Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Panandaliang Kalayaan ay Nalimutan Niya ang Kaniyang Lolo; Ano ang Madadatnan Niya sa Kaniyang Pagbalik?

Dahil sa Panandaliang Kalayaan ay Nalimutan Niya ang Kaniyang Lolo; Ano ang Madadatnan Niya sa Kaniyang Pagbalik?

“Lolo, ‘wag na po kayong malungkot. Sa Maynila lang naman ako pupunta, hindi sa malayo.”

Natatawang niyakap ni Sunny ang kaniyanag Lolo Karding. Paano ba naman, hanggang sa araw ng pag-alis niya ay pilit siya nitong pinapakiusapan na manatili na lamang siya sa probinsya nila at doon na magtapos ng kolehiyo.

Ang kaso ay ayaw niya, dahil nasa Maynila na lahat ng kaibigan niya. Kaya naman para hindi na malungkot ang Lolo niya ay isang pangako ang binitiwan niya rito.

“Lolo, dadalawin naman kita nang madalas. ‘Wag na po kayong malungkot.”

“Hindi lang ako makapaniwala na hindi ko na araw-araw makikita ang apo ko,” malungkot na turan nito.

Damang-dama ni Sunny ang lungkot ng kaniyang Lolo. Hindi naman niya masisisi ito. Mula pagkabata kasi ay kasama na nila ito sa bahay.

Maaga kasing nawala ang kaniyang Lola. Ayaw ng kaniyang ina na manirahan ang kaniyang Lolo na mag-isa, kaya naman simula noong isilang siya ay kasama na nila ito sa bahay.

Kaya naman hindi matatawaran ang pagiging malapit ng loob niya sa kaniyang Lolo. Kasama niya na ito buong buhay niya, at iyon ang unang pagkakataon na magkakahiwalay.

“Apo, mag-iingat ka ha. Tumawag ka sa akin kung may kailangan ka na kahit ano,” hindi matapos-tapos na bilin nito.

“Opo, Lolo. Mag-iingat din po kayo rito. Ingatan niyo po ang kalusugan niyo nang hindi ako mag-aalala,” ganting bilin niya naman sa matanda.

Ilang sandali pa ay lulan na siya ng bus na paluwas ng Maynila. Nais pa nga ng kaniyang ama na ihatid siya, ngunit sinabi niya na iyon na ang unang hakbang niya para matuto nang mamuhay mag-isa.

Napakalaki ng ngiti sa labi ni Sunny habang nakatanaw sa daan na binabaybay ng bus. Sa unang-unang pagkakataon kasi ay naramdaman niya kung paano maging tunay na malaya.

Pagkababa niya pa lamang ng bus ay nakita niya na ang kaniyang mga kaibigan na hinihintay siya sa terminal.

Tuwang-tuwa niyang niyakap ang mag kaibigan. Hindi siya makapaniwala na kasama niya ang mga ito sa isang bagong kabanata ng kaniyang buhay.

“Diretso na tayo sa party! Ikaw na lang ang hinihintay!” sabik na tili ni Gigi, ang kaniyang matalik na kaibigan.

“Anong party?” kunot noong usisa niya.

“Party! Kung saan may alak, at makakakilala tayo ng mga bagong tao!” sagot naman ni Ira, isa rin sa mga kaibigan niya.

“N-naku, kailangan ko munang magpaalam kila Papa…” nag-aalangang sabi niya.

Agad na hinablot ni Gigo ang kaniyang cellphone.

“Ako na ang bahala sa parents mo. Sunny, iba rito sa Maynila. Malayo tayo sa parents natin, at hindi nila masusubaybayan ang bawat galaw natin. Kaya pwede natin gawin lahat!” sabik na bulalas ni Gigi.

Bagaman may naramdaman siyang sundot ng konsensya ay hindi niya rin naiwasan makaramdam ng pananabik.

Labing walong taon na siya, ngunit kung ituring siya ng mga magulang niya ay tila siya bata. Kaya napagtanto niya na tama ang mga kaibigan niya. Kailangan niya matutong mag-enjoy!

Ang una sa mga nagawa niya ay ang tumikim ng alak. Nahirapan masanay ang dila niya sa mapait na lasa ng alak, ngunit nang lumaon ay tila hindi na niya alintana ang pait.

Natuto rin siya magpunta sa kung saan-saang party. Hindi niya alam na masaya palang makipagsayawan, kantahan, tawanan, at kwentuhan sa mga bagong kaibigan!

Ilang linggo lamang ang lumipas ay sanay na sanay na si Sunny sa bago niyang buhay sa Maynila.

“Sunny, ikaw ba’y hindi man lang uuwi? Sabi mo dadating ka, pero gabi na ay wala ka pa,” malungkot na wika ng kaniyang Lolo nang makausap niya ito sa telepono.

Halos hindi maibukas ni Sunny ang kaniyang mata dahil sa sakit ng ulo dahil sa hangover. Umaga na nang makauwi silang magkakaibigan. Plano niya na umuwi sana para sa kaarawan ng kaniyang Lolo, ngunit nang magising siya alas syete na ng gabi.

“Sorry, Lolo. Umaga na po ako natapos mag-aral, at hindi ko na kakayanin bumiyahe pa,” pagsisinungaling niya. Pilit niyang inignora ang sundot ng konsensya.

“Ganoon ba, apo? Sige, magpahinga ka na. Sana naman ay makita na ulit kita, hija. Ikalawang buwan na ito na hindi ka umuuwi,” anito.

