
Tumakas sa Piitan ang Lalaking Ito at Ninais na Makapagbagong Buhay; Natamasa Niya ang Kalupitan ng Tadhana sa Kaniyang Naging Desisyon
Hinahabol ang kaniyang paghinga. Mabigat na damdamin. Naluluhang mga mata. Kumakabog na dibdib. Ilan lamang sa kasalukuyang nararamdaman ng apatnapu’t tatlong taong gulang na si Jose. Sinisipat-sipat ang paligid habang pilit niyang ibinababa ang suot na sumbrero. Ilang sandali lamang, kumaripas siyang muli ng takbo nang makita ang pagpihit ng sasakyan ng mga pulis.
“Naku, mare! Nakakatakot na ang mga pangyayari ngayon. Kita mo naman, nakatakas daw iyong preso na kumi*til ng maraming buhay sabi sa balita!” pag-aalala ng isang ale sa may tabi kung saan umupo sandali si Rico.
Nang mapatingin ang dalawang nag-uusap sa kaniya, muli niyang ibinaba pa ang suot na sumbrelo. Napansin niyang namukhaan siya ng mga iyon kaya naman, muli, kumaripas siya papalayo.
Nang makalayo sa lugar na iyon, napaupo si Rico sa isang abandonadong warehouse. Nakatingin sa kawalan at inaalala ang mga nangyari.
“Wala akong ginagawang masama… Inosente ako…” paulit-ulit na sambit niya sa kaniyang sarili habang lumuluha.
Kumakalam na rin ang kaniyang sikmura. Mag-iisang linggo na rin siyang halos walang tulog mula nang tumakas siya habang bumabiyahe papunta sa piitan. Napagbintangan siyang kumit*il ng isang tao na anak ng isang politiko matapos niyang tanggapin ang trabahong maghatid ng ipinagbabawal na gamot sa bahay nito. Nang malaman niyang nasa panganib rin ang kaniyang buhay, gumawa siya ng paraan upang makatakas.
Pagdagungdong ng mga bakal ang kaniyang narinig nang siya ay gumising kinabukasan. Nagulat siya nang makita ang mga construction workers sa ‘di kalayuan. Muli, isang araw na naman siyang tatakbo at iiwas sa mga tao’t pulis.
Subalit sa pagkakataong ito, nais na ni Rico muling makasama ang kaniyang asawa’t anak. Kaya naman, nagtungo siya patungo sa kanilang tirahan. Nakita niyang walang nakabantay na mga pulis, agad siyang pumasok sa likod ng bahay.
Sumalubong sa kaniya ang mahigpit na yakap ng kaniyang limang taong gulang na anak na babae. Walang kamuwang-muwang sa mga nangyayari habang nakatayo sa di kalayuan ang asawang puno ng luha sa kaniyang mukha. Mabagal niya itong nilapitan at humingi ng tawad sa lahat ng mga nagawa niyang pagkakamali at kaguluhan sa pamilya.
Nais ni Rico na maitama ang mga pagkakamali at tumungo sa lugar na walang nakakaalam ng kaniyang pagkatao. Mabilis na nagligpit ng mga gamit nila ang mag-asawa. Hindi pa rin maalis sa kanilang dibdib ang halong kaba at takot sa maaaring mangyari. Ang tanging pangarap na lamang nila ay makapagsimula muli kasama ang kanilang anak.
Ngunit maya-maya pa…
Isang malakas na katok sa kanilang pintuan ang narinig ng mag-asawa. Mabilis nilang inayos ang lahat at nang buksan ang pinto, tumambad sa kanilang harapan ang dalawang pulis.
“May nakapagsabi ho misis na nasipat ang inyong mister na si Jose Villanueva na naglalakad malapit dito. Naisip lang ho namin na baka nagkita kayo o baka nandito siya. Mas mabuti pa ho na isuko niyo na siya sa amin…” bunyag ng isang mamang pulis.
Ngunit hindi na siya pinatapos pa ni Lea, misis ni Rico.
“Masyado na ho ang panggugulo ninyo sa amin ng anak ko. Maya-maya kayo kumakatok. Maaari ho ba, tigilan niyo na kami? Gusto na naming manahimik ng anak ko!” bumuhos ang damdamin ni Lea nang mga oras na iyon na siyang nagpataboy sa mga pulis na humingi naman ng tawad.
