Binalot ng Pagkukunwari at Maitim na Plano ang Pagkatao ng Mister sa Kagustuhang Kumawala sa Asawa; Lubusan Niyang Pagsisihan Ang Kaniyang Ginawa

Isang magandang ngiti ang ibinungad ni Melissa sa kaniyang asawang si Elmer habang naghahanda siya ng kanilang agahan. 

“Tara na, mahal, habang mainit pa ang kape mo,” saad ng ginang. Agad siyang pinaunlakan ng mister upang saluhang kumain. 

Maganda ang pamumuhay ng mag-asawa. Isang arkitekto si Elmer habang si Melissa ay nasa bahay lamang at ginugugol ang kaniyang oras sa pagpapalakas ng kaniyang katawan at pag-aasikaso sa asawa. 

“Sa isang linggo na nga pala ang check up ko sa doktor, mahal. Sana sa pagkakataong ito sabihin na nila sa akin ang pinakamagandang balita na posible na akong magbuntis,” sambit ni Melissa.

“Huwag kang mawalan ng pag-asa, mahal ko. Basta inumin mo na itong mga gamot mo para nang sa gayon ay tuluyan na tayong magkaanak. Pero kahit wala pa naman tayong, anak ay hindi nagbabago ang pagtingin ko sa’yo,” paglalambing ng asawa.

Anim na taon na rin kasi simula ng ikasal ang dalawa at magpahanggang ngayon ay wala pang nagiging bunga ang kanilang pagmamahalan. Ang sabi ng mga espesyalista ay kulang daw sa sustansya ang katawan ni Melissa kaya naman kailangan nilang palakasin ito upang ihanda sa kaniyang pagbubuntis. 

Sa loob ng ilang taon ay hindi pa rin nabibiyayaan ang dalawa ng anak kaya madalas ay pinanghihinaan na rin si Melissa ng loob. Mabuti na lamang ay nakasuporta sa kaniya ang kaniyang asawa. Larawan sila ng isang perpektong mag-asawa na nagdadamayan sa oras ng kabiguan. 

“Mahal, minsan nga ay parang ayaw ko ng inumin ang mga bitamina na iyan. Sa tuwing iniinom ko kasi ay parang masakit ang sikmura ko at sumasakit din ang ulo ko,” sambit ni Melissa sa asawa.

Advertisement

“Ano ba ang sabi ng iyong doktor?” pagtataka ni Elmer.

“Ito daw kasi ang kailangan ko. Baka hindi hiyang sa akin ang gamot. Sa isang linggo ay baka resetahan niya akong muli,” tugon ng ginang.

“Sige, ibigay mo na lang sa akin ang reseta para ako na ang bumili,” nakangiting wika ng mister.

Patuloy silang nag-almusal at gumayak na si Elmer upang pumasok sa opisina.

Lingid sa kaalaman ni Melissa ay salungat ang lahat ng pinapakita sa kaniya ng kaniyang asawa sapagkat patuloy pa rin ang pakikipagrelasyon nito sa kaniyang sekretarya. Mariin na itong itinanggi noon ng mister na agad na pinaniwalaan ng ginang. Mula noon ay hindi na napag-usapan pa ang bagay na ito sapagkat alam niyang hindi siya lolokohin ng kaniyang asawa. 

“Kailan mo ba talaga hihiwalayan ang walang silbi mong asawa?” sambit ni Claire, sekretarya at kalaguyo ni Elmer. “Sabik na sabik na akong magsama tayo at mabigyan kita ng anak,” dagdag pa nito.

“Maghintay ka lang ng sandali. Baka ilang buwan mula ngayon ay matupad na ang pinaplano ko. Hindi ko pwedeng iwan ang asawa ko sa kadahilanan lamang na hindi siya magkaanak. Magiging masama ako sa paningin ng lahat,” sambit ni Elmer.

“Hindi naman talaga siya magkakaanak dahil sa mga gamot na ipinaiinom mo,” saad ni Claire. 