“Pasensya na po talaga, Lolo. Kapag ho nagkaoras ako ay makakauwi rin ako, Marami lang talagang ginagawa sa school,” katwiran niya.

Totoo naman ang dahilan niya. Dahil nga madalas siya mag-party ay wala na siyang oras umuwi sa kanila.

Marami pang pinagbilin bago nagpaalam na rin.

Ang pangako niya sa Lolo na uuwi siya nang madalas ay lalo lamang nawala sa isip niya. Sa isang semestre, maswerte na na makauwi siya ng dalawang beses.

Noong una ay panay ang pangungulit ng kaniyang Lolo na makauwi siya ngunit nang isang beses na mapagtaasan niya ito ng boses ay hindi na ito muling nangulit pa.

Ninais niya na humingi ng paumanhin sa kaniyang Lolo ngunit unti-unti na rin lumawak ang distansya sa pagitan nila. Hindi niya na alam kung paano lumapit dito. Maging sa kaniyang mga magulang ay napalayo ang loob niya.

Ang pag-uwi niya ay mas lalo lang dumalang hanggang sa nakakausap niya na lamang ang mga kapamilya niya sa telepono, sa t’wing may okasyon.

Marahil naisip din ng mga ito na tumatanda na siya at hindi niya na kailangan ang mahigpit na paggabay ng mga ito.

Mabilis na lumipas ang panahon ay bago pa mamalayan ni Sunny ay ilang araw na lang at magtatapos na siya sa kolehiyo.

Subalit bago pa dumating ang araw ng kaniyang pagtatapos ay isang tawag ang natanggap niya mula sa kaniyang ina. Seryoso ito.

“Umuwi ka na rito. May sakit ang Lolo mo.”

Iyon lamang ang sinabi ng kaniyang ina, ngunit dali-dali siyang umuwi at hindi na hinintay pa ang araw ng kaniyang pagtatapos. Gusto niyang kunin ang pagkakataon na ‘yun para makabawi sa mga naging pagkukulang niya sa kaniyang Lolo.

“Ano pong sakit ni Lolo, ‘Ma?” nag-alalang agad na usisa niya sa kaniyang ina.

Hindi ito nagsalita, ngunit itinuro nito ang matanda na tulalang nakatanaw sa bintana.

Sumulyap ito sa kaniya. Inaasahan niya na matutuwa ito ngunit sa kaniyang pagtataka ay inalis lamang nito ang tingin sa kaniya at muli na itong tumulala sa kawalan.

“Mama, ano pong nangyayari?” kinakabahang usisa niya sa ina.

Unti-unting tumulo ang luha mula sa mga mata nito ngunit hindi ito sumagot.

Nilapitan niya ang matanda.

“Lolo Karding…” tawag niya rito.

Kunot noo na nilingon siya nito.

“Isa lamang ang apo ko, hija. Hindi kita kilala. Bakit mo ako tinatawag na Lolo?” tanong nito.

Tila sinampal siya sa sinabi ng matanda. Nakalimutan na ba siya ng kaniyang Lolo?

Naramdaman niya ang pag-akbay ng kaniyang ama. “May dementia ang Lolo mo, hija. Hindi ka niya makikilala, ngunit kilala niya ang batang ikaw.”

“B-bakit hindi niyo po sinabi sa akin?” umiiyak na tanong niya sa magulang.

“Ayaw ng Lolo mo. Ayaw niya na maabala ka sa pag-aaral. Hindi naman namin alam na ganito kabilis ang pagkawala ng memorya niya,” paliwanag ng kaniyang Papa. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala.

Mas lalo lamang napaluha si Sunny. Isa-isang bumalik sa kaniya ang kung ano-anong rason na ibinigay niya sa mga magulang noon kapag hindi siya nakakauwi.

Natigagal siya nang magsalita ang kaniyang Lolo.

“Hindi pa ba uuwi si Sunny? Sunduin ko na kaya ang apo ko? Sakto, bagong sweldo ako, at kakain kami sa paborito niyang kainan.”

Sa narinig ay napahagulhol si Sunny. Naalala niya kasi ang mga panahon na araw-araw siyang sinusundo ng kaniyang Lolo. Sa kanilang pag-uwi ay idinadaan siya nito sa paborito niyang restawran at doon ay binibili ng Lolo niya ang lahat ng gusto niyang kainin.

“Ako na po ang susundo kay Sunny, Papa. Magpahinga na po kayo rito,” pigil ang luhang sagot ng kaniyang ina.

Nang maipasok ng kaniyang Papa ang kaniyang Lolo sa kwarto ay saka lamang niya narinig ang pag-iyak ng kaniyang ina.

“Masyadong nai-stress si Papa dahil hindi ka na umuuwi rito. Maaaring isa raw iyon sa mga dahilan kung bakit bumilis ang pagkawala ng alaala niya. Ang sabi ng doktor, ginusto lamang ng Lolo mo na bumalik sa mga panahon na kasama ka pa niya,” kwento ng kaniyang ina.

Sa nalaman ay dumoble lamang ang pagsisisi ni Sunny. Ngunit magsisi man siya ay huli na ang lahat.

Naisip niya na tunay nga na malalaman lang natin ang kahalagahan ng isang bagay kapag wala na ito sa atin.Hindi niya pinahalagahan ang pagmamahal ng kaniyang Lolo. Gusto man niya na ibalik iyon sa dati ay hindi niya na iyon magagawa pa, dahil tuluyan na siyang nalimot nito, gaya ng paglimot niya sa pangako niya rito.

Advertisement