Halos Ipagtabuyan ng Kaniyang mga Magulang ang isang Bata; Pinag-agawan Siya ng mga ito nang Mabigyan Siya ng Pagkakataong Mag-aral sa Ibang Bansa
“Mama, saan po ba tayo pupunta? Kanina pa po tayo naglalakad, pagod na pagod na po ako,” daing ni Toki sa kaniyang ina, isang araw matapos ang isang aksidenteng kinasangkutan niya.
“Hoy, tumigil ka kakareklamo d’yan, ha! Alam mo bang kung hindi dahil sa’yo, hindi tayo maghihirapan ng ganito ngayon!” sumbat ng kaniyang ina saka mabilis na naglakad.
“Wala naman po akong ginagawa, mama, pangako! Maniwala po kayo sa akin!” ‘ika niya na naging dahilan nang lalong pagkagalit ng kaniyang ina.
“Anong wala? Sana nga nawala ka na sa mundo, sana hindi na kita pinanganak!” sambit ng kaniyang ina dahilan upang mapaluha na siya.
“Ngayon, iiyak-iyak ka dyan? Mabuti na ngang dalhin kita sa tatay mo nang maranasan mo ang mas mahirap na buhay at nang matuto ka!” sigaw nito sa kaniya saka siya sapilitang hinila upang mas mabilis makapaglakad.
“Mama, huwag po! Ayoko po doon! Gusto ko po sa inyo!” hikbi niya saka mariing yumakap sa tiyan ng ina. “Ayoko na sa’yo! Puro kamalasan ang dulot mo sa buhay ko!” sigaw nito saka siya itinulak papalayo.
Nag-iisang anak ang sampung taon batang si Toki. Limang taon pa lamang siya nang magdesisyong maghiwalay ang kaniyang mga magulang dahil sa depresyong mayroon ang kaniyang ama’t pinagbubuhatan sila ng kamay. Simula noon, ang kaniyang ina na ang siyang nag-alaga’t nagpasok sa kaniya sa paaralan.
Naging masaya naman ang unang taon nilang mag-ina nang walang dahas na natatamasa at ilang buwan lamang, nakahanap na muli ng iibigin ang kaniyang ina.
Mabait naman ito’t palagi silang ipinapasyal kung saan-saan ngunit tila nalulong ito sa bisyo’t ninais silang iwan. ‘Ika pa nito, “Kung wala ka lang sanang anak, e ‘di sana hindi ako magkakaganito! Araw-araw kong tinitiis ang hirap para sa inyong dalawa na hindi ko naman talaga pamilya!” dahilang upang ganoon na lamang humagulgol ang kaniyang ina’t magsimula siyang kamuhian.
“Kung hindi dahil sa’yo, sana masaya ako ngayon!” ‘ika nito saka siya ikinulong sa kwarto.
Ngunit tila umigting pa ang galit ng kaniyang ina nang mapasama siya sa isang trahedya sa kaniyang eskwelahan. Tumalon sa isang gusali ang kaniyang kamag-aral at siya ang itinuturong tumulak dito dahilan upang magdesisyon ang kaniyang inang ihatid siya sa kaniyang ama. Ganoon na lamang kasi ang mga paratang na natanggap ng kaniyang ina mula sa eskwelahan kahit pa hindi naman talaga siya ang tumulak dito.
“Mama, ililigtas ko lang po talaga siya, hindi ko siya tinulak!” hikbi niya ngunit tila buo na ang desisyon ng kaniyang ina.
Noong araw na ‘yon, sa sobrang inis ng kaniyang ina, hindi nito sadya siyang maitulak nang malakas dahilan upang masagasaan siya ng isang sasakyan.
Ramdam na ramdam niya ang pagsalpok ng sasakyan sa kaniyang katawan at nagising na lamang siya sa pagtatalo ng dalawang pamilyar na boses.
“Mama? Papa? Kayo po ba ‘yan?” sambit niya dahilan upang lapitan siya ng dalawa.
“Anak, kay mama ka sasama, ‘di ba? Ayaw mo sa papa mo, ‘di ba? Sinasaktan niya tayo, diba?” pangungumbinsing bungad ng kaniyang ina.
“Huwag kang papaloko d’yan sa nanay mo, Toki! Hindi ba’t ibibigay ka niya sa akin dahil malas ka daw? Sumama ka na sa akin, anak, magaling na ang papa, hindi na ako nananakit,” pangungumbinsi naman ng kaniyang ama.
Bigla namang may dumating na isang matandang amerikano, halata sa pananamit nito ang karangyaan sa buhay. Doon niya nalaman na ito ang nakabangga sa kaniya at nais siyang pag-aralin sa ibang bansa kasama ng isa sa kaniyang mga magulang. Bukod pa dito, nais nitong bigyan ng trabaho sa bansang iyon ang kaniyang makakasama dahilan upang mag-agawan ang kaniyang mga magulang.
Napailing na lamang siya’t sinabing, “Kaya niyo pala ako pinag-aagawan ngayon.”
Nagdesisyon siyang mag-isang sumama sa matanda. Pigil-pigil man siya ng kaniyang mga magulang, ‘ika niya, “Para sa inyo rin po ito. Maging masaya po sana kayo sa sari-sarili niyong buhay at pangako, babalikan ko kayo.”
Lumong-lumo ang kaniyang magulang noong pagkakataon na iyon. Halos lumuhod ang mga ito sa kaniyang harapan para lamang isama ang isa sa kanila ngunit buo na ang kaniyang loob na sumama mag-isa sa naturang matanda na nalaman niyang matalik na kaibigan pala ng kaniyang guro sa eskwelahan.
Nag-aral ngang mabuti ang binata at ginawa ang lahat upang magkaroon ng maganda trabaho doon dahilan upang hindi nagtagal, nakuha niya pareho ang kaniyang mga magulang at doon muli silang nag-umpisang buuin ang kanilang pamilya. Buong puso niyang nilimot ang pait ng kaniyang pagkabata at mas piniling maging masaya sa nalalabi niyang buhay kasama ang kaniyang mga magulang.
Labis ang tuwa ng kaniyang mga magulang para sa batang dati ay parehas nilang napagbuhatan ng kamay.
“Pagtabuyan niyo man po ako ulit, paulit-ulit ko kayong kukunin at bubuuin dahil mga magulang ko kayo,” ‘ika niya saka niyakap nang mahigpit ang kaniyang mga magulang.
Wala talagang makakapagsabi kung ano ang iyong tadhana, kaya mangyari lamang na mag-ingat tayo sa pagbababa ng tao, dahil madalas, kung sino ang binababa, siya ang tumataas.