Inday TrendingInday Trending
Isang Matulungin na Matandang Janitor ang Aantig sa Buhay ng mga Taong Kanyang Nakakasalamuhal; Ngunit Huli na Upang Bumawi Dito

Isang Matulungin na Matandang Janitor ang Aantig sa Buhay ng mga Taong Kanyang Nakakasalamuhal; Ngunit Huli na Upang Bumawi Dito

Halos dalawang dekada nang nagtatrabaho na janitor si Mang Kano sa pinapasukang kompanya. Ni minsan ay hindi ito nagliban, kahit masama ang pakiramdam ay pumapasok pa rin. Kapansin-pansin ang dedikasyon at ang mapagpakumbabang pag-uugali nito sa sinumang tao makasalamuha niya.

“Good Morning Tay, ” sabay sabay na bati ng mga babae sa loob ng elevator, “Ano ba ang sikreto niyo at parang di kayo napapagod sa ginagawa niyo?, isipin niyo 10 palapag ang sinusuyod niyo araw-araw para maglinis.” hirit ng isang babae. “Naku iha, sa awa ng Diyos binigyan niya ko ng sapat na lakas, tapos dapat maging mabuti ka sa kapwa mo at siyempre dapat mahalin mo trabaho mo.” wika ng matanda. “Haay, sana ganyan din ang ugali ko, kakaiba ka talaga Manong.” kantyaw naman ng isa.

Tuwing uwian, hindi nakakalimutan ni Mang Kano abutan ng pagkain ang isang pamilya na nakatira sa ilalim ng tulay malapit sa opisina nila. Ka-konchaba niya ang isa sa mga nagluluto sa canteen nila kaya kapag sakaling may tira-tirang ulam na hindi nagalaw sa araw na iyon ay hinihingi niya ito.

“O ayan ah, pasensya na medyo kaunti lang nakuha ko pero pagkasyahin niyo na muna yan.” inabot ng matanda ang isang plastic na may lamang ulam at nag-abot pa ng kaunting pera. “Kunin mo na maliit lang na halaga yan, basta pangako mo na i-aahon mo ang pamilya mo dito ah, tiwala lang sa Poong Maykapal hindi niya tayo pababayaan.” habang tinatapik niya ang balikat ng binatang ama.

“Maraming salamat ho Mang Kano, hulog po kayo ng langit sa aming mag-asawa. Huwag kayong mag ala-ala pag natupad ko mga pangarap ko, babawi ako sa inyo.” galak na hirit nito. “O siya di na ko magtatagal at may dadaanan pa ko.”

Nilalakad lang ng matanda ang daan pauwi ng bahay niya, medyo may kalayuan pero pinili niya ito para makatipid. Maliit lang ang tinitirhan nito, yari sa yero ang bubong at ang pader ay mga tagpi-tagping plywood na nakalakal niya sa isang junkshop.

Sumaglit muna si Mang Kano sa grocery upang bumili ng pagkain para sa bahay niya, araw ng sweldo noon kaya medyo may extrang budget siya pambili. Nakapila na siya para magbayad sa kahera, pero parang may konting gulo at ang ilang security guard ng grocery ay may itinutulak na babae palabas.

“Huwag ka nang pumalag, huli ka na sa CCTV.” sabi ng isang sekyu. Habang ang isa naman na mukhang supervisor ng grocery ay sinasabunutan ang babae, “Kapal ng mukha mo magnanakaw ka pala dalhin niyo na yan sa presinto.” galit na utos nito.

“Parang awa niyo na, may sakit kasi yung baby ko, huwag niyo na ko dalhin sa presinto kawawa yung baby ko.” sabi ng umiiyak at nakaka-awang dalaga.” “Bulok na yang gimik na yan, gago!” sabi ng ilang nakapilang customer habang pinagtatawanan ang babae.

“Kilala ko yan”, sigaw ni Mang Kano. Dali-dali itong lumapit at kinausap ang dalaga, “Ikaw talaga sabi ko sa iyo antayin mo lang ako at ako na bibili ng gamot, ikaw bata ka talaga.”

“Pasensya na kayo sa abala, ako na po ang magbabayad ng mga ito, baka nataranta lang siya kaya niya nagawa, kasama ko siya sa bahay.”

“Naku tatang, pagsabihan niyo ito kasi sa susunod di na namin palulusutin yan.” badya ng sekyu.

Sabay lumabas ng grocery ang matanda at ang dalaga, “Ayos ka lang ba neng?”

“Maraming-maraming salamat po”, hinagpis ng babae sabay yakap sa matanda. “Naku walang anuman, sige dalhin mo na yan sa baby mo, pagpalain ka ng Diyos na Maykapal.”

Maya-maya may biglang dumating na binatilyong naka motor, “Bilis sakay na”, sigaw nito sa babae. “Ta-taang salamat-tt po-oo”, nagpaalam na mangiyak-iyak at mabilis na umangkas.

“Mga kabataan talaga ngayon”. pailing-iling ang janitor habang lumakad na pauwi.

Kinaumagahan habang naglilinis sa opisina ng may-ari ng kompanya, narinig ng matanda na parang may humahagulgol na tinig na isang lalake. Sinilip niya ang kwarto kung saan nanggagaling ang iyak.

Kumatok muna ito, “Sir-rr, ayos lang po ba kayo?” Napatangin saglit ang lalake sabay punas sa luha nito sa mukha.

“Mang Kano, kayo pala yan,halika pumasok ka, sagot nito.

“Napagalitan ko kasi yung anak kong babae, sa sobrang galit ko may mga nabitawan akong mga masasakit na salita at pinalayas ko siya sa pamamahay namin.” malungkot na kwento ng may-ari. “Hanggang ngayon hindi ko pa rin siya mahanap, miss na miss ko na ang anak ko”, dagdag nito.

