Hindi Maamin ng Dalaga na Nahulog na ang Kaniyang Loob sa Gwapong Bestfriend; Nakakakilig Pala Nang ang Tadhana ang Gumawa ng Paraan Para Mabunyag Ito
Magkababata ang matalik na magkaibigang Carlo at Jelly. Sabay silang lumaki at mas naging malapit sa isa’t isa dahil malapit na magkaibigan din ang kanilang mga magulang.
Pareho sila ng paaralan pinasukan magmula elementarya hanggang ngayong kolehiyo. Tila ba hindi na mapaghihiwalay ang dalawa. Palagi tuloy silang tinutukso na baka sila ang magkatuluyan sa huli.
“Hoy Carlo, ikaw nga umamin ka sa’kin! B*kla ka ba?!” bulyaw ni Jelly sa best friend.
“Ano na naman ba? Pang-isang libong tanong mo na ata ‘yan! ‘Di ka pa ba nagsasawa?” tugon naman ni Carlo.
“E bakit hindi ka pa nagkaka-girlfriend? Ang tagal na nating magkaibigan, tapos wala pa ako narinig galing sa’yo na may natitipuhan ka na,” nakasimangot na sabi naman ng dalaga.
“O, e bakit ikaw? Single ka rin naman ah? Hilig-hilig mo kasi sa mga manloloko, tapos iiyak-iyak ka sa’kin pag naiwan. Okay na akong ikaw lang ang pino-problema. Kaysa naman pareho kayong sakit sa ulo ng magiging girlfriend ko pag nagkataon,” natatawang saad pa ng binata.
“Sabagay… tama ka naman din. At saka baka pagselosan pa ako ng magiging girlfriend mo, makalbo ko pa siya,” pag-iinarteng muli naman ni Jelly. “Ako ba, Carlo, di mo ba ako magugustuhan?” dagdag pa ng dalaga.
“Hoy, Jelly! Kilabutan ka nga! Kung ano-anong pinagsasasabi riyan!” pagbasag naman ni Carlo.
“Di ‘wag! Choosy ka pa. Tse! D’yan ka na nga,” pagmamaktol naman ng dalaga.
Pilit mang itago ni Jelly, hindi naman niya maitatanggi na gusto rin niya ang binata. Napakagwapo ni Carlo, matalino at maginoo. Ang daming babae tuloy ang nagkakadandarapa dito. Pero kahit isa wala siyang ginusto.
Dahil sa pagkakaibigan, pinili ni Jelly na ‘wag nang sabihin at magkunwaring hindi niya mahal ang best friend. Mas mabuti nang ganoon kaysa mawala pa ang binata sa kanya kapag nalaman ito.
“Huy, Carlo! Tulungan mo ako dito sa graduation requirement ko. Ang dami-dami kasing pinapagawa ni Ma’am De Vega e,” inis na sabi ng dalaga.
“O, bakit ako gagawa niyan? Trabaho mo ‘yan. Ikaw ang bahala d’yan!” tugon naman ng lalaki.
“Ang aga-aga, bakit nagsusungit ka? Anong nakain mo naman?” gulat na tanong ni Jelly.
“Sino na naman daw yung galing sa kabilang section na nanliligaw sa’yo? Ikaw Jelly, umayos ka ha?!” masungit na pagkakasabi ng binata.
“Ah, si Gregory yun. Yung varsity. Ang gwapo kaya nun!” kinikilig-kilig na sabi pa ng babae.
“Tigilan mo ‘yan. Mag-focus ka sa pag-aaral. Graduating na tayo e!”
“Ano bang meron sa’yo? Daig mo pa ang boyfriend kung mag-react ah!” sabi ni Jelly na tila ba naiirita na.
Padabog namang umalis si Carlo. Hindi malaman ni Jelly kung bakit ganoon ang inaasal ng kaibigan. ‘Di kaya, nagseselos ito?
Halos dalawang linggo na hindi nagpakita ang binata kay Jelly. Sinubukan niyang puntahan ito ngunit lagi itong wala. Hindi rin ma-contact ito sa cellphone.
Mabilis kumalat ang balitang may nanliligaw nga na varsity kay Jelly sa kanilang eskwelahan. Bali-balita pa ay magde-date nga raw ang mga ito.
Biglaan noong lumabas si Carlo. Galit muli itong humarap kay Jelly.
“Totoo ba ha? Totoo ba Jelly?” galing na tanong ng binata.
“Ang ano? Matapos mong di magpakita ng dalawang linggo sa akin, bigla kang gaganyan sa akin? Anong problema mo ba ha?!” iritableng tanong naman ng dalaga.
“Totoo bang makikipag-date ka dun sa varsity mong manliligaw?”
“E ano naman sa’yo kung oo? Ano ka ba naman, Carlo? Umalis ka nga muna dyan. Uuwi na ako. Maghahanda pa ako,” sabi pa ni Jelly.
