Inday TrendingInday Trending
Kaibigang Naging Gabay Tungo sa Pangarap

Kaibigang Naging Gabay Tungo sa Pangarap

Magkaklase sa kolehiyo si Miya at si Vina. Masasabing masyadong magkaiba ang kanilang mga mundo. Kaya kahit na apat na taon man silang magkaklase ay hindi nila masyadong kilala ang isa’t isa.

Nang makapagtapos sa kolehiyo ang dalawa ay kinakailangan nilang magpunta sa Maynila para magreview sa nalalapit nilang board exam. Accountancy kasi ang kanilang natapos, isa sa may pinakamahirap na Licensure Exam sa buong bansa.

Pareho silang napaka pihikan sa kanilang tirahan. Napaka-importante kasi sa kanila ng lugar na ginagalawan nila, kaya naman handa silang magbayad kahit may kamahalan basta ba komportable sila. Hindi man ganun kalapit sa isa’t isa ay napagdesisyonan nilang magsama sa iisang kwarto sa isang malapit na dormitory malapit sa kanilang pinapasukang review center.

“Ah Miya, saan ba ang gusto mong bed?” tanong ni Vina sa kaklase.

“Ha? Ah sige ito nalang yung akin na malapit sa bintana. Gusto ko kasing naaarawan minsan sa umaga eh,” sagot naman ni Miya.

“Okay. Oh sige mag-ayos na tayo ng mga gamit at nang makapagpahinga na din tayo,” aya naman ni Vina. Kararating lang kasi nila sa kanilang napiling dormitory. Mag-uumpisa na kasi ang kanilang official review sa susunod na araw.

Bagama’t ilang buwan pa bago ang kanilang board exam ay nakakaramdam na sila ng kaba. Alam nilang napaka-importante ng yugtong ito ng kanilang buhay. Ang magiging resulta ng kanilang board exam ang magtutukoy kung magiging ano sila sa hinaharap.

Napaka-importanteng makuha nila ang kanilang lisensya, limang taon nila itong pinaghirapan. Limang taon na puno ng luha, pawis at kape ang kanilang naranasan para lamang umabot sa puntong ito. Ito ang pinaghahandaan nila simula pa noong umpisa, ang maipasa ang kanilang lisensure exam.

Naging maayos naman ang mga unang araw nila sa review center. Aminado silang nahihirapan sila at naghahabol sa mga topics. Napakadaming aral na hindi naturo sa kanila nang nasa kolehiyo pa. Parang gusto nalang nilang murahin ang iba nilang mga professor, dahil kulang-kulang talaga ang itinuro sa kanila. Araw-araw ay cramming sila parati. Sadyang napakahirap at pakiramdam nila ay napakabobo nila.

Likas na mahina ang loob ni Vina kaya naman hindi na nakapagtataka kung ito ang unang sumuko sa kanilang dalawang mag-aral. Pumapasok pa naman ito sa review center pero hindi ito nagseseryoso at puro party at clubs lang ang inaatupag tuwing gabi. Madalas din nitong ayain si Miya, ngunit hindi basta-basta madaling maengganyo si Miya sa mga tukso. Alam niya ang kanyang priorities at ang responsibilidad niya sa pamilya.

Sinubukan niyang pagsabihan si Vina na tumigil na sa mga ginagawa nito at seryosohin na ang review. Alam niyang hindi madali, pero wala naman talagang madali sa mundo. Lahat ng pangarap natin ay makakamit lamang natin kung handa tayong magsikap at magsakripisyo.

“Alam mo Miya, nasasabi mo lang yan kasi perpekto ka. Maganda ka, matalino, mabait, responsable… lahat ng tao sa paligid natin gusto ka. Eh, ako? Sarili kong mga magulang iniwan ako. Lola at lolo ko lang ang nagmamahal sakin,” pahayag pa ni Vina isang gabi ng pinagsabihan siya ni Miya na huwag ng umalis at mag-aral dahil malapit na ang first pre-boards nila.

Tinitigan lang siya ng dalaga. Akala nga niya hindi na iimik si Miya at babalik na sa pag-aaral niya kaya lalabas na sana siya ng bigla na lamang itong magsalita.

“Pero may lolo at lola kang labis na nagmamahal sayo di ba? Hindi pa ba sila sapat para sayo para magkaganyan ka? Hindi pa ba sapat ang pagmamahal na ibinigay nila sayo para mabuo ka? Kasi sa ginagawa mo, sinasayang mo lang ang lahat ng pagmamahal na ibinuhos sayo ng mga taong sinasabi mong tanging nagmamahal sayo.

