Inday TrendingInday Trending
Biglang Naghirap ang Pamilya ng Babae Ngunit Hindi Siya Tumigil sa Pagsabay sa Maluhong Pamumuhay ng mga Kaibigan; Ito ang Kanyang Napala

Biglang Naghirap ang Pamilya ng Babae Ngunit Hindi Siya Tumigil sa Pagsabay sa Maluhong Pamumuhay ng mga Kaibigan; Ito ang Kanyang Napala

Halos araw araw ay magkakasamang nagpupunta ng mall upang mag-shopping ang apat na magkakaibigang sina Sheena, Jen, Cathy, at Rose. Dahil sa mayayamang magulang ng mga dalaga ay nagagawa nilang bilhin lahat ng gusto nila.

“Sis! Tingnan mo ‘tong designer bag na ‘to. Ganda ‘di ba? Bagay ba?”, sabi ni Cathy sa mga kaibigan habang pinag-iisipang bilhin ang bag na naghahalaga ng P50,000.00.

“Bagay na bagay! Nako, parang gusto ko rin ah, ‘yong kulay red naman. Sige na nga, bibili na rin ako. Mura lang naman.”, sagot ni Sheena. Walang problema sa kanilang apat ang pagbili ng kahit anong gusto dahil sa yaman ng kani-kanilang pamilya.

Nang makita ni Rose at Jen ang binili ng dalawa, naisip nilang bumili rin na parang wala lang ang halagang P50,000.00. “Alam na namin! Bibili na rin kami. Hindi ba? Para BFF talaga! Pare-pareho tayong magkakaibigan.”

Bata pa lamang ang apat ay magkakaibigan na ito. At ang lahat ay kinaiinggitan sila dahil sa kanilang samahan.

Ngunit isang araw, umuwi si Jen na may mabigat na balita mula sa kaniyang magulang.

“Mom? Anong nangyari?”, tanong ng dalaga. Wala na ang apat na kotse sa kanilang garahe, gulo gulo ang mga gamit sa bahay, at hindi maipinta ang mukha ng kanyang ina.

“Kinuha ng mga pulis ang Dad mo. Napag-alaman na sangkot pala siya sa pagnanakaw ng malaking halaga sa kanilang kumpanya.”, umiiyak na sabi ng ina.

“Ha?! Alam mo ba ito, Mom?!”, laking gulat ng dalaga.

“Hindi! Wala akong kaalam alam! Buti na lang at umuwi ka na kung hindi ay baka mabaliw ako dito kaiiisip. Hindi ko maisip paano ito nagawa ng Dad mo.”, patuloy na pagiyak niya.

“Jen, anak! Kinuha nila ang lahat. Ipinahinto ang mga bank account natin. Ang mga kotse, kinuha nilang lahat. Pati itong bahay natin, hindi nila pinalagpas. Wala nang natitira sa atin! Paano na tayo?!”, halos himatayin na ang ginang.

Nagyakapan ang mag-ina. Matapos ay nag-empake na sila upang lumipat sa isang maliit na apartment malayo sa kanilang subdivision.

Habang natutulog na si Jen sa kaniyang matigas na banig sa sahig, tumunog ang cellphone nito. Nagmessage pala ang mga kaibigan sa group chat nila.

“Girls! Let’s go to Singapore ngayong weekend.”, yaya ni Sheena, ang pinakamatalik niyang kaibigan sa tatlo.

“Sige, game ako diyan!”, mabilis na sagot ni Rose.

“Ako rin! Ako pa ba, aayaw? Siyempre ikaw rin Jen, ‘di ba?”, sagot ni Cathy.

Kinabahan ang dalaga, hindi niya kayang sabihin ang katotohanang mahirap na siya dahil sa takot na layuan siya ng mga ‘to.

Kaya’t nag-isip ang dalaga ng paraan para lang makasama. Ibinenta nito lahat lahat ng gamit ng kanyang ina. Pati na rin ang mga gamit niya. Ni hindi niya naisip na sana’y pang business na lang nila iyon o kaya ay pangtulong sa kanyang ina. Mas naisip nitong ipagpatuloy ang nakasanayang magandang buhay kahit hindi naman na niya kaya.

Natuloy ang magkakaibigan sa Singapore. Matapos noon, halos araw araw pa rin silang magkakasama at nagsho-shopping. Sinwerte pa ang dalaga nang ma-approve ang application sa credit card na in-apply-an.

Isang araw, dumating ang birthday ni Jen. At nakasanayan na ng lahat na kumakain sila sa isang fine dining restaurant na halos nasa limang libo kada isang tao.

“Happy birthday, bestfriend!”, sabay sabay na bati ng tatlo nang makita si Jen. Nag-abot naman agad ng mga mamahaling regalo ang mga ito. Biglang nahiya si Jen kaya’t napagdesisyunang siya na lang ang magbabayad sa kanilang pagkain.

Matapos kumain, inabot na ni Jen ang credit card sa waiter. Masayang nagkwentuhan muna ang apat nang biglang bumalik ang waiter. “Ma’am? Declined na po ang credit card niyo. Maximum limit na po.”

“Sis, wala ka bang cash? Saka bakit pala bigla kang nag credit card? Dati hindi ka naman nag gaganyan diba.”, tanong ni Rose sa pagtataka.

“Uhm… E kasi ano e. Uh, pwede bang ikaw muna ang mag-abono, Cathy?”, hiyang hiyang tanong ni Jen. Iniisip pa niya kung paano lusutan ang nangyayari.

Parang nakahalata naman pinakamalapit sa kanyang si Sheena. Kita niya sa mukha ng best friend na may itinatago ito.

“Ako na, Jen.”, sabi ni Sheena habang inaabot ang bayad sa waiter. Nang makaalis ang waiter, sinabi ni Sheena, “Ngayon, pwede bang magtapat ka na sa amin? Alam kong may tinatago ka. Ramdam ko.”

Hindi na nakapagpigil ang dalaga. Umiyak nang umiyak si Jen. Ipinagtapat niya ang lahat lahat ng nangyayari sa kanya. Matapos niyang sabihin lahat, tumayo na ito at sinabing,

“Alam ko ayaw niyo na akong maging kaibigan. Maraming salamat sa lahat ng pinagsamahan natin. Hindi ko na kayang makisabay sa inyo. Lubog na lubog na ako sa utang. Sorry sa mga kasinungaling ko.”, umiiyak na sabi ni Jen. Bigla itong tumakbo palabas ng restaurant.

Ngunit laking gulat nito nang may tatlong kamay na humabol sa kanya.

“Jen, ganoon ba ang tingin mo sa amin? At unang una sa lahat, bakit hindi mo sinabi na naghihirap ka na pala?”, galit na sabi ni Rose.

“Natatakot akong mag-iba ang tingin ninyo sakin. At baka maliitin niyo na ako.”, nahihiyang sabi ni Jen.

“Ha?! Kaibigan mo kami, Jen. Alam mo ba ang ibig sabihin nun? Ibig sabihin nun kahit anong mangyari, walang iwanan!”, sabi naman ni Cathy.

Nagulat si Jen sa sinabi ng mga kaibigan. Hindi niya akalain ang reaksyon ng mga ito. Nangako pa ang tatlo na tutulungan si Jen na makaraos sa mga utang.

Nagpasalamat siya sa tatlo, at mahigpit niyang niyakap at pinasalamatan.

Magmula ng araw na iyon, nangako ang lahat na hindi magtatago ng kahit anong sikreto sa isa’t isa.

Natutunan ni Jen na hindi sagot ang pagpapanggap at pagsisinungaling sa paglutas ng mga problema.

Advertisement