May Nag-iwan ng Sanggol sa Labas ng Bahay ng Isang Binabae; Ito Pala Ang Magpaparamdam Sa Kaniya Kung Paano Maging Isang Ganap at Tunay na Babae at Ina
Naalimpungatan ang nahihimbing na si Tyra, 45 taong gulang na transgender, nang marinig ang pagpalahaw ng iyak ng sanggol mula sa labas ng kanilang bahay.
“Bert, parang may umiiyak na bagong panganak na sanggol. Dinig mo ba?” gising ni Tyra sa kinakasamang si Bert. Limang taon na silang nagsasama sa iisang bubong. Ang maliit na bahay na kanilang tinutuluyan ay namana pa ni Tyra sa kaniyang mga magulang.
Hindi na nakatiis si Tyra. Bumalikwas siya at nagtungo sa sala. Sinilip niya ang bintana. Napansin niyang may kahon ng sardinas sa labas ng pinto. Agad niya itong dinaluhan.
Ganoon na lamang ang gulat ni Tyra nang bumungad sa kaniya ang bagong panganak na sanggol, na tantiya ni Tyra at mga ilang linggo pa lamang. Malinis na ito; ibig sabihin, naalagaan pa ito ng ina bago basta na lamang iwan sa labas. Agad niyang kinuha ang sanggol at dinala sa loob ng bahay.
“Bert, Bert… gumising ka! May bata! May nag-iwan ng bata!” Napabalikwas ng bangon si Bert. Agad siyang tumayo at namumutlang kinarga ang bata.
“S-Sinong pabayang magulang kaya ang nag-iwan sa kaniya?” nauutal na tanong ni Bert kay Tyra.
“Naku kung sino man iyang babaeng iyan, kakalbuhin ko iyan! Walang puso! Kawawa naman ang bata. Anong gagawin natin? Dalhin natin sa barangay?” tanong ni Tyra.
“Huwag. Huwag na. Alagaan natin siya. Tutal hulog siya ng langit sa atin. Ako ang tatay niya at ikaw ang nanay niya. Isang pamilya na tayo,” kakaiba ang kislap sa mga mata ni Bert. Parang sa isang iglap ay nabigyang-katuparan ang kaniyang hiling na maging isang ama.
“Pero B-Bert… hindi ako marunong mag-alaga ng bata!” pakli ni Tyra.
“Sino bang nanay ang natuto na kaagad? Siyempre kailangan mo muna magkaroon ng unang anak bago ka matuto. Matututo ka rin,” sabi ni Bert habang inuugoy-ugoy ang sanggol.
Nakangiting pinagmasdan ni Tyra si Bert at ang bata. Sana nga totoo na lang ang lahat. Na babae siya, at kaya niyang mabigyan ng supling si Bert. Dugo at laman nito. Nagtataka siya kay Bert. Alam niya ang ugali nito.
Ayaw nito sa mga biglaan. Subalit ngayon, bakit parang gustong-gusto pa nito ang pag-aalaga ng batang hindi naman niya kaano-ano? Naisip ni Tyra, baka matindi talaga ang kagustuhan ni Bert na magkaroon ng junior.
Lumipas ang mga araw at buwan. Walang nanay o tatay na naghahanap ng sanggol. Si Tyra ang nag-alaga sa bata. Naranasan niyang mapuyat sa gabi upang painumin ng gatas ang sanggol, o kaya naman ay palitan ng lampin dahil dumumi o umihi. Ganoon din naman si Bert. Napamahal sa kaniya ang bata.
Isang araw, napag-usapan nina Bert at Tyra ang binyag ng bata at kung ano ang ipapangalan dito.
“Papapasukin ba tayo sa simbahan? Hindi naman ako babae talaga. Anong sasabihin natin?” untag ni Tyra kay Bert habang ipinaghehele ang sanggol.
“Albert Jr. Ipangalan mo sa akin,” sabi ni Bert. “Saka huwag mo silang intindihin. Wala naman tayong ginagawang masama. Aarugain na nga natin si Albert eh.”
Habang dumaraan ang mga araw ay napapamahal na si Albert kay Tyra. Pakiramdam niya, ang pagdating ni Albert ang nagbigay-katuparan sa kaniya upang maging isang ganap na babae. Ang maging ina ay walang katumbas na halaga. Bumuo na siya ng maraming plano para dito.
“Pangako ko sa iyo Albert, mamahalin kita at aalagaan na parang tunay kong anak,” nakangiting bulong ni Tyra sa kalong na sanggol. Napulot ang katahimikan nang isang babae ang nagwawala sa labas ng kaniyang bahay. Agad niya itong tiningnan. Naroon si Bert at hinaharangan ang pintuan.
