Sinugod Niya ang mga Manggagawang Nag-aayos ng Kuryente dahil sa Matagal na Pag-aayos ng mga Ito; Lumambot ang Puso Niya nang Makitang ang Ginagawa Nila
Ngayong may kumakalat na nakakahawang sakit sa buong bansa, mapalad ang dalagang si Katrina dahil siya ay nabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho pa rin kahit siya ay nasa bahay lamang.
Walang mapagsidlan ang kasiyahang nararamdaman niya nang magsimula siyang magtrabaho sa bahay dahil bukod sa kumikita na siya habang nasa bahay, hindi niya pa kailangang gumising nang maaga upang bumiyahe o gumastos nang malaki para sa kaniyang pagkain. Maaari rin siyang matulog tuwing break time o gumala kasama ang kaniyang pamilya o mga kaibigan sa kanilang lugar pagkatapos na pagkatapos ng kaniyang trabaho na talagang ikinatataba ng kaniyang puso.
Ito ang dahilan para maituring niyang isa siya sa mga masuswerteng taong kumikita sa gitna ng pand*mya habang kasama ang pamilya.
Kaya lang, sa buhay, wala talagang perpektong trabaho. May pagkakataon na naiinis siya sa gamit niyang kompyuter, sa mabagal na internet na mayroon siya o sa ingay ng kanilang mga kapitbahay na talagang nakakaapekto sa kaniyang trabaho. Gustuhin man niyang magalit o magwala dahil sa mga bagay na ito na hindi niya kontrolado, wala siyang magawa kung hindi ang magmura nang magmura kahit nasa harapan siya ng kaniyang magulang.
Ngayong araw ng Lunes kung kailan siya unang araw na magtatrabaho sa linggong ito, maaga siyang nagising dahil naramdaman niyang may nagsara ng electric fan na kaniyang ginagamit.
“Mama! Para namang hindi mo alam na may trabaho ako mamayang tanghali! Palagi mo na lang ako pinagsasarhan ng electric fan! Ang sarap-sarap ng tulog ko, eh!” galit niyang sigaw sa ina na nakita niyang nagtitimpla ng kape.
“Ay, naku, Katrina, hindi ako ang salarin! Buong siyudad natin ang walang kuryente ngayon dahil may pumutok na transformer d’yan sa may kanto,” paliwanag nito na agad niyang ikinapag-alala.
“Ano? Paano na ang trabaho ko? Hindi ako pupwedeng um-absent ngayon! Sayang ang kikitain ko!” wika niya.
“Malay mo naman, bago magtanghali ay magawa na nila agad iyon at magkaroon na ng kuryente. Huwag ka masyadong mag-alala riyan at magpahinga ka muna,” payo nito saka siya pinaypayan upang makabalik sa pagkakatulog.
Isang oras bago tuluyang dumating ang takdang oras ng kaniyang pagtatrabaho, siya’y nagising na ngunit wala pa ring kuryente sa kanilang lugar. Sa sobrang pag-aalala niya, tumawag na siya sa kumpanya ng kuryente at doon niya binuhos ang kaniyang galit.
“Hindi niyo ba alam na kailangang-kailangan ng mga tao ngayon ang kuryente? Marami ang nagtatrabaho sa bahay ngayon katulad ko! Babayaran niyo ba ang masasayang na kita namin ngayon, ha?” bulyaw niya.
“Ma’am, lahat po kami ay kumikilos na upang mapabilis ang pagpapabalik ng kuryente, kaya lang po, malaki ang sira ng transformer sa lugar niyo,” malumanay na tugon ng empleyado roon.
“Wala akong pakialam! Kapag mamayang alas dose, wala pa rin kaming kuryente, malilintikan kayo sa akin!” sigaw niya saka niya agad na binaba ang tawag.
Ngunit katulad ng kinapag-aalala niya, sumapit na ang takdang oras ng kaniyang trabaho at wala pa rin silang kuryente na talagang nagbigay nang matinding galit sa kaniya.
Oramismo, pinuntahan niya ang mga gumagawa ng transformer ng kuryente sa kanto ng kanilang barangay. Gustong-gusto niyang sigaw-sigawan ang mga ito dahil sa galit na nararamdaman niya.
Kaya lang, pagdating niya roon, kitang-kita niya ang hirap ng mga manggagawa para lamang maayos ang daloy ng kuryente sa kanilang lunsod. Sa katirikan ng araw ay nakabilad ang mga ito habang binubusisi ang bawat kurdon ng kuryente. Kitang-kita niya ang tagaktak ng pawis sa bawat isa at ang gutom na iniinda ng iba.
Dahil doon, siya’y biglang kumalma. Napagtanto niyang katulad niya na gustong-gusto nang makapagtrabaho upang kumita ng pera, ang mga manggagawa ito ay gustong-gusto na rin matapos ang trabaho upang makakain at makaalis na sa ilalim ng araw.
Habang pinagmamasdan niya ang mga matitiyagang manggagawa, lalong lumambot ang kaniyang puso at tinulak siya nitong bumili ng maiinom at maipangtatawid gutom ng mga manggagawang iyon.
“Hindi naman po siguro masama kung magpapahinga po kayo saglit habang nainom nang malamig na tubig at nakain ng tinapay, ano?” sabi niya sa mga manggagawa na agad nakapagbigay ng ngiti sa labi ng mga ito.
Sa pagsama niya sa mga manggagawang iyon, natutuhan niyang lahat ng ito ay kailangan din ng pera katulad niya. Ang iba ay may sakit ang asawa, baon sa utang, at may kinakaharap na mabigat na problema na nagbigay daan sa kaniya upang mapigilan ang sariling magalit sa mga ito.
Tila nagbigay lakas ang binigay niyang inumin at pagkain sa mga manggagawang iyon dahil ilang minuto lang pagkauwi niya galing kanto ay agad nang sumindi ang kanilang electric fan na ikinatalon niya sa tuwa!
“Anak, makakahabol ka pa sa trabaho! Inaway mo ba ang mga manggagawa ng kuryente?” sabi ng kaniyang ina na ikinatawa niya na lamang.
Habang nagtatrabaho siya, hindi niya maiwasang ngumiti dahil sa unang pagkakataon, siya’y nakatulong sa mga manggagawang iyon kahit sa pinakasimpleng paraan lamang.
Simula nang araw na iyon, tuwing may nagiging aberya sa kaniyang trabaho, pilit na niyang kinakalma ang sarili kaysa magwala o magpalamon sa galit. Dahil ngayon, alam na niyang may mga empleyado ring katulad niya na ginagawa ang lahat upang masolusyunan iyon.