
Isang Binatang Balot ng Tattoo ang Pinagsalitaan ng Ginang; Napahiya Siya nang Malaman Kung Sino Talaga Ito
“Grabe naman manamit ang isang ‘to. Akala yata wala siya sa pampublikong lugar,” komento ni Sonya habang sinusundan ng tingin ang nakasalubong na babae.
Nakasuot kasi ito ng pulang damit na napakaiksi. Hindi tuloy niya masisi ang ibang tao na malisyoso ang tingin na ipinupukol dito.
Lumaki siya sa konserbatibong pamilya kaya naman kahit kailan ay hindi siya nagsuot ng mga damit na kagaya ng suot ng babae.
Naaalala niya pa ang sinabi ng kaniyang tatay noon, “Walang mababastos kung walang magpapabastos.”
Kaya naman nang magkaanak siya ay iyon din ang itinuro niya sa mga ito.
“Ikaw naman, hayaan mo na ang ibang tao. Hindi mo naman sila kilala,” narinig niyang saway ng kaniyang asawa.
Hindi niya maiwasan na mapairap sa sinabi nito. Magkaibang-magkaiba talaga sila ng pananaw sa buhay. Madalas silang hindi magkasundo, at hindi nito gusto kapag namimintas o nagkokomento siya saa buhay ng ibang tao.
“Tara na. Pumasok na tayo,” anito bago siya marahang hinila papasok sa grocery store kung saan sila magkasamang namimili t’wing araw ng Sabado.
“Kuha lang ako ng gatas,” paalam ng asawa niya bago ito pumunta sa kabilang bahagi ng pamilihan.
Siya naman ay tulak-tulak ang cart ng mga pinamili nila nang may makabangga siyang isang lalaki.
“Pasensiya na po,” hinging paumanhin nito.
Sasagot sana siya ngunit napatingin siya sa braso nito at napangiwi. Balot na balot ito ang mga tattoo na hindi naitago ng kamisetang suot nito.
Hindi na sana siya magsasalita ngunit nang makita niya na wala naman sa malapit ang kaniyang asawa ay hindi niya maiwasang pangaralan ang binata ma halos kaedaran lang din ng panganay niyang anak.
“Mawalang galang na, pero ang pangit tingnan ng balat mo, hijo. Hindi ko alam kung bakit binababoy mo ang sarili mong balat. Nagmumukha kang galing sa kulungan,” walang gatol na komento niya sa binata.
Ilang sandaling hindi nakapagsalita ang binata. Natulala lamang ito at tila pilit na humahagilap ng sasabihin.
Nang tila makabawi ito mula sa pagkabigla ay tumitig ito sa kaniyang mata at nagsalita.
“Hindi ho ito ang unang beses na makarinig ako ng masakit na komento, ngunit kung minsan ay nagugulat pa rin ako. Mali po kayo, at hindi niyo po dapat husgahan ang sinuman base sa kung ano ang nakikita ng mata ninyo. Hindi porke’t may tattoo ako sa katawan, ibig sabihin ay masama na akong tao,” pahayag ng lalaki.
Imbes na makinig ay nagtaas lamang siya ng kilay. Hindi siya kumbinsida sa sinasabi ng lalaki.
“Paraan ko lang po ito para ipahayag ang aking sarili. Kung hindi kayo komportable ay ayos lang, pero sana bawasan po ninyo ang pagkokomento nang masama lalo na’t nakakasakit kayo ng kapwa,” magalang na litanya ng lalaki.
Siya naman ang natigagal. Bago pa siya makahanap ng sasabihin ay narinig niya nang magkagulo sa kabilang panig ng pamilihan. Sa hindi kalayuan ay nakita niya na may isang taong nakahandusay.
Mabilis na nawala ang binatang kausap niya at nakiusyoso ito sa komosyon, kaya ganoon din ang ginawa niya.
Ngunit agad siyang napasigaw sa pagkagimbal nang makita kung sino ang nakahandusay sa sahig.
Walang iba kundi ang kaniyang asawa!
Nanginginig man sa takot ay nilapitan niya ang asawa at marahan itong tinapik.
“Roberto. Gumising ka!” umiiyak na niyugyog niya ang asawa.
Isang lalaki ang lumapit sa kaniyang asawa at diniinan ang dibdib ng kaniyang asawa. Tulalang nakatitig lamang siya sa kamay na tao na kasalukuyang nagliligtas sa kaniyang asawa. Balot iyon ng tattoo, ngunit wala naman siyang ibang magawa kundi ang magtiwala.
“Kumalma po kayo. Doktor ho ako, ‘wag kayong mag-alala,” sabi pa ng lalaki nang mapansin ang pagkatigagal niya.
Ilang sandali pa nitong diniinan ang dibdib ng asawa niya bago ito huminto at inilapit ang tainga nito sa dibdib ng pasyente.
Ilang sandali pa ang lumipas ay dumating na ang ambulansya.
“Ma’am, ligtas na ho sa panganib ang asawa niyo dahil sa maagap na first aid ng doktor. Pero kailangan ho namin siyang dalhin sa ospital,” paliwanag sa kaniya ng lalaking bumaba mula sa ambulansya.
Nilingon nito ang lalaking tinawag na “doktor,” ang lalaking nagligtas sa asawa niya. Iyon din ang lalaking kani-kanina lang ay sinabihan niya ng kung ano-ano dahil sa mga tattoo nito. Hindi niya inakala na isa pala itong doktor!
“Dok, ang galing po ng ginawa niyo. Dahil po sa inyo ay nailigtas natin ang pasyente!” puri rito ng lalaki mula sa ambulansya.
Bahagya itong tumawa. “Hindi pa ho. Magiging doktor pa lang,” tila nahihiyang sagot nito.
Si Sonya naman ay nanatiling nakayuko. Hindi siya makahanap ng sapat na sasabihin upang pasalamatan ang lalaking nagligtas sa kaniyang asawa.
Hindi niya maiwasang makaramdam ng hiya lalo na’t hindi naging maganda ang impresyon at pakikitungo niya sa lalaki kanina, na hinusgahan niya dahil sa mga tattoo nito.
“Pasensya ka na, hijo. Nagkamali ako ng husga sa’yo. Tama ka, walang kahit na sinong nararapat na husgahan ang kahit na sino. Diyos lang ay may karapatan na gumawa noon,” aniya sa lalaki.
“Maraming-maraming salamat sa tulong mo. Magiging isa kang magaling na doktor.”
Akala niya ay may sasabihin itong hindi maganda sa kaniya ngunit tumango lamang ito at ngumiti.
“Ayos lang ho iyon. Lahat naman ho tayo nagkakamali.”
Dahil sa nangyari ay ipinangako ni Sonya sa sarili na gagawin niya na ang bagay na ikatutuwa ng kaniyang asawa—hindi na niya pagaganahin ang makati niyang dila sa mga buhay ng mga taong hindi niya dapat pakialaman at sa mga bagay na makakapanakit ng damdamin ng iba!