Isang malalim na hinga matapos isara ang pinto ang nanggaling kay Lea. Lumabas si Rico mula sa pagkakatago. Ang akala niya’y isusuko na siya ng kaniyang asawa. Niyakap niya ito at muling humingi ng tawad sa lahat.
“Matatapos din ang lahat, mahal ko… Patawad…” wika niya sa asawang nasa kaniyang bisig.
Matapos maisaayos ang lahat ng mga gamit na kailangan, mabilis silang nagtungo sa sasakyan at umalis. Nakahinga nang maluwag ang mag-asawa dahil iyon na ang pagsisimula ng kanilang pagbabagong buhay.
Tumigil sila sa isang kainan upang doon ay maghapunan. Nagdala sila ng mga kagamitan tulad ng tent upang may matulugan. Kumpleto ang pamilya, nagtatawanan, nagbibiruan, at nagmamahalan. Sa mga sandaling iyon, walang pinagsisisihan si Rico. Ang nais na lamang niya ay mabuhay kasama ng asawa’t anak.
Subalit sadyang malupit ang tadhana, may sakit ang kaniyang anak sa bato at naubos na ang mga gamot nilang dala-dala. Kailangan nilang bumili sa isang botika ngunit hindi siya maaari dahil laman siya ng balita at pahayagan sa buong bansa. Ganoon din ang kaniyang asawa na pinaghahanap na rin ng mga awtoridad.
Kabadong inaantay ni Rico ang kaniyang asawa na bumili ng gamot ng kanilang anak. Subalit maya-maya pa ay dumating ang mga pulis at dinakip si Lea na noo’y nakatingin sa kaniya habang lumuluha. Inihagis ni Lea ang gamot sa may basurahan na kinuha naman kalaunan ni Rico.
Dumaan ang ilang oras, at sa bawat pagkakataon, patuloy na hinahanap ng kanilang anak ang kaniyang ina.
“Pa, sa’n na po si mama? May nangyari po bang masama?” ang inosenteng tanong mula sa kaniyang anak. Napaluha si Rico at niyakap ito nang mahigpit.
“Wala, baby… May ginagawa lang si mama… Patawad, anak. Patawad…” lumuluhang wika pa ni Rico.
Isang umaga, nagising si Rico nang mapansin na umaapoy sa lagnat ang kaniyang anak. Hindi tumatalab ang mga gamot at hindi rin niya alam kung bakit wala itong gana kumain. Binuhat niya ang anak at dinala sa pinakamalapit na ospital. Subalit dahil wala siyang pera, marami ang nagtaboy sa kaniya.
Napaupo si Rico sa may likod ng ospital na huli niyang pinuntahan. Hawak hawak sa kaniyang bisig ang pinakamamahal na anak.
“Ayos ka lang po, papa?” mahinang wika ng kaniyang anak.
“Oo, ‘nak. Ayos lang. Pahinga lang tayo saglit tapos dadalhin na kita sa ospital…” sagot niya kasabay ang mahigpit na yakap dito. Sa gitna ng paghihirap at kawalan ng pag-asa, habang patuloy sa pagluha, ang Rico na puno ng pag-asa ay wala ng malapitan sa mga oras na iyon. Wala nang liwanag, at ang tanging hiling na lamang niya, ay maisagip ang kaniyang pinakamamahal na anak.
Muli siyang pumasok sa loob ng ospital at nakitawag. Ilang sandali lamang, dumating ang mga pulis at dinakip si Rico kapalit ang kondisyon na pakawalan na ang kaniyang asawa at suportahan ang pagpapagamot ng kaniyang anak.
“Marahil may kasalanan din talaga ako na kailangan kong pagbayaran. Hindi sa pagtakas makakamit ang tunay na kaligayahan. Dahil kahit anong takbo mo muli sa pagkakamali, hahabulin ka pa rin ng iyong konsensiya at kabayaran sa mga pagkakamaling iyon…” wika ni Rico sa kaniyang sarili habang bumabiyahe patungong kulungan.