Naloko ang Isang Delivery Rider Kaya Ibinigay na Lamang Niya ang Pagkain sa Palaboy; Ito Pala Ang Magbibigay-Daan Para sa Muling Pagkakabuo ng Isang Nagkawatak na Pamilya

Naloko ang Isang Delivery Rider Kaya Ibinigay na Lamang Niya ang Pagkain sa Palaboy; Ito Pala Ang Magbibigay-Daan Para sa Muling Pagkakabuo ng Isang Nagkawatak na Pamilya

FamilyHeartbreakingStories

“Cancelled order na po. Pasensiya na po…”

Hindi makapaniwala ang delivery rider na si Rudy nang mabasa niya ang chat ng kaniyang naging customer sa ilalim ng isang delivery app. Umabot sa halos tatlong libong piso ang inorder nitong mga pagkain na karamihan ay pizza, burger, at chicken.

Napansin din niyang naka-block na siya sa account nito kaya ganoon na lamang ang panggigipuspos ni Rudy. Hindi siya makapaniwalang may mga tao pa ring walang puso para sa kanilang kapwa na nagtatrabaho nang marangal at maayos para sa kanilang pamilya.

“Paano kaya ito?” nasa loob ni Rudy. Luging-lugi siya kung tutuusin. Malaking pera na ang tatlong libong piso. Budget na nila iyon para sa kalahati ng buwan. O kaya naman ay panggrocery. Pambili kaya ng mga gamit sa paaralan ng kaniyang anak na si Nolan.

Malungkot na sumakay ng kaniyang motorsiklo si Rudy. Iuuwi na lamang niya ang mga pagkain para sa kaniyang pamilya. Tiyak na matutuwa si Nolan. Subalit tiyak na kagagalitan siya ng misis na si Azon.

Habang maingat na nagmamaneho pauwi, naraanan ni Rudy ang isang matandang babaeng naghahalungkat sa basurahan. Namamasura, sa tingin niya. Malamang ay naghahanap ito ng makakain. Hinintuan ito ni Rudy.

“Nay, kain po kayo…” iniabot ni Rudy ang isang kahon ng pizza at dalawang pirasong burger.

Kitang-kita ni Rudy ang pagningning ng mga mata ng matanda. Ngumiti ito sa kaniya nang ubod-tamis. Naalala ni Rudy ang kaniyang nanay na matagal nang sumakabilang-buhay.

“Salamat, hijo. May maipapakain na ako sa mga ampon kong apo,” nangingilid ang luha ng matanda. Nabuksan ang interes ni Rudy sa matanda kaya tinanong niya ito.

“Tiga-saan po kayo, Nay? Bakit pa kayo namamasura? Nasaan po ang pamilya ninyo?” untag ni Rudy.

“Taga Marinduque ako. May mga asawa na ang mga anak ko’t may sari-sarili nang pamilya kaya ako na lang mag-isa rito sa Maynila. Buti na lang may mga ampon akong palaboy kaya hindi rin naman ako malungkot,” sagot ng matanda.

“Baka po hinahanap din kayo ng mga anak ninyo sa Marinduque?” tanong ni Rudy sa matanda. Nakaramdam siya ng awa para dito at inis naman sa mga anak nito. Paano nila maaatim na pabayaan nang ganito ang kanilang magulang?

“Ayoko na rin makaabala sa kanila, hijo. Hayaan mo na. Salamat pala sa pagkain at pagpalain ka ng Panginoon,” turan ng matandang babae kay Rudy.

“Ingat po kayo ‘Nay. Puwede ba tayo magpicture na dalawa?” paghingi ng pahintulot ni Rudy. Kinuha niya ang kaniyang cellphone at nagselfie silang dalawa ng matanda. Pagkaraan, dumukot ng limandaang piso si Rudy at iniabot dito.

“Nay panggastos po ninyo. Ingat kayo palagi,” nakangiting bilin ni Rudy.

“Naku, hijo, hindi na kailangan. Sapat na ang pagkain na ibinigay mo,” tanggi ng matanda.

Sa kapipilit ni Rudy ay tinanggap din ito ng matanda. Nakangiting umuwi ng bahay si Rudy. Kahit paano, may maganda pa ring naidulot ang nangyaring “kamalasan” sa kaniya ng araw na iyon.

“Bakit may mga taong walang magawa sa buhay no? Nakakainis!” galit na sabi ni Azon nang ikuwento niya rito ang mga nangyari.

“Kaya nga eh. Hayaan na natin sila, may karma rin sila. Bahala na ang Panginoon sa kanila,” nasabi na lamang ni Rudy.

Bigla niyang naalala ang larawan nila ng matandang babae. Nakalimutan niya palang hingin ang pangalan nito. Sa katuwaan, ipinost ito ni Rudy sa kaniyang social media account upang ibahagi ang kaniyang karanasan noong araw na iyon.

Nabudol-budol ako ng isang customer na walang pusong nagkansela ng order niya worth 3,000 pesos. Luging-lugi ako! Sabi ko sa sarili ko hayaan na lang dahil may karma rin sila. Pag-uwi ko, nakasalubong ko si Nanay na namamasura. Ibinigay ko na lamang sa kaniya ang order ng customer ko (hindi naman lahat). Taga-Marinduque raw siya at matagal nang hindi nakakasama ang mga anak. Nakalimutan kong kunin ang pangalan niya dahil napasarap ang kuwentuhan namin. Masarap sa pakiramdam na nakatulong ka!

Kinabukasan, humahangos na pinuntahan siya ni Nolan. Ipinakita nito sa kaniya ang cellphone.

“Tatay! Sikat ka na po! Viral po ang status ninyo…”

Nagulat si Rudy sa ipinakita ng kaniyang anak. 601,409 reactions at 10,000 shares. Bumaha pa ng magagandang komento para sa kaniya gayundin para sa matandang babae.

Nang buksan ni Rudy ang kaniyang social media account, napansin niyang may nagpadala ng private message sa kaniya.

Hello po! Nabasa po namin ang status ninyo. Ang matanda pong tinulungan ninyo ay ang nanay naming matagal na naming hinahanap. Naglayas po siya, at hindi na nakabalik. Siya po si Luzviminda Paez. Sana po matulungan ninyo kaming matagpuan siya at nang maibalik na namin dito sa Marinduque

Sa pakikipagtulungan kay Rudy, nakaluwas ng Maynila ang mga sinasabing anak ng matandang babae upang sunduin ang kanilang ina na nawalay nang matagal.

Nagkita-kita sila at sinimulan nilang galugarin ang mga lansangan. Matapos ang kalahating araw ng paghahanap, natagpuan din nila ang matandang babae na nagpapahinga sa isang bakanteng waiting shed. Nakaiiyak na eksena ang naganap.

Naglayas pala ang matanda dahil pakiramdam nito ay etsa pwera na siya sa buhay ng mga anak. Pinabulaanan naman ito ng kaniyang mga anak at sinabing kahit may mga asawa at anak na sila, mahal na mahal pa rin nila ang kanilang ina.

“Salamat, Sir Rudy. Dahil po sa inyo, pamilya namin ay muling nabuo,” pasasalamat sa kaniya ng isa sa mga anak.

Bumalik sa Marinduque ang mga ito at nagpatuloy lamang si Rudy sa kaniyang hanapbuhay. Mas dumami pa ang nagpapadeliver sa kaniya dahil sumikat siya sa kaniyang mga kapibahay at dahil nakapagdulot siya ng inspirasyon sa lahat.

More Stories