Isang Mag-ina ang Nakilala Niya sa Pagde-deliver ng Pagkain; Humanga Siya sa Tibay ng Loob ng Dalawa

“Jan, may customer na nagpapa-deliver,” wika ng kaibigan niya na si Janina bago nito iniabot ang telepono sa kaniya.

Kumunot naman ang kaniyang noo dahil sa sinabi nito.

“Ikaw nang kumausap. Sabihin mo na lang, hindi pa tayo nagde-deliver,” aniya bago umiling. 

Dalawang linggo pa lamang ang nakalipas simula noong opisyal na magbukas ang negosyo nilang magkakaibigan. Nagbebenta sila ng pagkain. Sa kabutihang palad, mukhang nagugustuhan naman ng mga tao ang kanilang mga produkto.

Marami pa silang kailangang ayusin kaya’t hindi pa lahat ng serbisyo ay kaya nilang ibigay, kagaya ng pagde-deliver.

“Hindi ko mahindian. Ikaw na ang kumausap, sige na.”

Nang pilit nitong ipasa ang telepono sa kaniya at wala na siyang nagawa.

“Hello po. Pasensya na po, hindi po kami nagde-deliver ng pagkain sa ngayon. Pero ‘wag po kayong mag-alala, kayo po ang unang makakaalam kung sakaling pwede na,” magalang na paliwanag niya sa customer.

Advertisement

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ng kausap niya, na para bang dismayadong-dismayado ito.

“Ganun po ba? Sayang naman, sabi ni Mama, pwede na raw akong kumain ng kahit anong gusto ko dahil naging matapang ako sa lahat ng pinagawa ng doktor sa akin,” malungkot na sagot nito.

Nagulat siya nang mapagtanto na isang bata ang tumatawag.

“Ah, talaga? Pwede naman sigurong sa ibang restawran ka na lang tumawag?” magalang na suhestiyon niya.

Muli ay napa-buntong hininga ito.

“Ayaw ko po roon. Narinig ko kasi sa mga kaibigan ko na nagpunta sila sa restawran niyo at masarap daw ng pagkain sa inyo, kaya naiingit ako. Bawal po kasi akong lumabas sabi ni Mama.”

Pilit mang ignorahin ni Jan ang nararamdaman niyang pagkadismaya ng kausap ay hindi rin niya magawa.

Nang sumulyap siya sa labas ay madilim na. Subalit gusto niya pa ring tuparin ang hiling na kanilang kustomer kahit ngayon lang.

Advertisement

Siya naman ang napabuntong hininga bago napagdesisyunang pagbigyan ang kausap.

“O sige, ano bang gusto mo? Mag-special delivery ako sa’yo. Ngayon lang ‘to ha?” biro pa niya.

Napangiti na lamang siya nang marinig kung paano nabuhay ang tinig ng kanina’y dismayadong bata. Halos hindi ito magkandaugaga sa pagsasabi kung ano ang gusto nitong ipa-deliver.

Agad siyang tumayo para asikasuhin ang order nito. Makalipas ang humigit-kumulang tatlumpung minuto ay handa na siya.

Madali niya lang na natunton ang bahay ng bata lalo na’t nakatayo ito sa tapat ng pinto at hinihintay siya.

“Ayan na! Mama, nandito na ‘yung magde-deliver” narinig niya pa ang excited na sigaw nito nang makita ang paghinto ng motorsiklo niya. 

Nang makaharap niya ang batang lalaki na nakausap sa telepono ay mataman niya itong tinitigan.

Payat ito, maputla, walang buhok, at may mga marka ng swero sa magkabilang braso. Ngunit ang pinaka-kapansin-pansin sa bata ay ang nakakahawa nitong sigla at matamis na ngiti.

Advertisement

Nang lumabas ito ay may kasama na itong isang babae, na nahinuha niyang ina ng bata. May nahihiyang ngiti na nakapaskil sa labi ng babae.

“Naku, salamat naman at tinanggap niyo ang order ng makulit kong anak. Ang tagal na kasi niyang inuungot na kumain kami sa restawran niyo, kaso hindi siya pwedeng lumabas,” wika ng ina ng bata.

