Palaging Binabalewala ng mga Anak ang Kanilang mga Magulang; Isang Pangyayari ang Magiging dahilan Upang Sila ay Matauhan

Palaging Binabalewala ng mga Anak ang Kanilang mga Magulang; Isang Pangyayari ang Magiging dahilan Upang Sila ay Matauhan

FamilyInspiringStories

“Anak, napadalaw ka yata?” Agad na napangiti si Aling Conchita nang makitang umuwi ang kaniyang panganay na anak na si Prince. Halatang sabik na sabik siyang makita ito dahil hindi siya magkandaugaga sa pag-aasikaso rito, hindi pa man ito nakapapasok sa loob ng kanilang bahay. Ganoon din naman ang kaniyang mister na hindi rin maikakailang miss na miss din ang kanilang anak.

“May kukunin lang kasi akong gamit sa kwarto ko, ’ma,” maiksing sagot naman nito.

Nalungkot naman si Aling Conchita sa narinig na sinabi ng anak. Simula kasi nang makabili ito ng sariling bahay at lumipat ito roon ay napakadalang na lang nila itong makita. Ang ikalawa naman nilang anak na babae ay abala na sa buhay may asawa nito, habang ang kanilang bunso ay nag-aaral naman ng kolehiyo at nagdo-dorm sa Maynila.

“Anak, magtatagal ka ba? Magluluto ako ng paborito mong ulam,” nakangiting ani Aling Conchita sa anak.

“Mama, nagmamadali ho ako, e,” sagot naman nito na muli ay ikinasimangot ng ina.

“Anak, pagbigyan mo na ang mama mo. Miss na miss ka na n’yan, e,” pakiusap naman ni Mang Florencio.

Bumuntong-hininga si Prince. Mukhang wala na siyang magagawa pa. Dahil doon ay napilitan siyang maunlakan na lamang ang alok ng kaniyang mga magulang na manatili muna siya at doon na maghapunan.

Maya-maya, sa hapag ay halata ang kasabikan ng ginang habang ipinaghahain ang kaniyang mag-ama. Si Prince naman ay kanina pa tingin nang tingin sa kaniyang relos dahil may lakad pa siya. Ngayon kasi ang itinakdang araw na magkikita sila ng kaniyang nobya.

“Oo nga pala, anak, napagplanuhan pala namin ng mama mo na magbakasyon sa Baguio, sa darating na ika-kuwarenta’y sinco naming anibersaryo. Doon sa lugar kung saan kami nag-honeymoon noon? E, tinanong ko ang mga kapatid mo, ang sabi’y hindi raw sila makakasama. Ikaw, baka naman gusto mo kaming samahan ng mama mo, anak,” maya-maya pa ay pagbubukas ni Mang Florencio ng usapan.

Ngunit agad na umiling si Prince bilang tugon sa ama. “Sorry po, papa, pero napakarami ko talagang ginagawa. Hindi ko naman p’wedeng i-cancel ang mga appointments ko para lang doon,” sagot pa nito.

Hindi na nagsalita pa ang kaniyang mga magulang ngunit bakas sa mukha ng mag-asawa ang kalungkutan. Wala kasi ni isa man sa kanilang mga anak ang nais maglaan ng kahit kaunting oras lamang para sa kanila. Dahil doon ay nagdesisyon silang huwag na lamang gambalain pa ang mga ito. Nagbakasyon sila na silang dalawa lang ang magkasama.

Ngunit isang nakagigimbal na balita ang biglang gumulat kay Prince at sa kaniyang mga kapatid, nang bulabugin sila ng balitang naaksidente raw ang bus na sinasakyan ng kanilang mga magulang! Halos gumuho ang mundo ng tatlong magkakapatid lalo na nang makalipas pa ang ilang araw ay hindi pa rin natatagpuan ang kanilang mga magulang.

“Kasalanan ko ’to, e! Sana, sinamahan ko na lang sina mama at papa!” umiiyak na ani Prince sa kaniyang mga kapatid na agad naman siyang dinaluhan.

“Inaya rin nila kami, kuya, pero hindi rin namin sila pinagbigyan. Pare-pareho lang natin silang hindi pinaglaanan ng panahon,” malungkot na sabi naman ng ikalawa niyang kapatid na si Joshelle.

“Kung maibabalik ko lang ang panahon ay hindi ako mag-aaksaya ng oras. Bawat pagkakataon na p’wede kong makasama sina mama at papa ay susulitin ko. Hindi ko akalain na pagsisisihan pala natin ’to.” Humagulhol ang bunsong si Diana at doon ay nagyakapan ang magkakapatid. Napuno sila ng dasal na sana ay bigyan pa sila ng Diyos ng isa pang pagkakataong makasama ang kanilang mga magulang at sisiguraduhin nilang babawiin nila ang bawat pagkakataong sinayang nila noon upang ipadama sa kanilang ama at ina ang kanilang pagmamahal.

Makalipas naman ang isang linggo ay tila dininig ng Diyos ang kanilang mga dasal. Bigla kasing umuwi ang kanilang mga magulang na tila walang natamong kaunting galos man lang sa naganap na aksidente.

“Pasensiya na kayo, mga anak. Ang totoo ay naiwan kami ng bus na ’yan kaya naman ’yong susunod na bus pa ang nasakyan namin. Hindi naman agad namin nabalitaang naaksidente pala ’yan. Napag-alala pa tuloy namin kayo,” paliwanag ni Aling Conchita sa mga ito.

“Ayos na po ’yon, mama. Ang mahalaga ay nandito na kayo ngayon at ligtas kayong nakabalik sa amin. Simula ngayon ay mas maglalaan na kami ng oras sa inyo. Nagpapasalamat po kami sa Diyos na hindi Niya hinayaang mapahamak kayo. Mahal na mahal po namin kayo, mama at papa,” sagot naman ni Prince na nagpaluha sa kaniyang mga magulang. Tinapos nila ang usapang ’yon sa pamamagitan ng isang mainit at mahigpit na yakapan.

More Stories