Inday TrendingInday Trending
Nagsimula sa Angkas

Nagsimula sa Angkas

Masayang-masaya ang batang si Carla dahil bakasyon na mula sa eskwela. Hindi naman sa hindi niya mami-miss ang kanyang mga kaklase, sadyang excited lang siya na manatili sa bahay ng kanyang lolo at lola sa probinsya.

Mahal na mahal siya ng dalawang matanda, palibhasa ay siya ang unang apo. Punong-puno ng surpresa at kwento ang mga ito kaya nawiwili talaga siya. Para ngang ang bilis ng oras pag naroon siya eh.

Ang maganda pa, walang gadgets kasi ay wala namang internet sa bahay ng mga ito.

“Carla be good to your lolo and lola ha?” bilin ng kanyang mommy habang hinahalikan siya sa noo. Ang daddy niya naman ay ibinababa ang kanyang mga gamit mula sa kotse.

“Yes po,” masayang sabi ng bata.

“Ma, Pa, tawagan ninyo lang po kami kung may problema ha?” sabi naman ng kanyang ama.

“Sus. Mabait naman ang apo namin ano. Tutulungan niyan ang lola na manahi ano?” sabi ni Lola Stella, pabiro pang pinisil ang pisngi ng siyam na taong gulang na bata.

“At tuturuan naman niyan ang lolo na mag-drawing.” segunda naman ng kanyang Lolo Larry.

Ilang sandali pa ay namaalam na ang kanyang mga magulang. Iginiya naman siya ng lola sa kwarto at sinabihang magbihis na muna para maging komportable. Tapos noon ay pinaupo siya nito sa terrace kung saan naroon ang kanyang lolo, payapang nakatanaw ito sa labas. Makikita ang puno ng mangga na marami ang bunga.

Nililipad ng sariwa at malakas na hangin ang mga dahon noon.

“Bakit po hindi pa natin kunin ang mga bunga? Para makain na natin?” wika niya.

Inilapag ng lola niya sa mesa ang iniluto nitong ginataang bilu-bilo. “Meryenda muna,”

“Naku apo. Hinihintay pa namin si Mael,” wika ng matanda na ang tinutukoy ay ang katiwala. “Siya ang aakyat sa mga iyan. Alam mo na, matanda na ang lolo at lola. Hindi na kayang sumampa sa mga sanga ng puno. Masakit na rin ang braso ko at hindi ko na maitaas para gamitin ang panungkit.” natatawang sabi ni Lolo Larry.

“Ako po! Kaya ko pong umakyat! Doon kayo ni lola sa baba at saluhin ninyo lang ang mga ihahagis ko.”

“Sus, para kang iyong kaibigan ko, palaban.” iiling-iling pero nakangiting sabi ni lolo Larry.

“Sino?” nakangiti rin namang tanong ni Lola Stella.

Tumingin rin naman si Carla, naghihintay ng sagot mula sa matanda.

Pero sa halip ay bumuntong hininga ito.. tapos nagkwento.

“Aba, alam mo noong kabataan ko ay mahilig akong mag-motor. Tuwang-tuwa ako noon nang ibili ako ni mama ng kauna-unahan kong motorsiklo. Naku, sabi ko sa iyo. Lahat na yata ng pasikut-sikot sa Maynila ay narating ko.” kwento nito.

“Tapos po?” tanong ng bata. Nananabik sa karugtong ng kwento.

“Aba, isang araw habang ako’y nagmo-motor ay hinarang ako ng pulis. Sabi, hindi raw ako makakadaan sa highway dahil may nagra-rally. Nang tanawin ko ang bandang likod niya.. meron nga! Mga kabataan na halos kasing edad ko lamang- bente uno na inilalaban ang kanilang pantay na karapatan.” nakatitig pa ang matanda sa malayo, buhay na buhay sa alaala ang nakaraan.

“Alam mo pa ang nakakatawa? Pa-liko na sana ako nang biglang magsigawan. Paano kasi, pinaghuhuli pala ng mga pulis ang mga nagra-rally. Ang nakakagulat pa.. bigla nalang may umangkas sa likod ko.”

“Hala! Ano po ang sunod na naganap?”

“Hindi ako makalingon noon kasi ninerbyos ako eh. Pero sabi niya, ‘Dalian mona! Paandarin mo na!’. Kaya ayun, iniandar ko. Parang itinakas ko at iniligtas ang di ko kilalang tao sa mga pulis na huhuli sana sa kanya dahil sa pagra-rally niya.” humagikgik ito pagkatapos.

“Ano na po ang nangyari pagkatapos lolo?” sabi ni Carla sa pagitan ng pagnguya ng meryenda. Ang lola niya naman ay tahimik ring nakikinig.

“Naging magkaibigan kami, matagal na panahon. Parehong-pareho mo siya. Palaban,” kumindat pa ito pagkasabi noon.

“Nasaan na po siya ngayon lolo?”

Muli siyang nginitian ng matanda. Tapos ay kinuha nito ang kamay ng lola niya at dinampian iyon ng halik.

“Heto, lola mo na siya.”

Napapalakpak sa kilig si Carla.

Nagpakasal pala ang dalawa makalipas ang ilang taon. Nakakatuwang isipin ang love story ng kanyang lolo at lola, isang patunay na ang pag ibig ay dumarating sa pinaka-hindi inaasahang pagkakataon.

Kadalasan hanap tayo nang hanap. Kung sinu-sino pa ang sinusubukan pero may iba palang plano ang Panginoon. Kaya kaibigan, wag mawalan ng pag-asa. Malay mo, isang araw..umangkas nalang siya bigla, hindi ba?

Advertisement