“Hindi ba’t hindi kayo nagde-deliver? Ano’ng nangyari?” takang tanong pa nito. 

Napangiti si Jan bago nilingon ang bata.

“Naawa ho ako sa anak niyo. Tunog iiyak na kanina kung hindi ko mapagbibigyan. Sabi niya akala niya raw makakakain na siya ng gusto niya kasi good boy siya sa ospital,” kwento niya.

Sa narinig ay lumungkot ang mukha ng babae. Ito na mismo ang sumagot sa tanong na kanina pa naglalaro sa isip niya.

Agad na nakaramdam si Jan ng awa sa mag-ina, lalo pa’t magaan ang loob niya sa dalawang estranghero.

“C*ncer. Nagke-chemotherapy siya sa ospital ginagawa sa kaniya sa ospital.”

Advertisement

Natigilan si Jan. Alam niya na hindi biro ang hirap ng pagkakaroon ng ganoong klase ng sakit.

“Napakahirap ho siguro, ano? Pero bilang ina, kailangan niyong maging matapang,” komento niya. 

“Oo naman. Kung pwede ko lang ilipat sa sarili ko ang lahat ng sakit na nararamdaman ni Drew, ginawa ko na siguro. Pero wala naman akong magagawa kundi ang yakapin at patahanin siya sa t’wing halos hindi niya na kayanin ang sakit,” anito bago malungkot na sinulyapan ang anak na noon ay maganang kumakain.

Isang ideya ang pumasok sa isip ni Jan. Sa maliit na paraan ay nais niya rin na matulungan ang mag-ina.

“Dahil matapang na bata si Drew, lagi ho kaming bukas para sa kaniyang special delivery. Kapag ho may gusto siya, ‘wag ho kayong mag-aatubili na tumawag sa restwaran namin, ha? Ide-deliver ho namin ang kung anumang gusto niya,” nakangiting alok niya sa ina ng bata.

Malaki ang ngiti niya nang umalis siya sa bahay ng mag-ina.

Nang mga sumunod na araw ay halos araw-araw niyang nakikita ang bata. Madalas kasi itong umorder ng paborito nitong spaghetti at burger. Hindi niya maiwasang mapalapit sa bata.

“Kapag magaling na ako, ako naman ang bibisita sa’yo, Kuya Jan,” pangako nito. 

Advertisement

Kaya naman labis siyang nalungkot nang mga sumunod na buwan ay kinailangan nitong manatili sa ospital, dahilan upang hindi niya mabisita ang bata.

Makalipas ang ilang linggo pang pamamalagi ni Drew sa ospital ay nakatanggap siya ng mensahe mula sa ina nito.

“Hindi mo na kailangan pang bisitahin si Drew.”

May nangyari ba kay Drew? Sinalakay ng kaba ang kaniyang dibdib. Kinuha niya ang susi ng motor upang sumugod sana sa ospital.

Ngunit hindi niya magawang makaalis dahil isang espesyal na bisita ang dumating sa kanilang restawran.

“Kuya Jan!” sigaw ng isang pamilyar na tinig.

Nang lingunin niya ang pinto ay nakita niya ang mag-inang Elaine at Drew. Pawang may masayang ngiti sa labi ng dalawa.

Hindi siya makapagsalita sa labis na pagkabigla, ngunit agad na namuo ang luha sa kaniyang mga mata.

Advertisement

“Hindi mo na kailangan pang bisitahin si Drew, dahil siya na ang bibisita sa’yo simula ngayon, Jan,” nakangiting pahayang ng ina ng bata.

Tuluyan nang tumulo ang luha ni Jan. Bumaling siya sa bata. Hindi na ito maputla gaya ng dati, at nadagdagan na rin ang timbang nito. Nagniningning ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya.

“Ibig sabihin ba magaling ka na, Drew?”

Tumango ang mag-ina. Nagka-iyakan pa silang tatlo dahil sa magandang balita.

Sa wakas, tapos na ang kalbaryo ng mag-ina, ang mag-ina na noong una ay suki niya, na kalaunan ay naging malapit na rin sa puso niya.