Inday TrendingInday Trending
Isang Pangako ang Binitiwan Niya sa mga Magulang; Ito ang Naging Lakas Niya Laban sa Hamon ng Buhay

Isang Pangako ang Binitiwan Niya sa mga Magulang; Ito ang Naging Lakas Niya Laban sa Hamon ng Buhay

“‘Nay, sandali lang po at magbibihis ako, babalik ako para matulungan kita.”

Bago pa man makaimik ang kaniyang ina ay agad-agad nang nagbihis si Diane para matulungan ito. Pagod siya dahil kauuwi niya lang mula sa eskwelahan, ngunit kitang-kita niya rin ang pagod na nararamdaman ng kaniyang ina habang nakaharap sa labada nitong isang tambak.

Nang makalapit siya rito ay pilit niyang inagaw rito ang eskoba para siya na ang magkuskos.

“Naku! ‘Wag na, anak! Kaya ko na ‘tong mag-isa. Umuwi ka na sa bahay at mag-aral ka na lang,” taboy nito sa kaniya.

Umiling siya bago ipinagpatuloy ang pagkukuskos.

Alam niya kasing maghapon itong nasa harap ng labada, hindi iyon maitatago ng mga kamay nitong nagsusugat na.

“Ayos lang po, ‘Nay. Tinapos ko na po ang lahat bago pa ako umuwi. Tinulungan ko pa nga po ang mga classmate ko kaya nilibre nila ako bilang pasasalamat,” nakangiting pagbibida niya, dahilan upang mapangiti ito.

Sa huli ay wala na itong nagawa kundi ang hayaan siya. Magkatuwang nilang tinapos ang napakaraming labada ng pamilya kung saan ito nagtatrabaho bilang kasambahay.

Maya-maya pa ay narinig na nila ang ugong ng sasakyan, senyales na nakauwi na ang kanilang amo mula sa trabaho.

“Ate Nida, may hapunan na ba? Kakain na sana kami ng mga bata,” tanong ng amo nito nang sumilip ito sa pinto.

“Opo, meron na. Nakaluto na ako. Mukhang problemado po kayo, Ma’am Aira, may nangyari po ba?” hindi mapigilang usisa ng kaniyang ina. Si Diane naman ay tahimik lamang na nakikinig sa usapan ng dalawa.

Bumuntong-hininga ang babae bago sumagot.

“Pinatawag ako sa school ng mga guro nina Erika at Joel. Pareho kasing bumababa ang mga grades. Si Erika sa English, si Joel naman sa Math. Hindi ko rin sila masisisi dahil lagi akong nasa trabaho, hindi ko natututukan,” problemado nitong pagkukuwento.

“Ganoon ba? Naku, ano pong plano n’yo?” rinig niyang tanong ng kaniyang ina.

“Siguro maghahanap ako ng tutor para sa kanila. Kailangan talaga ng magtuturo, eh. Babayaran ko na lang, sana naman ay may mahanap ako.”

Isang ideya ang agad na naglaro sa isipan ni Diane. Alam niya kasi na magandang pagkakataon iyon para kumita ng pera na kailangang-kailangan nila. Pambawas man lang sa gastusin sa bahay nila kahit papaano.

Kaya naman agad siyang lumapit sa mga ito at magalang na sumali sa usapan.

“Ma’am Aira, kung papayag po kayo, ako na lang po ang kunin niyong tutor. Matataas po ang mga grado ko sa English at Math, at tuturuan ko po nang mabuti sina Erika at Joel.”

“Opo, Ma’am, tama po ang sinasabi ng anak ko,” segunda naman ng kaniyang ina.

Ilang sandaling nag-isip ang amo bago tumango at ngumiti.

“O sige, Diane, subukan natin. Kapag tumaas ulit ang grado nila, ipagpapatuloy natin. Babayaran kita,” ngiting-ngiting pagpayag nito.

Halos mapapalakpak si Diane. Isa lamang iyon sa mga napakaraming raket na pinapasok niya para makatulong sa pamilya nila. Bagama’t parehong may trabaho ang kaniyang mga magulang, hindi naman iyon sapat sa lahat ng kailangan nila lalo na’t nasa kolehiyo na siya ngayon.

Sa sobrang hirap ng buhay ay naranasan na nilang mag-ulam ng asin para lamang may panlamang tiyan. Akala niya nga ay ‘di na siya makakatuntong pa sa kolehiyo.

Ngunit sa awa ng Diyos ay araw-araw naman silang nakararaos dahil sa tiyaga ng kaniyang ama’t ina.

Bilang panganay, mulat siya sa estado ng kanilang buhay kaya minsan niya na ring sinabi sa mga magulang na hihinto na lang siya sa pag-aaral para makapagtrabaho at makatulong, ngunit labis ang pagkontra ng mga ito.

“Hindi! Mag-aaral ka, anak. Gagawin natin ang lahat para makapagtapos kayo. Iyon lang ang paraan para magkaroon kayo ng maayos na buhay, ‘yung buhay na hindi kagaya ng sa amin ng nanay mo,” seryosong pahayag ng kaniyang ama.

