
Baluktot si Doc
Sampung taon nang doktor si Manuel. Wala pa rin siyang asawa dahil nais niyang mag-focus sa kaniyang propesyon. Ayon pa sa kaniya, hindi naman siya nagmamadali. Nariyan lang naman ang pamilya at pag-ibig sa paligid kung nanaisin niya lamang.
Ayos naman sana ang lahat. Magaling siya sa kaniyang napiling larangan at marami siyang napapahanga roon. Ang problema lang sa kaniya ay sobra ang panghuhusga niya sa kapwa. Lalung-lalo na sa mga taong naiiba ang kasarian. Harap-harapan siyang mandiri sa mga ito.
“Kumusta ang araw ninyo, Dr. Manuel?” bati ng nurse sa kaniya isang hapon noong naka-duty siya.
“Okay naman. Medyo nakakainis lang. Kasi iyong komunsultang pasyente ay may kasamang pusong mamon. Best friend niya yata,” nakasimangot na sabi ng doktor.
“Ay, ibig niyo po bang sabihin bekimon?” pagkumpirma ng nurse. Tumango si Dr. Manuel. “Oo. Nakakairita.”
“Bakit? Maingay po ba sila?” usisa pa ng nurse. “Hindi naman. Basta masama lang ang timpla ko sa mga ganoong tao. Alam mo kasi dalawa lang ang nilikha ng Diyos. Babae at lalaki lang! Ang mga ganiyan kapag nat*gok ay ‘di pupunta sa langit,” seryosong sabi ng doktor.
Hindi na umimik ang nurse. Halata naman kasing hindi papatalo sa argumento ang doktor dahil sarado ang isip nito sa nais na paniwalaan.
Makalipas ang ilang araw ay para talagang sinusubukan si Dr. Manuel dahil isang babae na pusong lalaki naman ang kaniyang naging pasyente. “Magpapa-raspa ho sana ako,” sabi nito.
Napangisi si Manuel dahil nagpapa-astig pa rin ito. Ang sarap pamukhaan na kahit na kailan hindi ito magiging lalaki! Ilusyonada!
“Ano ba ang nangyari? Sabihin mo sa akin kasi ako ang magdedesisyon kung iraraspa ka o hindi,” wika niya. Hindi niya man lang ito tinitignan habang nagsasalita.
“Ganito ho kasi iyon. Bale, pinagsamantalahan kasi ako ng mga tropa ko. Nabuntis ako.” Pumiyok pa ang pasyente pagkatapos noon pero nagpatuloy rin naman sa pagsasalita. “Pero nais kong buhayin ang bata kasi kahit naman g*go ang kung sino mang ama niya wala naman siyang kasalanan roon. Tsaka anak ko pa rin naman siya. Kaya lang hindi ho yata siya para sa akin kasi noong magpa-checkup ako ay wala siyang heartbeat,” kuwento ng pasyente.
“Hindi ko pa matanggap sa sarili ko kaya hindi ko pa siya pinatanggal sa doktor na tumitingin sa akin. Pero heto ho ako matapos ang ilang dasal. Sabi kasi nila ay malalason ang katawan ko kung ‘di ko pa tatanggalin ang walang buhay na sanggol sa loob,” mahabang paliwanag nito.
Imbes na makaramdam ng awa ay pinipigil pa ni Dr. Manuel ang matawa. Kulang na lang ay sabihin niyang, “Ayan. Buti nga sa’yo. Feeling lalaki ka kasi na nakikibarkada. Nadali ka tuloy.”
Hindi man lang niya inirespeto ang pag-iyak nito. Nakuha pang magkomento. “Okay lang ‘yan. Fetus lang naman ‘yan. Kakayurin lang natin tapos malinis na.”
Kaswal na kaswal na para bang hindi anak ng pasyente ang pinag-uusapan.
Nang matapos ang operasyon ay napansin ni Dr. Manuel na nakatingin sa kaniya ang nurse. Marahil ay ‘di makapaniwala sa kagaspangang ipinapakita niya sa pasyente.
“Kita mo na? Ganiyan kapag miyembro ka ng mga dem*nyong iyan. Lihis sa turo ng Diyos. Hindi karapat-dapat na irespeto ang mga paminta at mga tigasing babaeng ganiyan,” wika niya pa.
Isang gabi ay abalang nagta-type sa computer ang nurse. Tulog na ang mga pasyente at mamayang alas tres pa siya magra-rounds kaya inaayos na muna niya ang files ng mga pasyente.
Napapitlag ang nurse nang tumunog ang alarm. Ibig sabihin ay may emergency.
“Bilisan mo! ‘Di ka maniniwala!” sabi ng isa pang nurse na galing sa baba. Hinawakan nito ang kamay niya at nagmamadaling isinakay siya sa elevator pababa.
Nagdirediretso sila sa emergency room. Dalawang doktor ang naroon at umuugong ang bulong-bulungan sa paligid.
“Ano ba ang nangyari? Ang dami ninyo na rito. Kailangan pa ba ako? Tsaka hindi dito ang duty ko. Sa taas ako,” wika ng nurse.
“Hindi mo ba nakikilala ang pasyente?” balik tanong ng kasamahan. Tinitigan ng nurse ang nakahigang pasyente na dumadaing pa. “Dr. Manuel!” nandidilat ang matang wika nito.
“Anong nangyari sa kaniya?” tanong ng nurse sa kasamahan.
Inilapit ng kasamahang nurse ang bibig sa tenga niya pagkatapos ay bumulong. “Nagpasok ng talong sa puwitan. Ang masama dahil nga gulay iyon mabilis na lumambot nang mabasa. Nabali ang talong kaya ayan sumugod rito. Hindi na kasi mahugot. Kailangan nang operahan.”
Laglag ang panga ng nurse.
Napapahiya na lamang na iniiwas ni Dr. Manuel ang paningin sa mga taong naroon. Ngayon ay buking na ang kaniyang lihim.
Tama. Ang daming sinasabi ng doktor tungkol sa mga taong iba ang puso pero ang totoo ay isa pala siya roon. Kaya nga hanggang ngayon ay wala pa rin siyang asawa dahil kapwa lalaki ang gusto niya.
Sa kagustuhan niyang makapagkubli ay nananakit siya ng damdamin ng kapwa kahit kung tutuusin ay wala namang masama sa ginagawa ng mga ito. Basta walang tinatapakan at sinasaktang tao.
Ganiyan naman kadalasan, eh. Ang galing-galing pumuna sa muta ng iba kahit na ang totoo ay mas malaki pa ang muta niya sa kaniyang mga mata.