Agad Siyang Nanggalaiti nang Malamang May Kinakasama Dati ang Kaniyang Kasintahan at May Anak pa Ito; Makakaya Niya Kayang Tanggapin ang Nakaraan Nito?
Agad na nahumaling sa ganda ng bago niyang katrabaho si Jermuel. Bukod sa mukha nitong maihahambing sa ganda ng isang anghel, humaling na humaling pa siya sa boses nitong malambing pa kaysa isang batang limang taong gulang. Hindi pa man niya ito nakikilala nang husto, walang pag-aalinlangan niya itong pinakitaan ng motibo.
Sa unang araw pa lang ng trabaho nito sa kanilang opisina, dali-dali niya itong inalok na kumain sa labas. Ilang beses man siya nitong tinanggihan dahil nga hindi pa siya nito kakilala, buong maghapon niya itong kinulit.
Kada isang oras ang lilipas sa araw na iyon, pinupuntahan niya ito sa lamesang pinagtatrababuhan nito para bigyan ng maiinom, makukutkot o isang simpleng sulat na nagpapakita na siya’y interesado rito.
Wala namang mapagsidlan ang saya niya nang kaniya itong mapapayag bago matapos ang kanilang trabaho at sila’y sabay na lumabas sa gusaling iyon para kumain sa isang restawran.
“Salamat, ha, pinaunlakan mo akong makasama ka sa araw na ito,” magalang niyang sabi pagkapasok nito sa kaniyang sasakyan.
“Sa kakulitan mo, may karapatan ba akong tumanggi pa? Pasalamat ka, gwapo ka at mukha kang katiwa-tiwala dahil kung hindi, baka kahit habang-buhay mo akong kulitin, hindi kita papansinin,” biro nito na talagang ikinakilig niya.
Nasundan pa nang nasundan ang pagyayaya niya rito at pagpapakita niya rito ng motibo hanggang sa isang araw, napagpasiyahan na niya itong ligawan at laking gulat niya dahil nang araw ding iyon, siya’y agad na nitong sinagot.
“Totoo ba, Ara? Pumapayag ka na agad na maging kasintahan ako?” panigurado niya.
“Oo naman! Dito rin naman ito tutungo, eh, bakit papahirapan pa kita? Basta, ipangako mo lang sa akin, tatanggapin mo ako nang buo at mamahalin nang totoo!” sabi nito na agad niyang sinang-ayunan saka niya ito hinalikan.
Simula ng araw na iyon, halos mag-umapaw na ang saya sa puso niya dahil bukod sa araw-araw niyang nakakasama ang taong mahal niya, araw-araw pa nitong pinaparamdam sa kaniya kung gaano siya nito kamahal.
Kaya lang, isang araw, habang hinihintay niya itong makalabas sa trabaho, napagdesisyonan niyang tingnan ang social media account nito. Noong una’y hindi niya mapigilang ngumiti sa ganda ng mga larawan nito ngunit hindi kalaunan, may nakita siyang lalaki na kasama nito at nakaupo pa ang dalawa sa kama na talagang ikinanginig ng kalamnan niya.
Kahit nakita niyang dalawang taon na ang nakalilipas nang makuhanan ang litratong iyon, siya’y labis na nagalit kay Ara. Lalo pa nang malaman niyang tumira ito sa bahay ng lalaking iyon at nagbigay buhay na sa isang bata.
Pilit man siyang pinaliwanagan ni Ara na ang lahat ng iyon ay parte na ng nakaraan, siya ay labis pa ring nagalit at imbes na ihatid niya ito sa bahay, iniwan niya ito sa kalsada at kaniyang sinugod ang dating kinakasama nito na napag-alamanan niyang isang guro sa kalapit na unibersidad.
Pagkakitang-pagkakita niya sa lalaking iyon, kahit akay-akay nito ang anak ni Ara, walang habas niya itong sinuntok at pinagmumumura.
“Sino ka? Anong problema mo? Sa harap pa talaga ng anak ko, ha?” galit ngunit mahinahon nitong tanong habang pinapakalma ang anak nitong umiiyak dahil sa pagkabigla.
“Kasalanan mo ang lahat ng ito! Kung hindi mo binahay at inanakan si Ara, hindi niya magagawang magsinungaling sa akin at saktan ako nang ganito!” sigaw niya rito.
“Ibig sabihin, ikaw pala ang bagong nobyo ni Ara? Kawawa naman siya, sa isang isip bata pa siya napunta,” sabi pa nito na lalo niyang ikinagalit.
“Anong sabi mo?” tanong niya saka niya hinila ang kuwelyo nito.
“Aminin mo sa sarili mo na hindi naman siya nagsinungaling sa’yo. Sadyang hindi niya lang nasabi ang katotohanan, magkaibang bagay iyon. Kailangan mo ring itatak sa isip mo na ang lahat ng mayroon kami noon ay nakaraan na. Kung mahal mo talaga siya, matatanggap mo lahat ng ito nang hindi mo siya kailangang saktan o mabigyan ng dahilan para kamuhian niya ang sarili’t nakaraan niya. Mabigat na ang pinagdaan niya sa akin, sana’y maibigay mo ang pagmamahal na kailangan niya kahit pa may sabit siya,” pangaral pa nito na ikinatahimik niya, “Nagkikita lang kami para rito sa bata at pasalamat ka, nasa harap tayo ng anak ko at narito tayo sa pinagtatrababuhan kong unibersidad, dahil kung hindi baka naghihingalo ka na ngayon,” dagdag pa nito saka nito pinakita sa kaniya ang isang card na nagpapatunay na isa itong boxing coach dahilan para agad niyang bitawan ang kuwelyo nito at layuan niya ito.
Habang naglalakad siya palayo rito, takot ang agad niyang naramdaman. Naisip niyang baka hiwalayan siya ni Ara sa pinakita niyang ugali at sa ginawa niya sa mag-ama nito. Kaya naman, dali-dali niya itong tinawagan at pinuntahan kung nasaan ito.
Pagkakitang-pagkakita niya rito, agad niya itong niyakap habang humihingi ng tawad. Takot man siya sa magiging reaksyon nito, agad niya na ring ikinuwento ang ginawa niyang kabaliwan sa harap ng mag-ama nito. “Hindi naman kita masisisi, eh, kasalanan ko rin naman. Hindi ako agad nagsabi sa’yo. Hinayaan ko pang ikaw ang makaalam. Ako nang bahalang magpaliwanag sa anak ko, Jermuel, wala ka nang dapat ikatakot,” tugon nito na labis niyang ikinapasalamat.
Sa ganoong paraan, naging interesado siya sa nakaraan ng kaniyang kasintahan. Ginagawa niya ito hindi para awayin o sigaw-sigawan ito at ang dating nakasama nito, kung hindi upang makilala niya ito nang lubos.
Hirap man siyang tanggapin ang ilang impormasyon tungkol sa nakaraan nito lalo na ang responsibilidad nito sa anak, tinutulungan niya ang sarili na tanggapin nito kahit paunti-unti.
Paglipas ng ilang buwan, sa patuloy niyang pagtanggap kay Ara, natutuhan niya ring mahalin ang anak nito na nagbigay kasiyahan sa kaniya dahilan para tuluyan na niya itong matanggap. Labis din siyang nagpasalamat sa aral na tinuro sa kaniya ng dati nitong kinakasama dahil kasi roon, naunawaan niyang hindi niya lang kailangang mahalin kung sino si Ara ngayon. Dapat mahalin at tanggapin niya rin kung sino si Ara noon.