Inday TrendingInday Trending
Nagsisimba Lang Siya Upang Makatakas sa Ina at Makahanap ng Magiging Nobya; Magandang Simula ang Ibibigay ng Diyos sa Kaniya sa Araw ng Linggo

Nagsisimba Lang Siya Upang Makatakas sa Ina at Makahanap ng Magiging Nobya; Magandang Simula ang Ibibigay ng Diyos sa Kaniya sa Araw ng Linggo

Hilig ng binatang si Jerwin na magsimba tuwing Linggo ng hapon. Kung ang ibang tao ay kadalasang nagpupunta roon upang magdasal at matuto tungkol sa salita ng Diyos, siya ay may ibang rason. Ginagawa niya lamang ito upang makatakas sa mga utos ng kaniyang ina at makakita ng mga naggagandahang dalaga na hahanapin at kukulitin niya sa social media.

Tuwing araw kasi ng Linggo, halos hindi mahulugan ng karayom ang kainang negosyo ng kaniyang ina. Lalo na kapag sasapit na ang alas singko ng hapon kung kailan naglalabasan na ang mga tao upang magsama-sama. Dahil dito, kahit na sampung katao na ang empleyado ng kaniyang ina ay nakukulangan pa rin ito ng tao dahil sa dami ng mga kumakain dahilan para kahit siya na gusto lamang magpahinga o maglaro ng video games ay naaabala.

Bukod pa roon, base sa napapansin niya, naglalabasan tuwing Linggo ang mga naggagandahang babae sa kanilang lugar upang magsimba at kumain kung saan. Bilang isang binatang walang kasintahan, nakitaan niya ito ng oportunidad upang makahanap siya ng babaeng makakakpagpasaya sa kaniya.

Ito man ang dahilan niya tuwing Linggo upang makadalaw sa simbahan, ni katiting na pangongonsenya tuwing haharap siya sa altar ay wala siyang nararamdaman.

May pagkakataon pa nga na kahit nagbibigay ng sermon ang pari, todo sitsit siya sa dalagang nasa kabilang hanay ng upuan para lang tanungin kung anong pangalan nito sa social media. Marami man ang naiinis sa gawain niyang ito, lalo na ang mga taong nakakakilala sa kaniya sa personal ay hindi niya ito iniintindi dahil sa kagustuhan niyang makatakas sa trabaho at magkaroon ng nobya.

Katulad ng nakagawian niya, ngayong araw ng Linggo, alas kwatro pa lang ng hapon ay agad na siyang pumuslit sa kanilang bahay. Hindi na siya nagpaalam sa kaniyang ina pagkat alam niyang hindi naman siya nito papayagan. Nagawa niya pang kumupit ng pera sa pitaka nito para mayroon siyang magamit na pera kung sakaling may dalaga siyang mayayayang kumain sa labas pagkatapos ng misa.

Pagkarating na pagkarating niya sa simbahan, agad siyang pumwesto sa may likurang bahagi nito upang makita niya ang mga naggagandahang dalagang papasok dito. Habang lilinga-linga siya sa buong simbahan, mayroon siyang isang babaeng napansin na mag-isang nagdarasal sa isang sulok.

Kahit na nakatungo ito at nakapikit habang taimtim na nagdarasal, kitang-kita niya ang ganda nito dahilan para kapalan na niya ang kaniyang mukha at kaniya itong tabihan.

Nang makatabi na siya rito, napansin niyang umiiyak pala ito habang nagdarasal na talagang ikinahabag niya. Kaya naman, nang matapos itong magdasal, agad niyang iniabot dito ang kaniyang panyo at tinanong kung anong pinagdasal nito.

“Unti-unti na kasing nalulugi ang negosyo ng nanay ko. Iyon lang ang tangi naming pinagkukuhanan ng pera panggastos sa araw-araw. Kapag nagpatuloy ‘yon, tiyak na maghihirap kami. Ikaw, nakapagdasal ka na ba? Anong dasal mo ngayong araw?” sambit nito na agad na nagbigay konsensya sa kaniya.

“Sana makahanap na ako ng nobya,” tapat niyang sagot habang nagkakamot ng ulo.

“Naku, sana iyan na lang din ang problema ko. Kaso hindi, eh, sa mga ganitong panahon, hindi ko kailangan ng nobyo, ang kailangan ko, taong makakapagbigay kapanatagan sa puso kong pasuko na sa hirap ng buhay,” nakangiti nitong tugon habang nakatanaw sa altar dahilan para mapagtanto niyang mali ang ginagawa niya sa loob ng simbahan at hindi kaaya-aya ang ginagawa niyang pagtakas sa ina.

Kagaya ng balak niya, kinuha niya nga ang pangalan ng dalaga at agad niya itong hinanap sa social media. Ito ay hindi para landiin o kulitin araw-araw, kung hindi para tulungan niya itong umangat sa buhay sa paraang kaya niya.

Sa sumunod ng Linggo, maaga siyang dumaan sa simbahan upang magdasal at humingi ng gabay na kailangan niya sa plano niyang pagtulong sa dalaga at sa kaniyang ina. Nang sumapit na ang alas singko ng hapon, dali-dali na siyang umuwi sa kanilang bahay at sinimulan na niyang tumulong sa negosyo ng kaniyang ina.

Lahat ng kinita niya sa pagtulong dito ay ibinigay niya sa dalaga. Ayaw man nitong tanggapin ang perang kaloob niya dahil nga hindi naman sila matagal na magkakilala, siya’y nagpumilit at tumulong pa siya sa pagpapaganda ng negosyong damitan ng ina nito.

Sa loob ng halos tatlong buwan, linggo-linggo niya iyong ginawa hanggang sa napansin ng kaniyang ina ang kasipagang mayroon siya at ito’y mang-usisa na. Dito na niya sinabi ang ginagawa niyang pagtulong sa isang dalaga na talaga nga namang ikinatuwa nito.

Dahil doon, naengganyo rin ang kaniyang ina na tulungan ang naturang dalaga hanggang sa magkahulugan na silang dalawa ng loob at magpasiyang bumuo ng sarili nilang negosyo mula sa kanilang mga ipong pera.

Sa ganoong paraan, unti-unti niyang nakita ang halaga ng Diyos at ang mga biyayang kaloob Niya dahilan para simula noon ay hindi na niya gamitin sa makamundong bagay ang oportunidad niyang makatungtong sa banal na tahanan Niya.

Advertisement