Inday TrendingInday Trending
Regalo Para sa Aking Guro

Regalo Para sa Aking Guro

“Anak, bakit malungkot ka na naman?” tanong ni Aling Dina sa anak na si Stephen.

“Kasi po kaarawan ng aming guro sa darating na Sabado at imbitado ako at ang aking mga kaklase. Ngunit wala po akong regalong maibibigay sa kaniya,” malungkot na sagot ng bata.

Alam ng butihing ina na ang bagay na ito ay mahalaga sa kaniyang anak dahil mahal nito ang nasabing guro. Sa palagay naman niya ay mauunawaan ng guro na sila ay mahirap lamang at walang kakayahan na makabili ng regalo.

“Halika, anak, at may ikukuwento ako sa iyo. Kapag narinig mo ay malalaman mo rin ang dapat mong gawin,” wika ni Aling Dina at kinuwentuhan ang anak.

Iyon ay kuwento tungkol sa batang si Rafaelo na nagnanais na bigyan ng regalo ang kaniyang guro na si Bb. Almira. Isa itong mabait na guro kaya marami sa mga mag-aaral nito ang gustung-gusto ito lalung-lalo na si Rafaelo.

“Alam mo ba, anak, katulad mo si Rafaelo. Gusto rin niyang bigyan ng regalo ang kaniyang guro ngunit sila ay mahirap lamang at walang kakayahang bumili ng regalo dahil ang kinikita ng kaniyang mga magulang ay sapat lang sa pang-araw-araw nilang pangangailangan,” sabi ng ina kay Stephen at ipinagpatuloy ang pagkukuwento.

“Inay, ako lamang ang walang regalo na maibibigay kay Bb. Almira. Ang mga kaklase kong sina Boyet, Carlos, Wilbert at Ruel, ang bawat isa sa kanila ay may regalo sa aming guro. Ako lang ang bukod-tanging wala,” sabi ni Rafaelo sa ina.

“Anak, makinig ka. Alam ng iyong guro na tayo ay mahirap lamang. Siya ay ‘di naghihintay ng anumang regalong galing sa iyo. Huwag mong ikalungkot iyan. Alam ko na si Bb. Almira ay nakauunawa sa ating kalagayan,” sagot ng inang si Maria.

Si Rafaelo ay walang kibo.

Maaga siyang nahiga ngunit hindi makatulog. Siya ay nag-iisip. Kung mayroon lamang siyang pagkakakitaan para kahit kaunting pera ay makaipon siya upang ibili ng regalo ang kaniyang guro.

Mayamaya ay bumangon siya sa higaan. Tinungo ang munting hapag sa kaniyang kwarto at sa malamlam na ilaw ng gasera ay isinulat sa malinis na papel ang kaniyang naisip na regalo. Pinagbuti niya ang kaniyang pagsusulat. Paulit-ulit na binasa at pagkatapos ay tiniklop at inilagay sa isang sobre. Sinarhan niya ito. Ipinaloob sa isang aklat at nahigang muli.

Mayroon na siyang regalong maibibigay kay Bb. Almira. Tuwang-tuwa si Rafaelo hanggang sa nakatulog na siya ng mahimbing.

“Anak, bangon na. Tatanghaliin ka sa pagpasok,” sabi ni Maria habang niyuyugyog ang anak.

Nagmamadaling nagbihis, kumain at nagtungo sa eskwelahan si Rafaelo. Hindi niya nalimutang dalhin ang kaniyang regalo para sa kaniyang guro. Habang naglalakad ay gayon na lamang ang kaniyang tuwa. Mayroon na siyang regalo.

“Magustuhan kaya ito ni Bb. Almira?” bulong ng bata sa sarili. Iyon lamang ang kaniyang nakaya at galing sa kaniyang puso.

Nang dumating siya sa silid-aralan ay agad niyang ipinatong sa mesa ng kanilang guro ang kaniyang sulat.

“Inay, ano na po ang kasunod na nangyari? Binasa po ba ng kaniyang guro ang sulat niya?” tanong ni Stephen sa ina.

“Ito na nga, anak, ang kasunod na nangyari,” tugon ni Aling Dina.

Nang dumating si Bb. Almira sa silid-aralan ay nagmamadali itong pumuwesto sa mesa. Nakita nito ang nakapatong na sulat at agad iyong binasa.

Mayamaya ay tinawag ng guro ang estudyante. “Rafaelo, pumarito ka. Ako’y may sasabihin sa iyo.”

Dali-daling lumapit ang bata sa guro. Kinakabahan pa nga siya dahil baka hindi nito nagustuhan ang kaniyang sinulat.

“Alam mo ba na ako ay lubos na natutuwa dahil napatunayan ko na ako ay labis na minamahal ng aking mga tinuturuan. Sa lahat ng regalong natanggap ko sa aking kaarawan ay bukod-tangi ang sa iyo ang pinakanagustuhan ko at pinakamahalaga sa lahat. Ang iyong regalo ay ‘di pangkaraniwan. Ito ay nagbigay sa akin ng labis na kagalakan,” masayang wika ni Bb. Almira.

“Laking tuwa si Rafaelo dahil ang kaniyang regalo ang pinakanagustuhan at pinakamahalaga para sa kaniyang guro,” sabi ni Aling Dina.

“Inay, ano po ba ang laman nung sulat ni Rafaelo kay Bb. Almira?” tanong ni Stephen.

Binasa ni Aling Dina ang sulat ni Rafaelo sa kaniyang guro.

“Minamahal kong Guro:

Inyo pong pakaasahang ako’y magpapakabuti. Susundin ko po ang inyong mga utos. Ako ay mag-aaral ng leksyon tuwina. Pagpipilitan ko pong ako ay maging pangunahing mag-aaral sa inyong klase. Ito pong pangakong ito ang regalo ko sa inyo.

Nagmamahal, Rafaelo”

“Ang ganda po ng kuwento, inay. Ngayon po ay alam ko na rin kung ano ang dapat kong i-regalo kay Bb. Santos,” wika ni Stephen.

Masaya naman si Aling Dina dahil naunawaan ng anak ang nais niyang ipakahulugan sa kaniyang kuwento, na hindi kailangang gumastos para magbigay ng regalo sa taong mahalaga sa iyo. Basta pinaghirapan at galing sa puso ay siguradong matutuwa ang pagbibigyan nito.

Advertisement