Inday TrendingInday Trending
Nagtangka ang Dalaga na Wakasan ang Sarili Niyang Buhay Dala ng Matinding Kalungkutan; Laking Pagsisisi Naman ng Kaniyang Pamilya

Nagtangka ang Dalaga na Wakasan ang Sarili Niyang Buhay Dala ng Matinding Kalungkutan; Laking Pagsisisi Naman ng Kaniyang Pamilya

“Anika, tinitingnan mo ba ang sinaing mo? Baka mamaya masunog na naman ʼyan, ha?!” tawag ng Ate ni Anika sa kaniya.

“Hindi po, Ate. Tinitingnan ko po.”

“Anika, nasaan na ʼyong pinapa-plantsa ko sa ʼyo? Late na ako! Napakabagal mong kumilos!” Ngayon ay ang kuya niya naman ang nagsalita.

“Malapit na pong matapos, kuya, wait lang po!”

“Anika!”

“Po, mama?” Pinahiran ni Anika ang pawis na tumutulo mula sa kaniyang noo pababa sa kaniyang sentido bago hinarap ang kaniyang inang papalapit na at mukhang galit na naman.

“Bakit tambak pa ang mga hugasin? Napakatamad mo talaga, ano? Iyan na nga lang ang gagawin mo, hindi mo pa magawa?” inis na sermon ng ina ni Anika.

Agad namang nagpaliwanag ang dalaga. “Eh, mama, inuna ko po kasing paliguan si bunso. Tapos, pinagsaing po ako ni Ate at pinagpaplantsa pa po ako ni kuya, kasi papasok po sila. Matatapos na po ako,” ang mahinahon niya pang pangangatuwiran.

Ngunit tila lalo lamang nadagdagan ang kunot sa noo ng kaniyang ina. Parang lalo pa itong nagalit sa sinabi niya. “Nangangatuwiran ka pa! Saan mo natututunan ʼyan? Isusumbong kita sa ama po, pag-uwi nʼon galing sa trabaho. Puro ʼyan na lang yata ang natutunan mo sa kase-cellphone mo!”

Napabuntong-hininga na lamang si Anika at tiniis na huwag na lamang sumagot pa sa kaniyang ina upang hindi na madagdagan ang galit nito sa kaniya.

Ngunit hindi pa pala doon natatapos ang hirap ng dalagita para sa araw na ʼyon, dahil tinotoo nga ng kaniyang mama ang banta nitong isusumbong siya sa kaniyang ama. Isang malakas na sampal ang inabot niya pag-uwi nito sa trabaho, nang hindi man lang siya hinahayaang magpaliwanag!

Pangatlo sa apat na magkakapatid si Anika, ngunit sa kanilang lahat ay sa kaniya naatang ang lahat ng gawain sa kanilang bahay. Ang panganay kasi nilaʼy nagtatrabaho na, samantalang ang kuya niya na siyang pangalawaʼy graduating na sa college. Siya ay nasa ikalawang taon pa lang sa highschool at ang bunso nilaʼy apat na taong gulang pa lang. Parehong nagtatrabaho ang kaniyang mama at papa at siya lang ang may maluwag na oras sa kanilang lahat.

Ayos lamang naman sana kay Anika ang ganoʼn. Kaya nga lamang, palagi pa siyang pinag-iinitan ng mga ito. Sa tuwing makagagalitan ng boss ay sa kaniya ibubunton ng ate niya ang inis nito. Ang kuya niya naman ay talagang mainitin lang ang ulo. Ang mama at papa niyaʼy hindi kailan man nakinig sa kaniyang paliwanag dahil para sa mga ito, katulad lamang siya ng ibang kaedad niya ngayon na puro social media at pagse-cellphone lang ang alam.

Sa puntong ito ay sawang-sawa na si Anika sa ganoong buhay. Pagod na siyang marindi at mapagbuhatan ng kamay.

Lingid sa kaalaman ng mag-anak ay nakadaranas na ng matinding kalungkutan si Anika dahil sa kanilang mga ginagawa at ipinakikita. Katuwiran kasi nilaʼy nag-iinarte lang ang dalagita, dahil ganoon naman ang mga kabataan ngayon.

Nagulat na lang ang mag-anak kinabukasan nang katukin nila si Anika sa kuwarto nitoʼt hindi ito sumasagot. Nanggagalaiti na ang padre de pamilyang si Roger at ganoon din ang asawa nitong si Carmela, kaya naman sapilitan na nilang binuksan ang pintuan ng kwarto ni Anika.

Ganoon na lang ang gulat nila nang makitang bumubula ang bibig ng dalagita at nagkalat ang mga puting gamot at tableta sa sahig. Nagtangka si Anika na wakasan ang sarili niyang buhay!

“Anika, anak ko! Gumising ka!” hagulhol ni Carmela habang itinatakbo nila sa ospital ang anak. Tulala naman ang mga kapatid ni Anika habang ang kaniyang ama ay natataranta naʼt hindi alam ang gagawin. Sinisisi ng bawat isa ang kanilang mga sarili. Tila nagbalik sa kanilang mga balintataw ang mga panahong sinasaktan nila si Anika nang pisikal o gamit man ang salita.

Laking tuwa ng mag-anak nang ideklara ng doktor na stable o maayos na ang lagay ni Anika, lalo na nang magising na ito mula sa pagkakatulog. Agad na humingi ng tawad ang dalagita sa kaniyang pamilya, pati na rin sa Diyos para sa kasalanang tinangka niyang gawin.

“Patawarin mo kami, anak. Kami ang nagkulang. Hindi dapat namin ipinararamdam sa ʼyo ang ganoʼn. Dapat, inaalagaan ka namin,” ani Cecilia habang umiiyak.

“Patawarin mo kami, Anika. Huwag mo na sanang uulitin ʼyon. Sobrang sorry sa mga nagawa ni ate at kuya sa ʼyo. Promise, gagawin namin ang lahat para mas maging mabuting kapatid.” Niyakap ni Anika ang kaniyang pamilya at sinabing pinapatawad na niya ang mga ito. Nangako siyang hindi na muling uulitin pa ang kaniyang ginawa, ngunit nagpasiya pa rin ang pamilya na ipatingin siya sa espesyalista upang unti-unti ay magamot ang kaniyang depresyon.

Simula nang araw na iyon ay hindi na muling naramdaman pa ni Anika ang masasakit na naranasan niya sa nakaraan. Lalo pa niyang minahal ang pamilya niya, sa pagkakataong ito.

Advertisement