
Tinuligsa ang Mag-asawa Dahil sa Kasal Nila na Tinipid; Isang Mensahe ang Nais Nilang Ipaalala sa Lahat
“Amelia, Remuel! Halika nga kayo at may ipapakita ako sa inyo!”
Umalingawngaw sa buong kabahayan ng mag-asawa ang matinis na boses ng kaibigan nilang si Jinkee.
“Bakit ka napasugod dito, ang aga-aga?” takang halos magkapanabay na tanong ng mag-asawa.
Imbes na sumagot ay hinarap nito sa kanila ang hawak nitong cellphone. Nang makita iyon ay nanlaki ang kanilang mga mata. Gaya nito ay hindi sila makapaniwala sa nabasa.
Ang kapitbahay nilang si Tessa ay nag-post sa social media tungkol sa kasal nilang mag-asawa na ginanap kamakailan lang. Puro pang-iinsulto ang sinasabi nito!
“Ang pangit ng kasal, tipid na tipid sa budget!”
“Kung ganito ang kasal ko, hindi na lang ako magpapakasal. Nakakahiya, ha!”
Hindi maiwasan ni Amelia na magdamdam sa kapitbahay. Aminado naman siyang totoo ang sinabi nito na hindi magarbo ang kasal at pinilit nilang makatipid hangga’t maaari. Sa katunayan, ang wedding gown na sinuot niya ay hindi pinatahi kundi swerte niya lang na nabili sa isang ukay-ukay. Ang simbahan na pinagdausan ng kasal ay maliit at luma na, at ang pagkain na nakahanda ay lutong-bahay na pinaghirapan ng kanilang mga magulang.
Gayunpaman, taliwas sa sinabi nito, hindi siya nakakaramdam kahit katiting na hiya dahil masaya siya sa naging kasalan.
Pinag-isipan nilang mag-asawa at desisyon nila na ‘wag masyadong magastos ang kasal, dahil alam nilang mas kakailanganin nila ang pera kapag nagkaroon na sila ng anak.
“Naku, bakit naman niya sinasabi ‘yan? Talagang ipinost pa, hindi na lang kami kinausap,” dismayadong komento niya.
Inimbita niya ang babae dahil kapitbahay nila ito at ayaw nilang magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan kung maiitsapwera ito sa kasal nila. Ngunit tila mali ang desisyon nila na imbitahin ang babae!
Mas lalo pa siyang namroblema dahil nagsimulang dumami ang mga tao na nagkokomento tungkol sa buhay nilang mag-asawa. May mga masasakit na komento, ngunit karamihan ay sumasang-ayon at nakakaunawa.
Nang tanungin nila si Tessa tungkol sa pahayag nito ay lumabas din ang totoo—sadyang hindi lang ito masaya para sa kanilang mag-asawa.
“‘Wag kasing ipilit kung hindi kaya!” maanghang pang komento nito.
“Hayaan mo na at ‘wag na lang tayong magpaapekto,” alo sa kaniya ni Remuel.
Nagpupuyos man ang kalooban ay nakinig siya sa asawa. Wala namang patutunguhan ang pag-aaway nila.
Iniisip niya na lang na ang mahalaga naman ay makakasama niya na habambuhay ang lalaking mahal na mahal niya.
Ngunit hindi niya inakala ang mga sumunod na pangyayari.
Isang araw, habang nanonood silang mag-asawa sa sala ay isang hindi pamilyar na numero ang tumawag sa kaniya.
“Hello, si Ma’am Amelia Perez po ba ito? ‘Yung viral sa Facebook dahil sa kasal?” bungad ng lalaki sa kabilang linya.
Nagulat siya sa narinig at nataranta sa pag-aakalang isa ito sa mga taong mang-iinsulto na naman. Ibaba niya na ang telepono ngunit pinigilan siya nito.
“‘Wag niyo pong ibaba, Ma’am! Ako po si Jay Castro, empleyado ng Maine’s Bridal Gowns.”
Napamulagat siya. Sikat na bilihan iyon ng mga mamahaling wedding gowns! Doon ay tuluyan na nitong nakuha ang atensyon niya.
“Pinapatanong po ng boss namin kung ayos lang po ba na magpadala kami ng bagong wedding gown para sa inyo? Nabasa po kasi namin yung post at natuwa kami sa istorya niyo. Nais po naming maranasan niyong isuot ang gown na ginawa para sa inyo mismo,” paliwanag ng lalaki.
Tuwang-tuwa si Amelia sa narinig. Agad siyang pumayag.
Ngunit ang ‘di niya inaasahan ay ang sunod-sunod na pagtawag ng iba pang naglalakihang kompanya para magpadala ng pagkain, serbisyo, banda, imbitasyon, at kung ano-ano pa. Nais ng lahat na magpakasal ulit silang mag-asawa. Sa pagkakataong iyon, hindi na tipid ang lahat at bongga na!
Hanggang sa may nag-alok na magbayad ng simbahan para sa kanila, kung gusto nilang magpakasal muli sa ikalawang pagkakataon.
Lulang-lula man sa atensyon ang mag-asawa ay tinanggap nila ang lahat ng alok ng kung sino-sino. Hindi dahil nais nila ng bonggang kasal, kundi dahil may mensahe sila na nais ipaabot sa lahat.
Marami ang tumutok sa kanilang kasalan dahil sa social media, kaya kinuha nilang mag-asawa ang pagkakataon na iyon para ipaabot ang kanilang tunay na mensahe. Nais nilang marinig ng lahat, lalong-lalo na ng kapitbahay nilang si Tessa, ang kanilang mensahe.
“Maraming salamat po sa suporta niyong lahat, pero gusto lang namin linawin na hindi namin tinanggap ang alok na ito dahil sa pera o anuman. Wala akong pakialam kung ikasal man kami sa huwes at walang kahit na ano, dahil alam naming mahal namin ang isa’t-isa. Kapag mahal mo ang isang tao, mahal mo siya higit pa sa mga materyal na bagay.”
“Hindi sukatan ang kasal o kahit na anumang materyal na bagay sa isang relasyon. May mga nagpakasal na sa pinakamarangyang simbahan pero hindi lahat nagtagal, hindi ba? Marami ang naghiwalay ng landas. Kaya’t hindi niyo rin pwedeng sabihin na hindi namin tunay na mahal ang isa’t-isa dahil simple lang ang naging kasal namin. Tandaan niyo—ang pagmamahal ay higit pa sa naaabot ng mga mata,” mahabang litanya ni Amelia habang hawak nang mahigpit ang kamay ng lalaking pinakasalan niya sa ikalawang pagkakataon.
Kasabay ng palakpakan ng mga tao ay ang pagyayakap ng mag-asawa. Si Tessa ay dahan-dahang naglakad palayo, bakas sa mukha ang pagkakapahiya.
Ang tanging mahalaga sa relasyon ay pagmamahal at respeto. Bonus na lang ang mga materyal na bagay!