Inday TrendingInday Trending
Limang Taon Siyang Nakalimutan ng Kaniyang Nobyo; Ipinangako Niyang Wala na Itong Babalikan

Limang Taon Siyang Nakalimutan ng Kaniyang Nobyo; Ipinangako Niyang Wala na Itong Babalikan

“Ano’ng ginagawa mo rito? Hindi ba’t sinabi ko nang ‘wag ka nang magpupunta rito?”

Iyon ang maanghang na bungad ni Janna sa lalaki na nadatnan niya sa ibaba ng bahay nila. Ang dati niyang nobyo na si Paulo.

“Gusto lang kitang k-kumustahin, Janna.” May pilit na ngiti sa gwapong mukha nito.

Isang mapait na ngiti ang sumilay sa labi ng dalaga.

“Matapos mo akong kalimutan nang limang taon, Paulo? Kukumustahin mo ako? Nagbibiro ka ba?” taas kilay na tanong niya sa lalaki.

Napapahiyang yumuko ito.

“S-sorry,” sabi pa nito.

Lalo lamang nairita si Janna nang mapansin ang ekspresyon ng lalaki. Tila pabagsak na ang luha nito.

“Umalis ka na. Gaya ng sabi ko, ayoko nang makita pa ang pagmumukha mo,” aniya bago nagdadabog na tinalikuran ang lalaki.

“Sana pakinggan mo naman ako, Janna. Bigyan mo ako ng tyansa,” pagsusumamo nito.

Hindi na siya umimik at dire-diretsong pumasok sa kaniyang silid.

Nang makapasok siya sa kaniyang silid ay noon lamang tumulo ang luha na kanina niya pa pinipigilan.

“Bakit ka pa ba bumalik, Paulo? Nakalimutan na kita,” umiiyak na bulong niya habang minamasdan si Paulo na naglalakad palayo sa bahay nila, bagsak ang balikat.

Gusto man niyang pakinggan ang paliwanag nito ay natatalo ng galit ang katwiran sa puso niya.

Limang taon na simula noong maghiwalay sila ni Paulo. Nakipagsapalaran ito sa ibang bansa at ninais na maghanap ng trabaho.

Noong una ay hindi siya pumayag, sa takot na baka maging problema pa iyon sa relasyon nila. Ngunit pumayag siya dahil sa sinabi nito noon. Malinaw na malinaw pa iyong nakaukit sa alaala niya.

“Gagawin ko naman ‘to para sa magiging pamilya natin, Janna. Ito lang ang paraan na alam ko para maging karapat-dapat ako sa’yo. Pangako, susulat ako. Hindi mababago ng distansya natin ang pagtingin ko sa’yo,” pangako nito.

Ngunit tila nalimutan ni Paulo ang lahat ng ipinangako nito sa kaniya. Ni isang sulat, wala siyang natanggap. Maging sagot man lang sa mga sulat niya noon ay wala.

“Sinabi ko naman sa’yo. Hindi siya ang nararapat na lalaki sa’yo. Maraming lalaki pa ang hihigit sa kaniya,” naaalala niya pang sabi ng kaniyang ina nang malaman nito ang kinahinatnan ng relasyon nila ni Paulo.

Una pa lang kasi ay hindi na nito gusto si Paulo para sa kaniya. Mahirap lamang daw ang lalaki at hindi ito magiging mabuting asawa.

Dahil sa paglalaho ni Paulo sa buhay niya, wala siyang nagawa kundi ang magpatuloy nang wala ito.

Kaya naman galit na galit siya na babalik lamang ito sa buhay niya na para bang hindi ito nawala ng limang taon.

Naputol ang pagbabalik-tanaw ni Janna dahil sa pagdating ng isang bisita. Si Gerold, ang kababata niya, na kamakailan lang ay naging nobyo niya na.

Noon pa man ay ito na ang gustong-gusto ng kaniyang mga magulang na makatuluyan niya, kaya naman tuwang-tuwa ang mga ito nang malaman na kasintahan niya na si Gerold.

“Kayo ba’y wala pang plano na lumagay sa tahimik? Hindi na kayo bumabata,” isang araw ay tanong ng kaniyang ina habang kumakain sila kasama si Gerold.

“‘Ma…” saway niya sa ina. Alam naman kasi nito na hindi pa siya handang magpakasal.

Taas kilay na nilingon siya ng ina.

“Bakit? Samantalang noon, atat na atat kang magpakasal kay Paulo, na mas mahirap pa sa daga,” nakaingos na patutsada pa nito.

Pinigil na lang ni Janna na sagutin ang ina. Ni minsan talaga ay hindi nito nagustuhan ang dati niyang nobyo.

Nagulat siya nang magsalita si Gerold.

“‘Wag po kayong mag-alala, Tita, malapit na po. Pag-uusapan na po namin ni Janna ang tungkol diyan,” nakangiting pakli nito.

