Tutol ang Ginang sa Kapitbahay Nilang Nobyo ng Kanyang Anak, Nang Malagay Siya sa Kapahamakan Ay Ito Pa ang Nagmalasakit
Nang maging 18-anyos si Mia, ay naging nobyo niya ang kanilang kapitbahay. Masayang-masaya siya dahil sa wakas ay legal na siya magboyfriend. Inggit na inggit kasi siya sa kaniyang mga kaibigan. Malapit si Mia sa kaniyang Mama kaya naitanong niya kung pwede na din ba siyang magka-nobyo. Pinayagan naman siya ng kaniyang Mama basta ipakilala muna ito sa kaniya.
Pero nang ipakilala na niya sa ginang kung sino ang kaniyang nobyo ay umasim ang mukha nito. Pinagsabihan agad niya si Mia na itigil ang kalokohan nito.
“Pero Mama sabi mo pwede na ko magboyfriend! Siya ang gusto ko.” pagtutol ng dalaga
Ayaw ni Elena kay Edgar. Hindi pa kasi ito nakakapagtapos ng pag-aaral at medyo may edad na ito kumpara kay Mia. Kilala rin si Edgar na lapitin ng mga babae.
“Basta wag siya! Marami pang lalaki diyan na may mas maayos na kinabukasan kesa kay Edgar. Ayoko makita na kasama mo siya. Ayusin mo na lang ang pag-aaral mo. Naiintindihan mo ba ako, Mia? ” wika ni Elena.
Kahit sumama ang loob ni Mia dahil ngayon lamang siya natutulan ng Mama niya ng ganiyan takot pa rin siya na masaktan ito. Gusto pa rin niya ituloy ang pakikipagrelasyon niya kay Edgar kaya naisipan nila na ilihim na lamang nila ito.
Naging maingat sila sa pagtatago upang hindi sila mahuli ni Elena. Hatid sundo ni Edgar si Mia sa eskwelahan. Magkasama rin silang nanood ng sine at namamasyal. Pagdating sa kanto ay naghihiwalay na sila ng daan upang hindi sila mahuli ni Elena.
Naging maayos at masaya si Mia kay Edgar. Pakiramdam niya ay nagkaroon siya ng Tatay sa katauhan ni Edgar. Matagal na kasing hiwalay ang mga magulang ni Mia. Hindi na sila binalikan ng kaniyang Ama ng mag-abroad ito. Ang sabi sa kaniya ay nagkaroon na ito ng ibang pamilya. Kaya naman lumaki si Mia na sila lang dalawa ng Mama niya ang laging magkasama. Masaya siya sa piling ng kaniyang Mama pero iba rin ang saya niya sa atensyon at pag-aalagang ginagawa sa kaniya ni Edgar.
Isang araw nang ihatid siya ni Edgar sa kanto ay nahuli sila ng kaniyang Mama. Galit na galit si Elena sa nakita nito at bumusina ng malakas. “Ikaw na lalaki ka, layuan mo ang anak ko. Wala kang magandang maidudulot sa buhay ng anak ko. Hindi mo nga maayos ang sarili mo gusto mo pang guluhin ang pag-aaral ng anak ko. Magtapos ka muna ng pag-aaral bata bago ka maglakas ng loob manligaw!” sigaw ni Elena habang dinuduro si Edgar.
Sobrang napahiya si Edgar sa mga salitang ito. Maraming tao ang nasa daanan ng mga oras na iyon. Walang nagawa si Mia kundi sumakay sa kotse nila at sumama kay Elena upang matahimik agad ito.
Pinagalitan ni Elena si Mia. Sinabihan din niya ang anak na kapag inulit niya ito ay kakalbuhin na niya ito. Ilang araw ng hindi nag-uusap si Edgar at Mia. Hindi rin ito nagtetext sakanya. Hindi rin niya ito nakikita sa labas ng kanilang bahay. Wala naman siyang magawa dahil takot siya makalbo ng Mama niya.
Isang gabi ay putlang-putla na umuwi si Elena galing trabaho. Pagbukas nito ng gate ay bigla na lamang itong natumba. Sakto naman na andon pala sa labas ng bahay nila si Edgar upang kumuha ng tiyempo na kausapin si Mia.
Sinubukan niya gisingin si Elena ngunit wala itong malay. Hindi na nagdalawang isip si Edgar na dalhin sa ospital ang Mama ni Mia. Nang ipinasok sa operating room si Elena ay sinundo na muna ni Edgar si Mia para makita nito ang lagay kaniyang Mama. Pagkalipas ng halos 8 oras ay lumabas na ang doktor mula sa Operating Room.
“Asan na po ang Mama ko? Kamusta na po siya?” paghahanap ni Mia habang umiiyak. “Hija, kung nahuli pa ng kaunti kanina ang iyong kaibigan na dalhin dito ang iyong Mama ay maaring kumalat ang lason sa katawan nito. Malapit na pumutok ang appendix niya. Hindi niya nakayanan ang sakit ng kaniyang tiyan kaya siya nawalan ng malay. Kapag pumutok ang appendix ay kakalat ang lason sa katawan na makakapaglagay sa peligro sa Mama mo. Pero wag ka na mag-alala sapagkat ligtas na ang Mama mo.” sabi ng doctor
Sinabihan sila ng doktor na maari na nila itong puntahan sa nilipatang kwarto nito. Nang magising si Elena ay niyakap agad siya ng kaniyang umiiyak na anak.
“Ayos na ako anak, pasensya ka na at nag-alala ka sa akin. Namiss mo ba agad ako? Teka, asan si Edgar?” mahinahon na tanong ni Elena.
“Po? Ah eh..” takot na sagot ni Mia
“Anak, ok lang. Sige na at papasukin mo siya rito, kailangan ko siya pasalamatan.” nakangiting sambit ni Elena. Pumasok si Edgar sa kwarto para na rin makita niya kung ayos na ba talaga ang lagay ng Mama ni Mia. “Edgar, kung hindi dahil sa’yo hindi ko alam kung ano ang sasapitin ko. Sa kabila ng ginawa ko at mga nasabi ko sa’yo hindi ka nagdalawang isip na tulungan ako. Maraming salamat hijo. Dahil diyan ay tinatanggap na kita sa bahay namin. Mas makakapante ako kung may isa pang mag-aalaga kay Mia ko pero syempre may mga kondisyon lamang ako.” sabi ni Elena.
“Ano po iyon?” sagot ni Edgar.
“Isa sa mga kondisyon ko ay tapusin niyo muna ng maayos ang pag-aaral niyo at susuportahan ko kayo sa mga plano niyo.” wika ni Elena.
Abot tenga ang ngiti ni Edgar at hindi rin makapaniwala si Mia sa kaniyang narinig. Pinakita ng dalawa na kaya nilang sundin ang mga kondisyon ng mama niya. Sa ngayon ay graduating na si Edgar sa kursong IT habang si Mia naman ay 1st yr college. Nakita ni Elena ang pagsisikap ng lalaki na makatapos ng pag-aaral nito kaya ganon na lamang rin ang suporta niya sa mga bata.
Ano and aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!