“Hindi nga pwede e!” sigaw ni Carlo. “Wag kang tumuloy! Sinasabi ko sa’yo, Jelly!” gigil na gigil na ang binata noon. At saka tumalikod at naglakad paalis.
Gulong-gulo naman si Jelly sa nangyayari. Ngunit excited na siya sa date niya noon kaya’t hindi na lamang niya inintindi ang best friend.
Kinagabihan, tinuloy nga ni Jelly ang pakikipag-date. Subalit agad siyang na-turn off sa manliligaw. Mayabang kasi ito at bastos ang pag-uugali. Hindi pa man tapos ang gabi noon, nagpaalam kaagad siya upang umuwi na.
Habang naglalakad pauwi, hindi sinasadyang nakasalubong ng dalaga si Carlo. Gumegewang-gewang itong naglalakad patungo sa direksyon niya.
“Carlo…”
“O kumusta naman ang best friend ko? Success ba ang date ha? Boyfriend mo na ba?” pasigaw na sabi ng binata.
Naamoy ni Jelly na amoy alak ito at malamang nakainom kaya ganoon.
“Carlo, pwede ba? Umuwi ka na at matulog! Lasing ka ata e. Mauna na ako!” pag-iwas naman ng dalaga.
Biglang kinuha ni Carlo ang kamay ni Jelly at saka hinalikan ng madiin sa labi. Matapos noon ay niyakap ng mahigpit ang dalaga.
Nanlaki ang mata ni Jelly at hindi makapaniwala sa nangyayari.
“May sasabihin ako sa’yo. Makinig ka lang mabuti. Hindi mo kailangan sumagot. Basta makinig ka…
Mahal kita, Jelly. Bata pa lang tayo gusto na kita. Pero hindi ko alam kung paano sasabihin sa’yo. Di ko ba alam, pagdating sa’yo natotorpe ako. Hindi ako nag gi-girlfriend kasi ang totoo, iniintay kita. Ikaw ang gusto ko, Jelly!
Patawarin mo ako. Kasi alam kong best friend mo ako, pero mahal talaga kita. Jelly, ako na lang… sa’kin ka na lang. ‘Di ko na matiis na makitang kang nasasaktan ng dahil sa mga manlolokong nanliligaw sa’yo. Nandito ako, ako na lang ang magmamahal sa’yo, please…” umiiyak na sabi ni Carlo.
Umiyak rin si Jelly sa narinig, pero luha ng kagalakan ang mga ito. Hindi siya makapaniwala sa naririnig.
“M-mahal din kita, Carlo. ‘Di ko lang masabi dahil natatakot ako na masira ang pagkakaibigan natin. Pero ngayong alam ko na ang totoo, gusto kong malaman mong iniintay lang din kita,” pahayag naman ng dalaga. “Pero ipagpaalam mo muna ako sa daddy ko!” Dagdag naman nito.
“Nagawa ko na. Kaya nga amoy alak ako ngayon. Nagpaalam na ako kay tito na liligawan kita, papayag daw siya kapag natalo ko siya sa inuman. Pero ayos na iyon, tulog na ang daddy mo. Kaya sisimulan na kitang ligawan,” nakangising sabi ng binata.
Hinila muli ni Carlo ang dalaga at saka hinalikan sa noo. “Magmula ngayon, liligawan kita. Hinding-hindi ka na masasaktan pa. Aalagaan kita, pangako!”
Yumakap ng mahigpit si Jelly at saka ngumiti. Posible palang mangyari ang ganoon. Halos lumundag sa tuwa ang puso niya.
Tulad ng pinangako, nanligaw nga si Carlo. Sinuyo muna nito ang mga magulang ni Jelly. Ngunit nagpakipot pa si Jelly.
Ibinigay ng dalaga ang matamis niyang ‘oo’ sa araw mismo ng graduation nila. Iyon na ang pinakamagandang regalo na natanggap ni Carlo noon.
Kahit na magkasintahan na ay walang patid pa rin sa panliligaw ang lalaki. Sobrang lambing pa rin nito sa kanyang nobya ang halos langgamin na sa sobrang sweet.
Matapos ang tatlong taon, nagpakasal na rin sina Carlo at Jelly. Hindi naman na ito ikinabigla ng karamihan. Ika nga ng magulang nila noon “kayo rin ang magkakatuluyan sa huli.” Natupad nga iyon.
Nagdadalantao na ngayon si Jelly sa kanilang panganay. Labis na kasabikan naman ang nadarama ni Carlo na masilayan na ang kanilang unang supling.
Napakaganda ng naging love story ng mag-asawang Carlo at Jelly. Sino nga bang mag-aakalang ang ilang taong pagkakaibigan ay mauuwi sa totoong pag-iibigan?
Minsan pala ang taong matagal nating iniintay ai siya palang nasa unahan natin, ngunit hindi natin nasasabi o napapansin, dahil sa takot na mauwi lahat sa wala. Pero paano natin malalaman kung hindi susubukan? Malay mo, nasa harapan mo na rin siya, naghihintay lamang din katulad mo.