Agad namang ngumiti ang kaniyang ina sa narinig.

“Naku, mabuti na lang talaga at si Gerold ang mamanugangin ko!” natutuwang bulalas nito.

Napailing na lamang siya sa ina.

“Pasensya ka na kay Mama, ha. Alam mo naman ‘yun, medyo walang preno kung magsalita,” nahihiyang wika niya sa nobyo nang mapag-isa sila.

“Wala ‘yun. Gaya nga ng sabi ko sa Mama mo, handa akong pakasalan ka. Kapag handa ka na, pwede na tayong magpakasal,” tila naninimbang na wika nito.

Hindi makaimik si Janna. Hindi niya kasi maamin sa sarili ang tunay na dahilan kung bakit hindi niya maibigay ang buong puso niya kay Gerold. Hindi pa kasi nagkakaroon ng linaw ang relasyon nila noon ni Paulo.

Tipid na ngiti ang isinukli niya sa nobyo. “Salamat sa pag-intindi mo sa akin.”

Ilang sandali pa ay nagpaalam na ito.

Nang papasok na siya ng bahay ay nanlaki ang mata niya nang marinig ang pag-uusap sa loob ng bahay nila.

“Tama lang ang ginawa namin na pagtatago ng mga sulat na ipinapadala mo kay Janna. Kung hindi namin ginawa ‘yun, baka naghihintay pa rin siya hanggang ngayon sa’yo. Hindi ikaw ang nararapat sa anak ko,” seryosong wika ng kaniyang ama.

Napanganga siya sa narinig. Nang silipin niya ang nag-uusap sa loob ay nagulat siya sa nakita. Si Paulo, kaharap ang mga magulang niya.

“P-pero nagsikap po ako. At mahal na mahal ko po si Janna. Hindi ko lang po matanggap na galit siya sa akin dahil hindi ko naman siya minsan man nalimutan,” paliwanang ni Paulo.

Napaluha si Janna. Iyon pala ang katotohanan sa likod ng pagkawala nito. Ang magulang niya ang mga salarin.

“Umalis ka na. Ikakasal na si Janna, kaya ‘wag mo na siyang guluhin pa,” matigas na utos ng kaniyang ina.

Nadurog ang puso niya nang marinig ang pag-iyak ni Paulo. Lalo na nang marinig ang sunod na sinabi nito.

“Wala naman po akong magagawa kung may iba nang mahal si Janna. Gusto ko lang pong marinig niya ang paliwanag ko. Ayaw ko na isipin niyang niloko ko siya. Tulungan niyo po ako na makausap siya!” halos maglumuhod ito sa pakikiusap.

Sa narinig ay hindi na naiwasan ni Janna ang bugso ng damdamin. Nilapitan niya ang dating nobyo at sinugod ito ng mahigpit na yakap.

Nabigla man ang lalaki ay awtomatikong tumugon ito ng yakap.

“Narinig ko ang lahat… sorry kung hindi kita pinakinggan,” umiiyak na wika niya sa dating kasintahan.

“Mahal na mahal kita, Janna. Kung saan ka masaya, doon ako. Kung may iba ka nang mahal, wala ‘yung kaso sa akin,” anito.

Umiling siya.

“Hindi, hindi. Kailanman ay hindi ka nawala sa puso ko,” pag-amin niya.

Nang bumaling siya sa kaniyang mga magulang ay nakita niya ang pagkakapahiya sa mukha ng mga ito. Marahil ay hindi nila inaasahan na matutuklasan niya ang ginawa nilang paghadlang sa kanila ni Paulo.

“Sorry, anak. Hindi dapat kami nakialam sa inyo,” wika ng kaniyang ina habang inilalabas ang mga sulat na ipinadala sa kaniya ni Paulo sa nakalipas na limang taon. Ang mga sulat na itinago sa kaniya.

Nang mabasa niya ang mga sulat ng dating nobyo ay wala siyang magawa kundi mapahagulhol at manghinayang sa ilang taong nagalit siya rito.

Ang mga sulat kasi nito ay punong-puno ng pagmamahal at pangungulila para sa kaniya.

Sa huli ay ginawa ni Janna ang nararapat. Kinausap niya si Gerold at sinabi rito ang tunay niyang nararamdaman para kay Paulo. Naunawaan naman nito.

“Bago tayo naging magkasintahan ay kababata at kaibigan kita. Gusto kitang maging masaya,” nakangiting sabi nito bagaman bakas sa mukha nito ang pagkabigo.

Sa wakas, makalipas ang limang taon ay nagsama na ang dalawang taong tunay na nagmamahalan. Ipinangako nila sa isa’t isa na susulitin nila ang mga panahong sila ay magkasama. Ngayon ay wala nang sinuman ang makahahadlang sa pag-iibigan nila.

Advertisement