Pinagdiskitahan ng Lalaking Ito ang Perang Para Dapat sa Kapatid, Nakonsensya Siya nang Magkabukingan

Pinagdiskitahan ng Lalaking Ito ang Perang Para Dapat sa Kapatid, Nakonsensya Siya nang Magkabukingan

HeartbreakingInspiringStories

“Kuya, roon na lang kaya natin iburol si Ate sa dati nating bahay? Tiyak, matutuwa ang kaluluwa no’n dahil doon siya lumaki at napakarami nating masasayang alaala roon!” pangungumbinsi ni Rey sa nakatatandang kapatid, isang gabi matapos ideklarang wala na ang panganay nilang kapatid. 

“Hindi ba’t wala nang kuryente at tubig doon? Hindi ba mahihirapan ang mga anak niya sa pagbabantay ng burol? Pagkakatanda ko rin, sira-sira na ang bubong noon. May inuupahan namang lugar kung saan siya pwede iburol, doon na lang siguro, ako naman ang bahalang gumastos,” sagot nito sa kaniya na ikinakunot ng noo niya. 

“Naku, huwag na, kuya! Lilinisin ko lang ‘yon, aayusin ko lang ang bubong at makikikabit ng kuryente at tubig, ayos na ‘yon!” sambit niya habang minomostra pa rito ang gagawing pagkukumpuni sa dati nilang bahay. 

“Sigurado ka ba? Makakagalaw ba nang maayos doon ang mga bibisita?” pang-uusisa nito sa kaniya. 

“Oo, kuya, akong bahala! Basta, bigyan mo ako ng pera. Syempre, pangpaayos at pangbayad sa kuryente at tubig,” wika niya dahilan para ito’y mapaisip. 

“Walang problema, simulan mo na ‘yon agad, ha? Para roon na agad idiretso ang katawan ng ate,” bilin nito sa kaniya saka agad na nagbigay ng malaking halaga ng pera na labis niyang ikinatuwa. 

Ang bunsong si Rey ang pinakawalang-wala sa kanilang apat na magkakapatid. Kung ang mga kapatid niya’y nakaranas ng karangyaan sa buhay kahit na papaano, siya’y puro paghihirap ang nararanasan. 

Bukod kasi sa palagi siyang nakaasa sa kaniyang mga kapatid, kapag siya’y binibigyan, imbis na sa bangko idiretso o kung hindi nama’y magnegosyo, sa sugalan, bisyo, at pangbababae niya inuubos ang kaniyang pera. 

Ito ang dahilan kaya kahit na siya’y may katandaan na, hanggang ngayon, wala pa siyang pamilya o kahit isang gamit na napupundar para sa kaniyang sarili. 

Pawang mga kapatid niya lang ang nagbibigay sa kaniya ng pera pangkain at kapag walang maibigay ang mga ito, hindi siya gagawa ng paraan para makakain bukod sa paghihintay na may bumagsak na biyaya mula sa langit. 

Kaya naman, nang mawala ang kanilang panganay na kapatid na naghirap dahil sa sakit, agad siyang nakakita ng pagkakakitaan. Alam niyang paggagastusan ito ng isa niyang kapatid na mayaman dahilan para agad siyang mag-isip kung paano makakataga ng pera sa burol na gagawin para rito. Doon niya naisip na kumpunihin ang dati nilang bahay para malaki-laki ang makuha niyang pera.

Nang araw na ‘yon, agad siyang nagtungo sa luma nilang bahay at kinumpuni ang mga sirang bubong at dingding doon. Kumabit na rin siya ng tubig at kuryente sa kanilang kapitbahay at nakipagkasundo na isang libong piso lang ang babayaran niya kahit ilang libong piso ang nasa kamay niya. 

Tinipid niya rin maigi ang pagkaing binibigay sa mga bisita. Hindi rin siya umarkila ng upuan at lamesa para sa mga ito kahit na ito ang bilin ng kaniyang kuya. 

“Siguro naman hindi dadalaw dito si kuya, busy sa trabaho ‘yon, eh!” sambit niya habang hinihintay ang pagdating ng katawan ng kaniyang kapatid. 

Sa unang araw ng burol, sandamakmak na reklamo ang natamo niya mula sa pamilya ng kaniyang kapatid. Palagi niyang pagsisinungaling, “Kakaunti lang ang binibigay na pera ni kuya, eh, tapos maghahangad kayo ng magandang burol?” 

Nagkukunwari pa siyang galit upang tumahimik na lang ang mga anak nito ngunit sa loob-loob niya, tuwang-tuwa siya sa dami ng perang nakulimbat niya. 

Ngunit kinabukasan, dumating ang kinakatakot niya. Biglang dumalaw ang kuya niya na talagang galit na galit sa naabutang sitwasyon ng burol. 

“Ito ang pinagmamalaki po sa akin, Rey? Sabi mo aayusin mo ‘to, hindi ba? Ang laki ng perang binigay ko sa’yo!” sigaw nito sa kaniya na talagang ikinapahiya niya. 

Magpapaliwanag pa lang sana siya nang muli na naman siya nitong pagsalitaan. 

“Hindi ka na naawa sa ate, Rey, kahit sa huling hantungan niya, pera pa rin ang iniisip mo! Kailan ka ba magbabanat ng buto para kumita ng sarili mong pera, ha? Puro na lang kami ang inaabala mo!” sigaw nito na labis niyang ikinakonsensya. 

Dahil sa matinding pangongonsenyang naramdaman niya, isinauli niya lahat ng perang itinabi niya para sa sarili. Gamit ang perang ito, pinaganda niya ang burol ng kapatid na labis na ikinatuwa ng pamilya nito. 

Simula rin noon, hindi na niya pinagsamantalahan ang perang para sa kaniyang kapatid. Bagkus, naghanap siya kaagad ng trabaho pagkalibing dito upang matustusan ang sarili niyang mga pangangailangan. 

Sa ganoong paraan, hindi na niya nagawang umasa sa kaniyang mga kapatid, nakatulong pa siya sa mga ito. 

“Hindi pa naman siguro huli ang lahat para sa akin,” wika niya sa sarili habang siya’y nagtatrabaho sa pabrikang pinasukan.

More Stories