Sumali ang Dalaga sa Isang Grupo Upang Makahanap ng Pribadong Sasakyang Patungong Trabaho; Daan na Pala Ito Upang Mahanap ang Taong Maghahatid sa Kaniya sa Dambana

“Pambihirang buhay ito oh, paano kaya ako makakapasok nito?”

Nakatulala pa rin si Patricia sa mensaheng ipinadala sa kanila ng team leader sa pinapasukang BPO company. Dahil nasa ilalim na ng General Community Quarantine ang NCR, balik-trabaho na sila, problema naman niya, paano siya makakapasok dahil madalang pa ang mga bumibiyahe.

Tinawagan ni Patricia ang kaniyang kasamahang si Rowena.

“Friend, hindi ko alam kung paano ako makakapasok? Wala naman akong sasakyan,” sabi ni Patricia.

“Hindi ko lang alam friend kung may shuttle service na ibibigay ang management. Hintay-hintay lang tayo. Iyan din ang problema ng iba nating mga kasamahan,” turan na lamang ni Rowena.

“Sana nga makapag-provide sa atin ang kompanya para naman makapasok na tayo,” pag-asam ni Patricia.

“Friend, try mo kayang humanap sa Facebook ng group ng carpool,” mungkahi ni Rowena.

“Carpool? Ano iyon?”

Advertisement

“Iyon yung mga taong may-ari ng private vehicle na naghahanap ng sasabay sa kanila, magbibigay ka lang nang kaunting pera sa kanila. Mas mura yung ganoon, kasi yung iba para lang makatulong sa kapwa sa panahon ngayon,” payo ni Rowena.

“Sige subukan ko mamaya! Salamat, friend!”

Matapos ang pag-aasikaso sa mga gawaing-bahay, minabuti ni Patricia na magsaliksik ng mga grupo ng carpool sa Facebook na malapit lamang sa kanila. Saktong may nahanap naman siya. Pinindot niya ang “Join” button, at wala pang isang oras ay pinaunlakan na siya.

“Looking for carpool, from San Jose Del Monte, Bulacan to Quezon City,” post ni Patricia sa wall ng grupo.

Habang naghihintay ng taong magpapadala sa kaniya ng mensahe, tiningnan ni Patricia ang mga post sa grupo. Nakatawag sa kaniya ng atensyon ang isang post.

Wala kang sasakyan? Walang dyowang maghahatid sa iyo sa trabaho? Puwes, baka ako na iyon. PM is the key.

Natawa si Patricia. Matagal na nga pala siyang walang karelasyon. Tatlong taon na ang nakararaan nang mahinto ang kaniyang relasyon sa unang kasintahan. Simula noon, napagod na ang kaniyang puso sa paghahanap ng taong mamahalin.

Sa wakas ay may nagpadala ng pribadong mensahe sa kaniya.

Advertisement

“Hi, Miss Patricia! Puwede po ako,” sabi ng nagpadala sa kaniya ng mensahe. Tiningnan niya ang profile nito. Isang guwapong lalaki ang bumungad sa kaniya. Mukha namang mapagkakatiwalaan. At nang suriin niya kung sino ito, ito ang lalaking nagmamay-ari ng post na pinagtatawanan niya kanina.

Matapos ang ilang minutong negosasyon, nagkasundo sina Patricia at ang carpool driver na magkita sa isang sikat na fast food chain malapit sa lokasyon ng kanilang bahay. 5:00 nang umaga ang usapan. 4:30 pa lamang ay nakaayos na si Patricia.

Subalit 5:30 na ay wala pa rin ang carpool driver.

“Kuya, mahuhuli na ako sa trabaho… nasaan na po kayo?” chat niya rito.

Mga bandang 5:45 nang dumating ito sa kanilang tagpuan. Inis na inis si Patricia dahil hindi man lamang siya sinabihan na mahuhuli ito.

“Mam, pasensiya na po… nawalan po pala ako ng gas. Buti na lang may bukas na 24/7 na gasolinahan. Pasenisya na po talaga,” paghingi ng paumanhin nito.

“Akala ko iindianin mo na po ako eh, aalis na sana ako…” sabi ni Patricia. Medyo naibsan na rin ang inis ni Patricia sa dahilan ng carpool driver. Isa pa, nakikisuyo lamang siya.

“Hindi po ako ganoon kausap mam,” nakangiting sabi nito.

Advertisement

Habang naglalakbay ay nakapagkuwentuhan ang dalawa. Nagulat si Patricia nang malaman na pareho pala sila ng alma mater noong high school. Batchmate pala sila.

“Hindi kasi ako masyadong palakaibigan noon,” sabi ni Patricia.

Simula noon, lagi nang sumasabay si Patricia sa carpool driver, na ang pangalan ay Ernest. Tumagal ito ng halos dalawang buwan. Sa mga sandaling ito ay hindi na nagpapabayad si Ernest. Kusang-loob na niyang inihahatid at sinusundo si Patricia. Hanggang sa naging malapit ang loob nila sa isa’t isa.

“Puwede ka bang ligawan, Patricia?” minsan ay naitanong ni Ernest.

“I-Ikaw ang bahala…” nakangiting sabi ni Patricia.

Matapos ang ilang buwang panliligaw ay nakuha ni Ernest ang matamis na oo ni Patricia. Tumagal nang halos dalawang taon ang kanilang relasyon hanggang sa mapagpasiyahan nilang magpakasal na.

Sa sandali ng kanilang pulot-gata, may inamin si Ernest sa asawa.

“Matagal na kitang crush. Noon pa mang nasa high school pa tayo. Kilala na kita,” pagatatapat ni Ernest.

Advertisement

“Paanong kilala mo na ako?” maang na tanong ni Patricia.

“Hindi ba tahimik ka lang noon pero isa ka sa mga pinakamatatalino sa batch natin? Lagi kang nagiging pambato sa kompetisyon noon, kaya kilala ka. Secret admirer mo ako. Kaya lang siyempre after high school, nagkaniya-kaniya na tayo ng buhay.”

At nagpatuloy si Ernest, “Kaya nagulat ako noong makita kita sa carpool group. Akala ko namamalikmata lang ako, pero hindi pala. Ikaw pala talaga iyon. Akalain mong sa ganoong pagkakataon pa tayo magtatagpo?”

Siniil ng halik ni Patricia ang kaniyang asawang si Ernest.

“Ibig sabihin soulmate talaga tayo! Mahal na mahal kita!” sabi ni Patricia sa asawa.

Matapos ang isang taon ay nagdalang-tao na rin si Patricia at namuhay sila bilang isang masayang pamilya!