Pinagmamalupitan ng Dating Sundalo ang Pamangkin niyang may Pusong Mamon; Ito Pa Pala ang Malalapitan Niya sa Kaniyang Pagtanda
Lasing si Sandro nang umuwi sa kaniyang bahay. Naabutan niya ang pamangking si Allen na nakahiga sa salas.
Malinis ang bahay. Ni wala nga siyang makitang alikabok at ang aliwalas din ng paligid, kahit gabi na. Linis ang lababo at walang hugasing nakatambak, at may nakahanda nang pagkain sa mesang naghihintay sa kaniya. Ang totoo ay napakasipag na bata ni Allen, ang anak ng kaniyang namayapang kuya. Simula nang mawala ito ay sa kaniya na naatang ang responsibilidad sa batang si Allen.
Ang hindi lang maialis ni Sandro ay ang mainis sa bata, dahil sa pagiging malambot at malamya nito. Isang kahihiyang maituturing, dahil galing sila sa pamilya ng mga barakong sundalo. Dahil doon ay hindi niya magawang purihin si Allen kahit pa panay ang pagpapakitang gilas nito sa kaniya, sa pagiging masipag, matalino, magalang at mabait na bata. Isinantabi ni Sandro ang lahat ng ito, dahil lang sa baluktot na pagkalalaki nito.
“Aray, tama na po, tito! Ayoko na po! Hindi na po ako uulit, tito!”
Karaniwang araw. Umuwing lasing si Sandro pagkagaling sa trabaho. Naabutan niyang naglalaro ng chinese garter si Allen sa labas ng kanilang bahay at lubos niya iyong ikinagalit. Pinagbuhatan niya ng kamay ang bata hanggang sa halos magputukan na ang balat nito.
Tumagal nang ilang taon ang ganoʼng sitwasyon nilang magtito, hanggang sa maisipan na lamang ni Allen na lumayas sa kaniyang puder at simula noon ay nawalan na sila ng komunikasyon sa isaʼt isa. Nagkaroon ng sariling pamilya si Sandro, ngunit kalaunan ay iniwan din siya ng mga ito, dahil sa ugali niyang hindi nila matagalan. Nalulong siya sa alak, sugal at kung ano-ano pang bisyo, hanggang sa matanggal na siya sa trabaho.
Tumanda na lamang nang ganoon si Sandro at dumating sa puntong siyaʼy nagkasakit na. Pakiramdam niyaʼy pinagsakluban siya ng langit at lupa. Mahina na siya ngayon at walang malapitan, dahil hindi rin siya kinakausap ng dalawa niyang mga anak.
“Tito, gising na po pala kayo. Nagdala po ako ng pagkain. Halina po, kain na.”
Napakunot ang noo ni Sandro. Hindi makapaniwalang si Allen ay nasa kaniya ngayong harapan! Ang suot nitoʼy magarang polo at necktie na tinernuhan ng slacks at napakakintab na itim na sapatos.
Ang mabangong amoy ng inilulutong putahe ay nanunuot sa ilong ni Sandro. Hindi na niya matandaan kung kailan siya huling nakalanghap ng ganoon kabango. Parang automatikong kumulo sa gutom ang kaniyang tiyan, ngunit hindi naman niya magawang iangat ang sariling paa para tumayo dahil nanginginig ang kaniyang kalamnan.
“Tulungan ko na po kayo,” ang nakangiting alok ni Allen bago siya nito nilapitan at inakay paupo. Inihanda nito ang pagkain sa kaniyang harapan at sinubuan siya, habang ang mahina at matanda nang si Sandro ay titig na titig sa pamangking ngayon lamang niya ulit nakita.
Lumaking magandang lalaki si Allen. Malamya pa rin ito, at alam niyang ganoon pa rin ang nilalaman ng puso nito, ngunit tumanda itong disente. Nang mga sandaling iyon ay hindi napigilan ni Sandro na alalahanin ang lahat ng kalupitang nagawa niya rito at unti-unting tumulo ang luha niya nang dahil doon.
“Patawarin mo ako, Allen. Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko sa ʼyo. Hindi ko alam ang ginagawa ko noon. Nabulag ako sa kaisipang walang patutunguhan ang mga kagaya mo…ngunit ang totoo, ako ang siyang napariwara.”
Napayuko na lang si Sandro at nagtataas-baba ang kaniyang balikat sa pag-iyak. Ngayong mahina na siyaʼy hindi ba dapat, ginagantihan na siya nito? Ngunit hindi. Ito lamang ang tanging taong bukas palad siyang tinulungan.
Ngumiti lang si Allen at sinagot siya ng marahang tango bago ito nagpatuloy sa pagpapakain sa kaniya.
“Matagal na kitang pinatawad, tito.”
Napag-alaman ni Sandro na si Allen palaʼy isa na ngayong matagumpay na negosyante. May-ari na siya ng isang kilalang kainan, ngunit magkaganoʼn pa man ay nanatiling nakatapak sa lupa ang mga paa.
Sinagot ni Allen ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng kaniyang Tito Sandro. Bukod pa roon ay siya rin ang nakipag-usap sa mga anak at dating asawa nito.
Sa kabila ng kalupitan ay nagawang tingnan ni Allen ang positibong nangyari sa kaniya nang mapunta siya sa puder nito—ang pagkupkop nito sa kaniya—at iyon ang gustong ibalik ni Allen dito.
Pusong mamon nga si Allen at ang pusong mamon niyang iyon ang siya niya ring kalakasan dahil napakabuti niyang tao.