“Ilabas mo ang anak ko kung ayaw mo akong bayaran sa napagkasunduan natin!” galit na sabi ng babae kay Bert.
“Bert? Anong nangyayari dito? May problema ba?” usisa ni Tyra. Napahinto ang babaeng nagwawala pagkakita sa sanggol na bitbit ni Tyra.
“Ang anak ko!!!! Ako ang tunay niyang ina. Akin na ang anak ko!” umiiyak na sabi ng babae.
“Ikaw ang ina? Ikaw ang nag-abandona sa kaniya? Anong klaseng ina ka?! Wala kang puso! Matapos mong iwan sa kalye ang anak mo na parang pusa, susugod-sugod ka rito para kunin siya?” galit na sumbat ni Tyra.
“Bakit hindi mo tanungin ang magaling mong dyowa para malaman mo ang totoo?”
Napatingin si Tyra kay Bert na noon ay namumutla na at gumigitaw na ang pawis sa noo. “Huwag kang maniniwala sa kaniya, Tyra!”
“Anak namin ni Bert iyang batang iyan! Oo! May nangyari sa amin at nabuntis niya ako. Dahil hindi ako handa, pinakiusapan niya ako na huwag nang ipalaglag ang bata at iwan na lang dito sa inyo. Kunwari iniwan, pero anak namin iyan at gusto lang niyang ipaalaga sa iyo!”
Pakiramdam ni Tyra ay pinagbagsakan siya ng langit at lupa. Lumapit sa kaniya si Bert at lumuhod.
“Patawarin mo ako, Tyra. Patawarin mo ako sa pagkakasala ko sa iyo, hindi ko sinasadya. Natukso lang ako sa babae…”
Umigkas ang kanang kamay ni Tyra sa mukha ni Bert.
“Hayop ka! Minahal kita Bert… binigay ko lahat-lahat sa iyo, tapos lolokohin mo lang ako! Sana sinabi mo na lang ang totoo, hindi itong pinagmukha mo akong tanga! Pinagmukha mo akong hangal!” lumuluhang sabi ni Tyra.
Kaya pala ganoon na lamang ang reaksyon nito noong unang araw na makita nila si Albert sa labas ng bahay. Sa simula pa lamang ay alam na nito ang lahat.
“Akin na ang anak ko…” Subalit ayaw ibigay ni Tyra si Albert.
“Magkamat*yan muna tayo! Hindi ko ibibigay ang bata!”
“Para sabihin ko sa iyong binabae ka, huwag kang mag-ilusyong magiging nanay ka ng anak ko! Kahit kailan, hindi ka magiging babae! Ilusyunada! Kahit saang korte pa tayo mapadpad, matatalo ka lang. Hindi ikaw ang ina. Hindi ka ina dahil hindi ka babae!” pang-iinsulto nito kay Tyra.
Walang nagawa si Tyra nang sunggaban siya nito at kunin mula sa kaniyang bisig si Albert. Umiiyak na rin ang bata. Napaupong parang nauupos na kandila si Tyra. Hindi niya kinaya ang mga rebelasyon sa araw na ito. Tinangka siyang lapitan ni Bert.
“Lumayas ka! Layas! Magsama kayo ng babae mo! Kayo ang may anak hindi ba? Lumayas ka sa pamamahay ko!” galit na sabi ni Tyra. Itinulak niya si Bert. Tumayo siya at nagtungo sa aparador. Inihagis niya ang mga gamit at damit ni Bert.
“Hindi ako babae pero hindi mo ko puwedeng sumbatan na hindi ako piwedeng maging ina! Mas naging ina pa ako kaysa sa iyo! Palakihin mo ang anak mo nang maayos. Sana, maging mabuti kang ina kay Albert…” lumuluhang habilin ni Tyra sa ina ng bata.
Itinulak niyang palabas ng bahay si Bert. Wala siyang pakialam kung pinagpipiyestahan na siya ng mga kapitbahay niya ngayon. Ilang araw ding hindi pumasok si Tyra sa kaniyang trabaho.
Ilang araw lamang ang lumipas, muling bumangon si Tyra at nagpatuloy sa buhay. Nagpapasalamat siya sa pagdating ni Albert, kahit saglit lamang, dahil napatunayan niyang marunong talaga siyang magmahal at kaya niyang maging ina.
Napagtanto niyang wala sa kasarian ang pagiging isang dakilang ina.