Inday TrendingInday Trending
Project Pasko

Project Pasko

Padabog na isinara ni Maybelle ang pinto ng van nila. Kung pagbabasehan ang mukha ng nakasimangot na disi-siete anyos na dalaga ay aakalain mo talagang Biyernes Santo na.

“Cheer up. Aren’t you glad to come with me?” sabi naman ni Mylene, ang ina ng dalaga. “Whatever,” sagot ni Maybelle. Walang pakialam.

Isinilang si Maybelle sa mayamang pamilya. Isa siya sa mga sinasabing ‘suwerte’ dahil namulat na sa yaman. ‘Di niya alam ang pakiramdam nang mawalan ng load, mamroblema sa baon sa eskwela araw-araw o kahit kumalam ang sikmura dahil walang makain.

Kadalasan nga ay siya pa ang umaayaw kapag hinahainan ng masasarap. Ugali niya na ring itapon ang mga sandwich na kung minsan ay ipinapabaon ng mommy niya.

Napabuntong-hininga si Mylene habang pasimpleng minamasdan ang anak na ngayon ay abala sa pagkalikot sa cell phone nito. Hindi niya naman ninais na maging spoiled si Maybelle.

Siguro dahil siya mismo ay galing sa hirap kaya nga nang yumaman sila ng kaniyang mister ay nasobrahan naman sila sa pagbibigay sa kagustuhan ng anak. Ayaw niya lang namang maranasan nito ang mga naranasan niya noon. Pero wala, eh. Mukhang masama ang naging epekto sa dalaga. ‘Di na ito marunong magpahalaga.

Kaya nga heto. Isasama niya ngayon ang anak sa kawanggawa. Todo pilit pa siya rito para sumama lang. Dumating sa punto na tinakot niyang puputulin ang allowance. Kaya nagmamaktol itong sumunod na lamang.

“Alam mo kasi, mom, hindi kita maintindihan. Mamaya magka-dengue pa ako sa pupuntahan natin!” paangil na sabi ni Maybelle.

“Maybelle, sa mall tayo pupunta, anak. Susunduin lang natin sa iskwater ang mga batang isasama natin roon,” kontra ni Mylene.

Lalong nanlaki ang mata ng dalagita. “Seriously? Hindi ako makapaniwala sa mga pinagsasasabi mo, mom. Una, pupunta sa iskwater. Isasakay ang maruruming bata rito sa kotse. Lastly, isasama sa mall! Hindi ka po ba nahihiya?” saad ng anak. “Mamaya may makakita sa akin na classmate ko. May akay-akay tayong mga gusgusin. Ano na lang ang sasabihin nila?” halos mag-hysterical na ito.

Nakangiti lamang na sumulyap rito si Mylene. ‘Project Pasko’ ang tawag sa gagawin niya. Ugali na niya ito tuwing pumapasok ang Ber months. Namimili siya ng mga batang isasama sa mall at bibilhin niya ang anumang naisin ng mga ito.

Paraan niya na ito para ibalik ang lahat ng blessing na natatanggap niya. Tumutulong siya sa kapwa. Barya lang naman kasi ang gagastusin niya kompara sa kinikita ng kanilang kompaniya araw-araw. Nakapagpasaya pa siya.

Ilang sandali pa ay sakay na nila ang mga bata sa van. May permit sila ng barangay at ipinagpaalam nila ang mga ito sa magulang.

Nakarating na sila sa mall at pinakain niya ang mga ito. Kasunod noon ay halos ‘di niya na kailangang magtanong dahil obvious naman na ang nais bilhin ng mga ito ay laruan. Siyempre bata, eh.

Pagdating nila sa toy store ay nagmamaktol pa rin si Maybelle dahil na lowbat ang cell phone nito. Samantalang ang mga bata naman ay kaniya-kaniyang dampot ng mga laruan. Nagniningning ang mata ng mga ito. Hindi akalain na makakarating sila sa ganitong lugar at makakabili pa!

“Ang tagal naman ng mga gusgusing ‘yan. Balik na tayo sa van, mom. Naiwan ko sa bag ‘yung power bank ko,” pangungulit ni Maybelle. “Mamaya na, anak. Masdan mo sila. Ang saya-saya, o,” tugon ng ina.

Napairap ang dalaga lalo pa nang masulyapan ang isa sa mga bata na hindi naman kumukuha ng laruan. Nakatayo lang ito sa isang gilid.

“Paanong hindi magtatagal ang babagal kumilos. At ang isang ‘yan, mommy, o! Nakatayo lang! Sabihan mo nga na kumuha na siya dahil kukurutin ko ‘yan kapag hindi pa niya binilisan,” sabi ni Maybelle.

Lumapit naman si Mylene sa bata. Nginitian siya nito. “Ano ang pangalan mo?” tanong ng babae. “Bobot po,” sagot nito.

“Bobot, kuha ka na rin ng sa iyo. Wala ka bang gusto?” tanong ulit ni Mylene.

Saglit itong nag-isip tapos ay ngumiti. Naglakad ito sa ‘di kalayuan at dinampot ang isang eroplano.

“Ayos na ‘yan. Sigurado ka?” paniniguro ni Mylene. Tumango ang bata.

Palabas na sana sila ng mall nang pasimpleng hilahin ni Bobot ang bestida ni Mylene. “Puwede pa po bang magpabili?” wika nito.

Napaismid si Maybelle kasabay ng pag-irap. Tss! Abusado. Samantalang ang kaniyang ina naman ay pumayag. Ang katwiran nito ay isang eroplano lang naman ang nabili ni Bobot kompara sa ibang bata na napakaraming dinampot na laruan.

Ganoon na lamang ang pagkagulat ni Mylene nang hilahin siya ni Bobot papunta sa bilihan ng mga damit. Bumili ito ng dalawa, isang pantalon at polo at pagkatapos ay isang pares ng damit na pambata. Hindi na siya nagtanong. Basta binayaran niya na lamang iyon sa cashier.

Napansin niyang maging si Maybelle ay nagtaka sa pinagdadampot ng bata.

Pagdating sa iskwater si Bobot ang pinakahuling inihatid nila dahil sa looban pa ang bahay nito. Masaya itong tumakbo papasok sa loob.

“Nay! Tignan mo po. May pamasko ka na!” excited na sabi nito sa ina. Inilabas nito ang mga ipinamili.

Isa-isang iniabot iyon sa ama at ina. Ang pinakahuli ay ang damit na para pala sa kapatid nitong apat na taong gulang. Iniabot rin nito sa bata ang laruang eroplano.

Kung tutuusin ay wala pala itong nabili para sa sarili!

“Salamat po, ah. Ang saya-saya ni Janjan. Paborito niya po kasing masdan ang langit kapag may eroplano kaya naisip kong iyan ang i-regalo sa kaniya.”

Sa sobrang hanga ni Mylene sa bata ay binigyan niya pa ng pera ang mga ito pambili ng Noche Buena at nangakong paaaralin niya si Bobot.

Nagpaalam na ang mag-ina at sumakay sa kotse. Ang plano ni Mylene ay turuan ng leksyon si Maybelle pero parang pati siya ay na-inspire sa kabutihan ng puso ng bata.

Nagulat na lamang siya nang haplusin ng dalaga ang kaniyang kamay. Pagsulyap niya rito ay naluluha ito at malambot na ang ekspresyon.

“Mom, sorry kung naging makasarili ako. Ang laki ng itinurong leksyon sa akin ni Bobot.”

Nakangiting niyakap niya ito.

Sa wakas natuto rin.

Advertisement