Nagtanim ng Galit sa Ama ang Dalagang Ito, Ginantihan Niya pa Ito kahit may Sakit na Ito

Nagtanim ng Galit sa Ama ang Dalagang Ito, Ginantihan Niya pa Ito kahit may Sakit na Ito

FamilyInspiringStories

“Fe, mukhang nahihirapan nang huminga ang tatay mo, o, palitan mo na kaya ng oxygen ‘yan? Wala na yatang laman ang tangkeng ‘yan, eh,” pag-aalala ni Je sa ama ng kaniyang kaibigan, isang hatinggabi nang sunduin niya ito sa bahay. 

“Naku, nag-iinarte lang ‘yan, Je. Kakapalit lang ni nanay ng oxygen kaninang umaga. Imposible namang maubos agad ‘yon,” inis na tugon ni Fe habang mabilis na sinusuklay ang kaniyang buhok.

“Ano ka ba? Maghahatinggabi na, malaki ang posibilidad na wala na ‘yang laman! Ang liit-liit pa ng tankeng ‘yan. Tingnan mo na baka tuluyang hindi makahinga ang tatay mo!” sambit pa nito na lalo niyang ikinainis. 

“Hayaan mo nga siya! Nag-iinarte lang ‘yan!” bulyaw niya pa sa kaibigan habang naghahanap nang masusuot na sapatos. 

“Bakit mo ba sinasabing nag-iinarte siya? Kitang-kita namang nahihirapan na siya, eh,” giit pa nito dahilan para siya’y mapadabog. 

“Tuwing nagugutom ako noon, palagi niyang sinasabi na nag-iinarte lang ako. Gumaganti lang ako para malaman niya kung anong pakiramdam!” paliwanag niya rito na ikinagulat nito. 

“Hoy, tatay mo pa rin ‘yan!” bulyaw nito sa kaniya saka agad na lumapit sa matandang tila naghahabol na ng hininga. 

“Wala akong pakialam d’yan! Halika na, mahuhuli na tayo sa inuman!” sambit niya saka niya ito pilit na hinila palabas ng kanilang bahay. 

Simula nang magkamuwang sa buhay ang ngayo’y dalaga nang si Fe, nagtanim na siya ng galit sa ama niyang para sa kaniya, walang kakwenta-kwenta. 

Bukod kasi sa nakikita niyang may iba itong babaeng inuuwi sa kanilang bahay tuwing naglalabada sa ibang bahay ang kaniyang ina, palagi pa siya nitong pinagdadamutan noon. 

Tuwing dadaing siya ng, “Tatay, nagugutom po ako,” palagi nitong tugon sa kaniya, “Tumigil ka kakainarte, ha, wala akong pera!” pero makikita niyang todo bigay ito ng pagkain, softdrinks, at kung ano pang masasarap na pagkain sa dalagang kasama nito. 

Ito ang dahilan para ipangako niya sa sarili niya na kapag tumanda siya, hinding-hindi niya papakitaan ng pagmamahal ang tatay niyang ito. Handa siyang gawin ang lahat upang ipamukha rito na mali ang trato nito sa kaniya noon.

Kaya naman, ngayong may malubha na itong sakit at nakaratay na lang sa kanilang sala, ni minsan, hindi niya ito inalagaan. Ni hindi niya ito magawang mapalitan ng diaper o kahit sando kahit naaamoy na niya ang baho nito sa kanilang buong bahay. 

Sa tuwing dadaing pa ito sa kaniya, lagi niyang sagot dito, “Huwag kang mag-inarte riyan, wala akong oras para sa’yo!” na labis na ikinagagalit ng kaniyang ina sa tuwing siya’y maririnig nito. 

Nang hatinggabing iyon, agad na niyang hinila sa inuman ang kaibigan niya kahit alam niyang nahihirapan nang huminga ang kaniyang ama at tulog na ang kaniyang ina. 

Siya’y labis na nagpakalango sa alak habang nakikipaghagalpakan, kwentuhan, at sayawan sa kaniyang mga kaibigan na inabot na ng kinaumagahan. 

Eekis-ekis siyang naglakad pauwi sa kanilang bahay nang makita niyang umiiyak na sa tapat ng isang ambulansya ang kaniyang ina na talagang nagpawala sa tama ng alak sa kaniya. 

Tatanungin niya pa lang sana ito nang bigla na siyang niyakap nito. 

“Wala na ang papa mo, Fe. Kasalanan ko ‘to, eh, nakalimutan kong palitan ang oxygen niya!” iyak nito na kaniyang ikinagulat at ikinakonsensya. 

Lalo pa siyang naawa sa ina nang makita niya itong naglulupasay nang ilabas sa kanilang bahay ang labi ng kaniyang ama dahilan para mariin niya itong yakapin at maiyak na lamang. 

Habang hinihintay nilang maembalsamo ang kaniyang ama, may iniabot na sobre ang kaniyang ina sa kaniya na naglalaman ng isang tseke. 

“Sabi ng tatay mo, sa araw na mawawala siya, ibigay ko raw ito sa’yo. Pambawi niya sa lahat ng pagkukulang niya sa’yo. Inipon niya ‘yan simula nang magtino siya sa pagiging padre de pamilya ng bahay na ito. Sobra siyang nagsisi sa lahat, anak, sayang at hindi kayo nagkaroon ng panahon para magkaayos,” mangiyakngiyak na wika nito na labis niyang ikinabigla. 

Pagbuklat niya, halos lumuwa ang mata niya nang makita kung gaano kalaki ang laman nitong pera na labis niyang ikinaiyak.

Sakto namang biglang dumating ang labi ng kaniyang amang lulan na ng isang puting kabaong na agad niyang sinalubong. 

“Tatay, hindi ko kailangan ng ganitong kalaking pera, bumangon ka riyan, bumawi ka sa akin!” iyak niya habang yakap-yakap ang kabaong nito. 

Doon labis na tumatak sa isip niyang walang magagawang mabuti ang pagtatanim ng galit dahil sa huli, siya rin ang magsisisi at aani nito. 

Simula noon, inialis niya ang lahat ng galit na nararamdaman. Siya pa ang nagbantay sa kaniyang ama habang nakaburol at nangakong aalagaan ang kaniyang ina hanggang sa huli niyang hininga. 

Ginamit niya rin ang perang bigay nito sa pagnenegosyo na talagang ikinatuwa ng kaniyang ina na pinatigil na niya sa paglalabada.

More Stories