Hindi Siya Pabor sa Bagong Nobya ng Ama; Ngunit ito Pala ang Tunay Niyang Ina!

“Bakit siya pa?” mahihimigan ang hinanakit sa tanong ni Joyce. Hindi niya kasi lubos maisip na ang Ninang Sonya niya ang ipapalit ng kaniyang Papa Rene sa kaniyang ina.

“Ayaw mo bang maging masaya si papa?” tanong naman ng ama kay Roxanne, pinipilit siyang aluin.

“Hindi naman po sa ganoon pero ano na lamang ang sasabihin ni mama kung nabubuhay pa siya? Matalik niyang kaibigan si Ninang!” Hindi na nakapagpigil si Roxanne at tuloy-tuloy ang pagragasa ng kaniyang mga luha.

Gusto niyang ipaintindi sa ama na mahalaga ang pagkakaibigan, buhay man o hindi na ang isa. Kung tutuusin ay gusto niya rin magkaroon ng mag-aalaga sa kaniyang papa kaya sinuportahan niya ito sa paghahanap nito ng bagong nobya, pero hindi niya inakala na sa matalik na kaibigan pa ng ina ito mahuhulog!

Sabi ng kaniyang ina, ang Ninang Sonya lamang ang naging kaibigan nito. Kilala nila ang isa’t isa simula pagkabata at kahit kailan ay hindi sila nag-away. Nakita ni Roxanne ang pagiging malapit ng dalawa kaya ipinangako rin niyang iingatan ang pagkakaibigang mayroon ang mga ito.

“Pero paano na?” hindi maisatinig na tanong sa isipan ni Roxanne.

“Kung ayaw mo talaga sa kaniya ay naiintindihan ko, anak. Pasensiya na kung nahihirapan ka sa sitwasyon namin. Patawad kung mahal ko talaga ang Ninang Sonya mo.” Napaiwas ng tingin si Roxanne dahil sa lungkot na mababasa sa mukha ng ama. Naiinis din siya sa kaniyang sarili dahil nakikita niyang nahihirapan ang ama sa pagmamatigas niya.

Niyakap siya ng kaniyang Papa Rene. Labis-labis na pagmamahal ang naramdaman niya sa tuwing gagawin nito iyon. Napakaswerte niya dahil ito ang naging magulang niya.

Advertisement

“Magpalit ka ng damit at kakain na tayo,” ani Rene sa anak. Tumango si Roxanne at dali-daling pumasok sa kwarto para magpalit ng pambahay na damit.

Nang matapos ay lumabas siya at nakitang naroon sa kusina ang Papa Rene niya, pati na rin ang kaniyang Ninang Sonya. Nagtago siya sa pader at nakinig sa usapan ng dalawa.

“A-ayaw niya sa akin?” may sakit ang binitiwang salita ng kaniyang Ninang Sonya.

“Pinapahalagaan niya ang pagkakaibigan nʼyo ni Anita. Para sa kaniya, pagtataksil ang gagawin natin kung magkatuluyan tayo.”

“Pero paano ako, Rene? Ibinigay ko na lahat kay Anita. Ikaw at ang anak ko! Ipinaubaya ko na sa kaniya noong nabubuhay pa siya.”

Napaupo si Roxanne sa narinig. Hindi niya maunawaan ang pinag-uusapan ng dalawa lalo’t walang asawa at anak ang kaniyang Ninang Sonya. Pinunasan niya ang luhang tumulo at muling tumayo para harapin ang dalawa.

“Sino’ng anak mo, ninang?” may diin niyang tanong. Nagulat ang dalawa, hindi malaman kung paano sasagot.

Hindi pa rin sumagot ang Ninang Sonya niya ngunit pinaupo siya nito. Napansin niyang paborito niya lahat ang nakahain sa mesa.

Advertisement

Sa kaniyang tabi naupo ang ama, samantalang sa unahan naman ang ninang niyang umiiyak.

“Anak, may gusto sana kaming ipagtapat sa ‘yo.” Nanatiling tahimik si Roxanne at nakatitig sa platong nasa harapan.

“Noong magkakilala kami ni Anita, magkarelasyon na kami ni Sonya.” Napatingin si Roxanne sa ama.

“Nang malaman ni Sonya na may gusto si Anita sa akin ay nakipaghiwalay ito. Sinabi nitong ligawan ko si Anita dahil mahal ako ni Anita. Nagalit ako noon pero nang sabihin niyang may sakit sa puso si Anita at hindi na magtatagal ay napilitan akong sundin ang gusto niya. Mahal na mahal ko si Sonya at kaya kong gawin lahat para sa kaniya.” Halos mabingi si Roxanne sa mga naririnig niya. Hindi niya malaman ang dapat maging reaksyon kaya’t nakatungo niyang pinakinggan ang lahat ng sasabihin ng ama.

“Ipinangako ni Sonya na hindi siya magmamahal ng iba kaya nagpakasal kami ni Anita. Hanggang malaman kong buntis si Sonya at ako ang ama… at ang batang iyon ay ikaw, Roxanne,” pagsisiwalat ng kaniyang ama na lalong ikinabigla ni Roxanne ngunit nanatili siyang nakikinig dito.

“Nakiusap muli si Anita na kung maaari ay siya ang kilalanin mong ina lalo’t hindi maaaring magbuntis si Anita. Muli ay pinagbigyan ni Sonya ang kaibigan niya ngunit nakiusap si Anita na Roxanne ang ipangalan sa bata na agad naming sinang-ayunan ni Anita.” Napatakip ng mukha si Roxanne sa mga narinig. Patuloy siyang humagulhol na sinabayan ng mahinang pag-iyak ng kaniyang Ninang Sonya.

Naging tahimik ang kusina sa sandaling iyon hanggang basagin ito ni Sonya.

“A-anak ko,” lumuluhang ani Sonya. Napatingin si Roxanne sa tunay niya palang ina at kahit nanlalabo ang mata ay nginitian niya ito.

Advertisement

“S-salamat, M-mama,” nauutal niyang wika na ikinaiyak ng kaharap. Niyakap siya ng amang lumuluha rin.

Hindi niya alam pero sapat na ang paghihirap ng tunay niyang ina para maging masaya naman ito. Ayaw na niyang manisi, sa halip ay tinanggap niya ito agad nang buo. Wala siyang nakitang masama rito dahil napakabuti nitong kaibigan at alam niyang mabuti rin itong ina. Kaya pala ganoon na lang kung mahalin siya nito noon habang siyaʼy lumalaki!

Nakisali si Sonya sa yakapan ng kaniyang mag-ama at muli niyang naramdamang buo ang kaniyang pamilya. Ngayon ay magsisimula sila ng panibagong buhay ngunit pananatilihin nila ang alaala ni Anita.