Bakit hindi mo patunayan sa lahat, sa mga magulang mo, na karapatdapat kang mahalin? Na hindi ka dapat iniiwan,” pagkatapos sabihin iyon ng dalaga ay bumalik na ito sa pagbabasa na para bang walang nangyari.

Hindi na tumuloy sa lakad niya si Vina at napagpasyahan niya na lamang na matulog muna, napapagod na din siyang mag-isip.

Kinabukasan, determinadong bumangon si Vina. Napagtanto niyang may punto si Miya, ipapasa niya ang lintik na board exam na ‘yan at papatunayan niya ang halaga niya sa lahat. Magiging proud sa kanya ang lolo at lola niya. Ipagmamalaki siya ng lahat.

Simula ng araw na iyon ay parati na silang sabay mag-aral ni Miya. Unti-unti silang nagkalapit at nakilala ang isa’t isa. Napag-alaman ni Vina na hindi naman pala talaga perpekto ang buhay ni Miya, na kagaya niya, napakaraming problema din pala ng dalaga. Magaling lamang itong magtago. Sa katunayan ay mas lalong humanga pa siya sa kaklase dahil hindi lang ito magaling sa maraming bagay, matapang at malakas ang loob din nito at napaka busilak din ng kalooban.

Sa kabilang dako naman ay napagtanto din ni Miya na hindi naman pala talaga masamang babae si Vina gaya ng kanyang mga naririnig noong nasa kolehiyo pa sila. Mahilig nga sa party, pero hindi naman ito masamang tao. Yun lamang ang naging paraan ng dalaga para takasan ang kanyang mga problema sa buhay. Naging ganun man ito ay nakikita niya naman na unti-unti ng nagbabago ang kaibigan.

Mabilis na lumipas ang mga araw, hindi naging madali para sa kanila ang review. Araw-araw ay naghahabol sila ng mga topics at may mga araw na bigla nalang silang mapapaiyak sa pagod at hirap, ngunit hindi sila sumuko. Tinuloy nila ang laban hanggang sa natapos ang araw ng board exam. Tatlong araw na pinaghandaan nila ng lima’t kalahating taon.

Sama-sama silang lahat na magkakaklase na naghihintay sa resulta ng exam. Lahat ay kinakabahan, lahat ay nagdadasal na sana makapasa silang lahat, hanggang sa…

“May result na!” sigaw ng isa nilang kaklase. Kanya-kanyang check sa kanilang mga cellphone, at sunod-sunod na tilian at iyakan na nga ang mariring sa loob ng silid.

“Vina, okay ka lang ba?” tanong ni Miya sa kaibigang nakahawak sa cellphone niya at halos hindi na humihinga.

“Kinakabahan ako Miya, paano kung bagsak ako?” hinawakan ni Miya ang kamay ng kaibigan.

“Ginawa natin ang lahat ng makakaya natin. Sapat na yun. Halika, sabay nating hanapin ang mga pangalan natin,”malumanay na sambit ng dalaga kay Vina.

“Huwag niyo ng hanapin dahil nahanap na namin, Congratulations sa inyong dalawa! Miya Cruz, CPA. Vina Perez, CPA. Congrats girls!” malakas na sigaw ng senior nilang si Andrew.

Napaluha nalang sa sobrang saya si Vina at mahigpit na niyakap si Miya. Sobrang nagpapasalamat siya dito dahil kung wala ito ay hindi niya magagawang maipasa ang naturang exam.

“Maraming salamat Miya, tatanawin kong utang na loob lahat ng ginawa mo para sa’kin. Asahan mong narito lang ako parati sa tuwing kailangan mo ng tulong,” puno ng sinseridad niyang pahayag sa kaibigan.

“Ano ka ba, hindi ka dapat sa akin magpasalamat. Pinili mong magbago. Pinili mong magsikap at hindi ka nagpadala sa kahinaan mo. Hindi ka sumuko kaya nakamit mo ang tagumpay mo. Magpasalamat ka sa sarili mo dahil nagawa mong piliin ang tamang landas kahit na nahihirapan ka pa. And for that, I’m so proud of you Vina,” muling umagos ang mga luha sa mga mata ni Vina sa narinig sa kaibigan, muli niya ring niyakap ng mahigpit ang dalaga.

Labis ang pasasalamat niya sa Diyos at nakahanap siya ng tunay na kaibigang sa panahong pakiramdam niya ay naliligaw siya. Ito ang naging gabay niya tungo sa tamang landas. Ngayon ay naabot niya na ang kanyang pangarap at labis pa siyang ipagmamalaki ng kanyang pamilya.

“Salamat.”

Advertisement