Kaya naman labis ang kagustuhan niya na umangat ang buhay nila.

“Nay, ‘Tay. ‘Pag nagkapera na ako, bibilhan ko kayo ng bahay na maganda. ‘Yung mala-mansyon, ‘yung kasinglaki ng bahay nila Ma’am Aira,” pangako niya sa mga magulang, isang gabi habang nakatingin sila sa bubong ng kanilang bahay na tumutulo dahil sa lakas ng ulan.

“Hindi namin kailangan ‘yun, anak. Matanda na kami ng Tatay mo. Ang tanging pangarap lang namin ay matupad niyo ang mga pangarap niyong magkakapatid,” sagot ng kaniyang ina.

“Tandaan niyo, kapag nakapag-aral ka, hindi ka kayang tapak-tapakan ng ibang tao. Hindi ka kukutyain kagaya namin. Dahil may narating ka sa buhay, hindi nila iisipin na walang kwenta ang buhay mo,” paalala naman ng kaniyang ama.

Hindi niya makakalimutan ang mga paalala ng mga magulang kahit taon na ang lumipas. Iyon ang ginawa niyang motibasyon para pagbutihin pa lalo ang pag-aaral. Alam niyang napakalaki ng sakripisyo ng mga magulang kaya’t hindi niya iyon dapat na sayangin.

Ginawa niya ang lahat ng paraan makaabot lang sa araw ng pagtatapos—pagtitinda, paglalabada, pagtu-tutor. Lahat ng pwedeng pagkakitaan ay ginawa niya. Hindi naman siya nabigo. Matapos ang napakahabang apat na taon sa kolehiyo ay nakamit niya ang pinakamimithi niyang diploma.

Ngunit hindi siya huminto doon. Dahil ang pagtatapos niya sa kolehiyo ay simula pa lang ng pagtupad niya sa ipinangako niya noon sa mga magulang.

Matapos ang matagal na pag-iipon ay nagpagawa siya ng bahay para sa mga magulang. Hindi man malaki o marangya iyon ay proud na proud siya dahil alam niyang bunga iyon ng kaniyang pagsisikap.

Ngayon ang araw na natapos niya ang pagpapaayos ng lahat kaya’t masaya niyang ipinatawag ang mga magulang na noon ay naninirahan sa isang maliit na apartment kasama ang kaniyang mga kapatid.

Ipinatayo niya ang bahay sa isang lugar na espesyal sa pamilya nila.

“Aba, anak! Pamilyar ang lugar na ito, ha? Hindi ba’t sa lugar na ito tayo nakatira noon? Nakakatuwa naman at ang laki na ng pinagbago,” komento ng kaniyang ama nang mapansin na dinala niya ang mga ito sa isang pamilyar na lugar.

“Naku! Ano ba ang surprise mo, anak? Nasasabik na tuloy akong malaman!” bulalas naman ng kaniyang ina.

Ngiti lang ang kaniyang sagot dahil huminto na sila sa gate ng bagong bahay.

“Pasok tayo, ‘Nay, ‘Tay,” nakangiting imbita niya sa dalawa.

Sumunod naman ang mga ito at panay ang papuri sa bahay na pinasok nila.

“Hindi ba’t dito sa lugar na ito mismo nakatayo ang dati nating bahay, anak? Ang galing! Ngayon, malaking bahay na ang nandito.” Bakas sa mukha ng tatay niya ang pagkamangha.

“Maganda nga, pero bakit ba tayo nandito, anak? Kilala mo ba ang may-ari?” takang tanong ng kaniyang ina. Sa mukha nito ay nakabalatay ang pagtataka.

Tumango siya bilang sagot sa ina. Kapagkuwan ay matamis ang ngiti na inabot niya sa mga ito ang susi ng bahay na pinaghirapan niyang ipagawa. Ang una niyang regalo.

“Kayo po. Sa inyo po itong bahay, ‘Nay, ‘Tay.”

Walang nakaimik sa dalawa na pawang natulala. Ngunit nang makabawi ay tumulo ang kanilang mga luha at niyakap siya nang mahigpit.

“Pinili ko na dito itayo ang bahay dahil saksi po ang lugar na ito mismo kung gaano naging mahirap ang buhay natin noon. Wala tayo rito ngayon kung hindi kayo nagsumikap na itaguyod kaming magkakapatid. Marami pong salamat, ‘Nay at ‘Tay,” aniya sa mga magulang.

Habang minamasdan ni Diane ang maligayang ngiti sa labi ng mga magulang ay wala na siyang ibang mahihiling pa, kundi ang mabuhay ang mga ito nang mas matagal pa para naman maibalik niya ang lahat ng pagsasakripisyo ng mga ito. Sigurado siyang ito pa lamang ang simula ng tuluyang pagganda ng buhay ng kanilang pamilya.

Advertisement