Pinagbintangan ng Gurong Ito na Magnanakaw ang Mahirap na Estudyante, Ito Nga Kaya ang Kumuha ng Pera Niya?

“Ma’am Judy, nakita mo ba rito sa lamesa ko ‘yong kinita ko sa pagbebenta ng pastillas at mani? Nakabalot ‘yon sa puting papel, eh, tapos inilagay ko rito,” wika ni Juana sa kapwa niya guro habang hinahanap ang kinitang pera sa pagbebenta sa klase, isang hapon pagkagaling niya sa palikuran.

“Naku, wala, eh, baka naman kung saan mo nailagay? Tandaan mo muna. Kung d’yan mo kasi ‘yan inilagay, nand’yan lang ‘yan,” sagot nito saka tinulungan na siyang maghanap.

“Tandang-tanda ko talaga, ma’am, dito ko talaga nilagay! Wala bang estudyanteng lumalapit dito sa lamesa ko simula nang umalis ako?” tanong niya rito dahilan para ito’y agad na mapaisip.

“Mayroon, si Julius. Nagpaalam siya sa akin na maglalagay lang daw siya ng proyekto niya riyan sa lamesa mo. Hindi ko naman nakita dahil abala ako sa pagbabasa kanina,” paliwanag nito na agad niyang ikinailing.

“Diyos ko! Malikot ang kamay no’n, ma’am, dahil walang baon ‘yon! Panigurado, siya ang kumuha ng benta ko! Malalagot sa akin ‘yon!” sigaw niya saka agad na nagpasiyang puntahan ang naturang bata.

“Maghunos dili ka muna, ma’am, baka hindi naman siya!” pigil ng kapwa niya guro na hindi niya pinakinggan.

Bukod sa pagtuturo, mayroon pang ibang pinagkakakitaan ang guro sa elementaryang si Juana. Kung hindi siya magtitinda ng mga pastillas at mani, magluluto naman siya ng turon o kung hindi nama’y yema para may maipandagdag sa pangbayad ng kaniyang mga gastusin sa bahay.

Siya na lang kasi ang inaasahan ng kaniyang ina’t mga kapatid dahil nga siya lang ang nakapagtapos ng pag-aaral at may propesyonal na trabaho.

Advertisement

Ito ang dahilan para ganoon na lamang siya labis na maghigpit sa paglabas ng pera. Kahit na pisong sukli sa jeep, hindi siya papayag na hindi niya ito makukuha. May pagkakataon pa ngang kapag nawawalan siya ng kahit isang paninda sa kaniyang basket, kung sino-sino ang pagbibintangan niya hanggang makuha niya ang nawawalang paninda.

Kaya naman, nang araw na ‘yon, nang mapagtanto niyang nawawala ang halos limang daang pisong benta niya, ganoon na lamang siya labis na nataranta. Lalo pa siyang nainis nang malamang ang mahirap niyang estudyanteng si Julius ang huling lumapit sa kaniyang lamesa.

Doon na siya nakasiguradong ito nga ang kumuha dahil sa lahat ng estudyante niya, ito ang palaging walang baon at minsan lang pumasok dahil palaging walang laman ang tiyan.

Pagkatapos na pagkatapos niyang makausap ang kasamahang guro, agad siyang nagtungo sa kanilang silid-aralan kung nasaan ang estudyanteng iyon.

Nakita niya itong nakain ng paninda niyang pastillas at ilang tinapay na lalong nagbigay ng hinala sa kaniya dahil alam niyang wala itong pera.

“Hoy, bata ka, ilabas mo na ang perang kinuha mo sa lamesa ko! Ang kapal naman ng mukha mong gastusin agad ang perang pinaghirapan ko!” sigaw niya rito dahilan para labis na magulat ang kaniyang mga estudyante.

“Wa-wala po akong kinukuhang pera, ma’am,” uutal-utal na sagot nito.

“Anong wala? Ikaw lang naman ang lumapit sa lamesa ko pagkapunta ko sa banyo! Nakabalot pa ‘yon sa puting papel, Julius!” sigaw niya pa rito.

Advertisement

“Ma’am, ito po ba ‘yong hinahanap niyong perang nakabalot sa puting papel? Nakita ko ito sa palikuran kanina, hindi ko po alam kung saan o kanino ko isasauli, eh,” sambit ng isang gurong napadaan na labis niyang ikinagulat. 

Dali-dali niyang tiningnan ang hawak ng naturang guro at labis siyang nagpasalamat dito nang makumpirma niyang ito nga ang hinahanap niyang pera. 

Babalik na sana siya sa kanilang opisina nang biglang magsalita ang estudyanteng pinagbintangan niya.

“Ma’am, kahit na walang-wala kami, kahit na wala akong maiulam o baon, hinding-hindi ko po kayang magnakaw. Maayos po akong pinalaki ng mga magulang ko kahit na mahirap lang kami,” sambit nito na labis niyang ikinakonsensya dahilan para siya’y humingi ng tawad dito pati na sa mga estudyanteng nabigla sa inasal niya.

Maraming guro ang nakabalita sa ginawa niyang ito dahilan para samu’t saring panghuhusga ang kaniyang matanggap. Ang iba’y labis na nagalit sa inasal niya na hindi pangpropesyonal.

Ngunit dahil nga alam na niya ang katotohanan ngayon, ginawa niya ang lahat upang mapatawad ng naturang bata. Bukod sa palagi na niya itong binibigyan ng makakain, inenganyo niya itong tumulong sa pagtitinda at kung ano man ang mabenta nito, mapapasakamay ng bata para pangbili ng pagkain ng pamilya nito na labis namang hinangaan ng iba pang guro.

“Oras na talaga siguro para hindi ako maging makasarili at bintangera dahil lamang sa pera,” sambit niya sa sarili habang tinuturuang gumawa ng pastillas ang naturang bata.