Advertisement

“Huwag kang maingay d’yan at baka mamaya ay may makarinig sa atin. Kailangan kong pagplanuhan ng maigi ito sapagkat ayokong magmukha akong masama. Sinabi naman na ng doktor na hindi na talaga magkakaanak ang asawa ko. Kailangan ko na lang pahinain ang katawan niya ng unti-unti hanggang magkasakit siya ng tuluyan at maialis na natin siya sa landas natin,” wika ni Elmer sa kasintahan.

“Maghintay ka lang saglit at magkakasama na rin tayo. Sabik na sabik na rin ako na magkaanak, akala mo ba?,” wika pa nito.

Ilang linggo na rin ang nakalipas ay patuloy nga ang paghina ng katawan ni Melissa dahil na rin sa epekto ng mga gamot na ipinaiinom sa kaniya ni Elmer. 

Habang nakaratay si Melissa ay isang matamis na ngiti muli ang ibinigay niya sa kaniyang asawa. 

“Mahal, sana lumakas na ako muli sapagkat gusto kong ako ang nag-aalaga sa iyo,” sambit ng ginang sa kaniyang mister. 

“Kaya inumin mo na ang gamot mo nang sa gayon ay gumaling ka na,” wika ni Elmer sabay abot ng gamot nito. Pero sa isip ni Elmer ay ang pinakamagandang regalo na maibibigay ng misis ay ang kalayaan niya mula rito.

Kahit hirap ay agad itong ininom ni Melissa. “Bukas ay kaarawan mo na. May inihanda akong regalo sa’yo,” saad ng ginang. “Pero bukas mo na tingnan, pagkagising natin. Sa ngayon gusto ko lamang ay yakapin ka hanggang makatulog ako,” dagdag pa ng ginang. 

Pinaunlakan ni Elmer ang hiling ng asawa at sa paghihintay na makatulog ang ginang ay nakatulog na rin si Elmer. Kinabukasan ay nasakatuparan na ang kaniyang plano. Hindi na muling gumising pa si Melissa. 

Advertisement

Agad siyang nataranta at tinawag ang mga kasambahay upang sabihin ang nangyari at tulungan siya. Ang sabi ng mga doktor na tumingin kay Melissa ay lumaki daw ang puso nito at nagkaroon ng atake habang natutulog.

Hindi maintindihan ni Elmer ang kaniyang mararamdaman. Marahil ay natural lamang ito sapagkat nakokonsensiya rin siya sa kaniyang nagawa. Pero sa kabila nito ay ang saya na tuluyan na silang magsasama ng pinakamamahal niyang kalaguyo at sa wakas ay matutupad na ang pangarap niyang makabuo ng sariling pamilya. 

Hanggang sa naalala niyang may regalong inihanda ang kaniyang asawa. Nakita niya ang isang envelop sa kaniyang drawer. Agad niyang binuksan ito at binasa. 

Mahal, ito na ata ang pinakamagandang regalo na maibibigay ko sa iyong kaarawan. Ngunit natatakot ako na sa paghina ng katawan ko ay hindi ko ito makayanan. Buti na lamang ay maswerte ako at nagkaroon ako ng isang asawang kagaya mo na aalagaan ako at mamahalin, kahit ano pa ang mangayari.

Mahal ito ang ultrasound ng ating anak. Oo, magiging tatay ka na. Sa wakas ay nagdadalang tao na rin ako!

Gulat na gulat si Elmer sa kaniyang nabasa. Nangangatog siya habang hinuhugot niya sa envelope ang nasabing ultrasound. Tunay ngang buntis si Melissa. Nanlalambot ang mga tuhod at buong katawan niya sapagkat hindi lamang pala ang kaniyang asawa ang kaniyang kin*itil kundi ang sariling anak na matagal na rin niyang hinihintay. 

Dahil dito ay palaging binabagabag si Elmer ng kaniyang konsensya. Lalo na sa tuwing maiisip niya ang krim*en na kaniyang ginawa. Hindi rin sila tuluyang nagsama ng kaniyang kalaguyo sapagkat bago pa ito mangyari ay nasiraan na ito ng bait at nawala sa kaniyang katinuan.