“Naiisip ko ang pinagdadaanan niyo Sir, payo ko lang ay huwag kayong susuko sa paghahanap sa kanya at magtiwala ka sa Diyos, hindi niya pababayaan ang anak mo at makikita niyo rin siya.” diin ni Mang Kano habang ito’y nakangiti at para bang pinapalakas ang loob ng lalake.

Dumukot sa bulsa ang matanda at inabot ang lumang rosaryo sa lalake, “Sir sa iyo na ito, pinagkaingat-ingatan ko po ito, bigay ng tatay ko yan. Sabi niya noon tuwing may problema kumapit lang ako dito at magdasal, makatulong sana sa inyo”. “Si-sigurado kayo?” nag-aalangang sagot ng kanyang amo.

“Opo sir, tago niyo na.”

Handa na umuwi si Mang Kano. Nagpaalam na siya sa mga kasamahan niya. “Oh kayo nang bahala dito ah, mauuna na ako.”

“Naku Tatay Kano, wag kayong magsalita ng ganyan mamimiss ka namin dito.” biro ng isang kasamahan.

“Loko, di pa ko mamatay, ” tawang hirit ng matanda.

Paglabas ng gusali, unang natanaw ng janitor ang ganda ng langit at ang palubog na araw. “Napakaganda” bulong niya. May bitbit siyang ulam at dadalhin sana ito sa pamilyang nakatira sa tulay, ngunit pagdating dun nagulat siya na wala na ang mga ito.

Tinanong niya ang isang mamang naglilinis doon, “Mawalang galang, alam niyo kung nasaan na yung pamilya na nakatira dito?” “Pagdating ko dito wala na pong tao.” “Ganun ba, saan na kaya napunta mga iyon? “Di ko po alam” sagot ng mama. “Ah siya sige, oh kumain ka na ba, sa iyo na lang itong dala ko.”

“Naku sakto kanina pa po ako gutom, salamat tay.”

Habang nag-aantay sa stoplight si Mang Kano upang tumawid, may tumabi sa kaniya na isang babaeng may kausap sa telepono habang hawak ang anak na lalake. Sumisigaw ang babae at parang may kaaway, hindi namalayan ng babae na biglang tumawid ang anak na ito sa sobrang abala sa telepono.

“Yung bataaa masasagasaan!” sigaw ng aleng tindera. Tinakbo ni Mang Kano ng buong lakas niya ang bata upang sagipin, naitulak niya ito palayo sa kalsada pero huli na para makaiwas ang matanda sa rumaragasang dyip.

“Tulongggg.” hiyaw ng ina ng batang sinagip ni Mang Kano. Agaw-buhay na ang matanda, puno ng dugo ang kanyang damit pero dinadaanan lang ito ng mga tumatawid at nakikiusyosyo pa, ngunit isang mag nobyo na naka motor ang biglang huminto at bumaba ang isang dalaga. “Tulungan mo ko bilis, kilala ko siya. Siya yung tumulong sa akin sa grocery”

Dali-dali nilang sinugod sa hospital ang duguang matanda. Sa kasamaang palad, hindi na kinaya ng matanda ang tinamong sugat nito at wala ng hininga ng dumating sa ospital.

Binalot ng luha ang dalaga habang akay-akay siya ng nobyo, “Tay dahil sa iyo gumaling yung anak ko.. tumatangis na hikbi ng babae.. Sa di kalayuan may lalaking nakapansin sa kanila.

“Anu nangyari sa kanya?”, tanong niya sa dalaga. “Nasagasaan, sinugod namin siya kaagad pero hindi na siya umabot, napakabait niyang tao” sagot nito. Sinilip ng binata ang mukha at laking gulat niya, napaatras siya at napahawak sa pinto.

“Mang Kano”, hindi na rin napigilan mapaiyak ng lalake. “Kilala ko siya, lagi niya kaming dinadalhan ng pagkain tapos binigyan niya ko ng pera nung huli kaming nagkita, nagbakasakali ako tumaya sa lotto, di ako makapaniwala na mananalo ako..”

Maya-maya may dumating na kalalakihan na naka uniporme na pang janitor at sa likod nila ay ang kanilang amo. Sumilip ang amo sa kwarto.

“Ahhh, pasensya na kamag-anak ba kayo ni Mang Kano?”, gulat na gulat ang dalaga ng ito’y lumingon. “Daddy-yyy?!?”, “Annnaaa-kkkk”, biglang niyakap ng ama ang matagal ng hinahanap na anak. “Sorryyy anak, patawarin mo ko sa nagawa ko, mahal na mahal kita.”

“Anung ginagawa mo dito” tanong ng ama. “Ako nagdala sa kanya dito, siya tumulong sa akin noong wala akong pambili ng gamot ng apo niyo.” umiiyak na sagot nito.

Sabay tangis ng luha ang ama ng dalaga, “Sinabi niya sa akin maniwala lang ako sa Diyos at magdasal at manampalataya na magkikita rin tayo, hindi ko inakala na sa ganitong paraan pala niya ko tutulungan makita ka. ”Nilabas ng lalake ang rosaryong binigay sa kanya ng janitor. “Salamat Mang Kano, Salamat sa kabaitan mo.”

Sabay ipit ng rosaryo sa kamay ng janitor.

Sinagot na ng binata ang pagpapalibing sa janitor at buwan-buwan nagdadaos ito ng libreng pakain sa mga lugar na kailangan ng tulong . Habang ang dalaga naman ay bumalik loob sa amang nakaalitan. Nag-iikot ikot sila sa siyudad at naghahanap ng tao o pamilya na nangangailangan ng tulong.

Advertisement