naku! Ako’y tigil-tigilan mo, Dencio. Ang tatanda na natin para sa ganyang pagmamahalan. Alam mo ba iyong nararamdaman ko ngayon? Hindi siya kilig kung ‘di pandidiri,” naaalibadbarang wika ni Minerva.
“Minerva, hindi mo ba alam na walang pag-ibig ang tumatanda? Lahat ng tao ay may karapatang makaramdam ng pag-ibig sa puso. Bata man ito o matanda,” patuloy pa rin nito.
“Pwes! Hindi iyon para sa’kin. Kaya ang mas maigi pa ay tantanan mo na ako at ako’y hindi na nangangailangan ng pag-ibig sa buhay. Hinihintay ko na lamang ang aking kam*tayan at mas nais kong mapag-isa na lamang sa buhay!” Pinal na wika ni Minerva bago tuluyang itinaboy si Dencio.
Ngunit sadyang makulit si Dencio at pursigidong makamit ang matamis na oo ni Minerva. Ang unang niligawan nito ay ang kaniyang mga anak na kalaunan ay nagugustuhan na ang lalaki. Kahit anong taboy niya rito ay hindi pa rin ito tumitigil. Si Dencio ang kaniyang pinakamasugid na manliligaw na kalaunan rin ay dahan-dahang nahulog ang kaniyang puso rito. Ngunit nag-aalangan pa rin siya.
“Ma, matagal na panahon na rin ang lumipas mula noong namapayapa si papa. Mula noon ay itinuon mo na ang buong buhay mo sa’min. Hindi mo kami pinabayaan. Siguro naman ito na ang tamang panahon para bigyan mo naman ng kaligayahan ang sarili mo,” wika ng kaniyang pangalawang anak na si Vilma.
“Oo nga naman, ma. Alam naman namin na mahal na mahal ka ni Manong Dencio, at ramdam din naman na nahuhulog ka na rin sa kaniya.” Kinikilig na segunda naman ni Troy.
“Hmm, at least ma. Luma-love life ka na ngayon!” tukso pa ng kaniyang bunsong si Karen.
“Ngunit masyado na akong matanda para sa gano’ng pagmamahal mga anak,” nag-aalinlangan pa ring wika ni Minerva.
“Ma, ano ka ba?! Saisyenta’y singko ka pa lang at saka kalabaw lang ang tumatanda,” natatawang sambit ng tatlo.
“Pero hindi ba kami nakakadiring tingnan?” Nakangiting tanong ni Minerva sa mga anak.
“Hindi ah. Alam mo ma, bagay na bagay nga kayong tingnan e. Siyempre mas bagay sana talaga kayo ni papa, kaso nasa heaven na kasi siya kaya okay na kami kay Manong Dencio,” sang-ayon na wika ni Troy.
Mula noong kinausap niya ang mga anak, kinabukasan ay ibinigay na ni Minerva ang kaniyang matamis na oo kay Dencio.
“Hindi man ikaw ang una kong pag-ibig Minerva, alam kong ikaw na ang magiging huli,” masayang-wika ni Dencio sabay yakap sa kaniya ng mahigpit.
“Hindi ko na kailanman naisip na pwede pa pala akong umibig muli. Akala ko’y ang ama na ng mga anak ko ang huli kong pag-ibig ngunit dumating ka sa buhay ko, Dencio. Salamat ng marami at muli mong pinukaw ang puso ko. Kaunting panahon na lang ang gugugulin natin sa mundo. Kaya sana ay huwag na nating sayangin ang bawat sandali,” masayang-masayang wika nu Minerva.
Minsan talaga ay hindi mo inaasahan kung kailan ka paglalaruan ni Kupido. Minsan akala mo’y wala nang pagmamahal na natitira sa puso mo. Ngunit may nag-iisang taong darating na magpapatunay na hindi kailanman mawawala ang pag-ibig sa puso.