Inday TrendingInday Trending
Dahil Nabigo sa Pag-ibig ay Gumanti Siya sa Lalaking Dumurog ng Puso Niya; Sa Huli ay Siya rin ang Nagdusa

Dahil Nabigo sa Pag-ibig ay Gumanti Siya sa Lalaking Dumurog ng Puso Niya; Sa Huli ay Siya rin ang Nagdusa

Nakangiting kinawayan ni Miriam ang kababata na si Emil na naglalakad pauwi sa bahay nito. Nagmagandang loob kasi ang binata na ihatid siya pauwi sa bahay nila.

Matagal na niyang lihim na gusto ang binata kaya naman pinaunlakan niya ang nais nito na mangyari.

“Anak, ngiting-ngiti ka yata?” puna ng kaniyang ina pagkapasok niya pa lang ng bahay.

“Si Emil po kasi, Nanay. Hinatid niya ako pauwi,” malaki ang ngiti na kwento niya sa ina.

Napangiti ito bago napailing.

“Ikaw naman kasi, ilang beses ko na ba sinabi sa’yo na gagawa na lang ako ng gayuma para naman tuluyan nang mapasa’yo si Emil?” anang kaniyang ina.

Marahas siyang umiling.

Ang totoo ay isang makapangyarihan na mangkukulam ang kaniyang ina. Isa iyong lihim ng kanilang pamilya.

“‘Nay, hindi ba’t sinabi ko na po na ayaw kong gawin iyon? Kung mamahalin ako ni Emil, gusto ko ay ‘yung tapat at totoo,” aniya sa ina.

“‘Wag mo nang seryosohin ang sinabi ko, anak. Suhestiyon ko lang naman iyon dahil gusto ko masigurado na magiging masaya ka,” anang kaniyang ina.

Tinapik niya ang balikat ng ina.

“Salamat po, Nanay. Malapit na po akong magtapat kay Emil. Malakas ang pakiramdam ko na susuklian niya ang pag-ibig ko,” puno ng kumpiyansa na sabi niya sa ina.

Bakit naman hindi niya iisipin na gusto siya ni Emil? Sa tuwing magkakasabay sila ay parati siya nitong hinahatid pauwi. Parati itong may nakahandang ngiti para sa kaniya. Parati itong may baong kwento sa tuwing magkakasama sila.

Ngunit hindi niya na pala kailangan na magtapat. Dahil makalipas ang ilang araw ay si Emil mismo ang nagyaya sa kaniya.

“Miriam, abala ka ba sa Linggo? Baka gusto mo na sabay na tayong magsimba. Mamasyal na rin tayo,” tila nahihiyang wika ni Emil isang araw. Sinadya pa siya ng binata sa bahay nila.

Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa.

“Oo naman. Sige, magkita tayo sa Linggo,” nakangiting pagpayag niya.

Halos hilahin niya ang mga araw para lang mabilis na dumating ang araw ng Linggo.

Alas syete ang oras ng pagkikita nila ni Emil, ngunit alas sais pa lang ay handang-handa na siya. Matiyaga niyang hinintay ang pagdating ng sinisinta.

Subalit sa labis niyang pagkadismaya, alas nuwebe na ay wala pa ito.

Naghintay pa siya hanggang alas onse bago siya tuluyan nang sumuko. Masama man ang loob niya sa kababata ay umaasa pa rin siya na may maganda itong paliwanag kung bakit hindi ito nakarating sa lakad nila.

Maghapon niyang hinintay ang tawag ni Emil, o ‘di kaya ay ang pagbisita nito, subalit walang dumating sa mga iyon.

Kinabukasan ay tila bombang sumabog sa harapan niya ang bali-balita na ikakasal na raw si Emil.

At ang pinakamasakit ay ikakasal ito kay Susan, isa pa sa mga kababata nila.

“Ang usap-usapan ay si Susan ang pinili ni Emil dahil mayaman ang pamilya nila. Hindi ako makapaniwala na mukhang pera pala ‘yang si Emil!” dismayadong komento ng kaniyang ina.

Subalit gaano man karami ang tsismis ay hindi nagpaapekto si Miriam. Nais niya kasi na manggaling sa bibig mismo ni Emil ang totoo.

Ngunit hindi na kailangan pang mangyari iyon. Dahil noong sumunod na araw ay nakita niya ang dalawang kababata na nagtatawanan habang magkahawak kamay na naglalakad sa parke.

Sa nakita ay sumiklab ang galit sa puso ni Miriam. Pakiramdam niya kasi ay nagtaksil sa kaniya si Emil.

“Kung hindi ka para sa akin, hindi ka rin mapupunta sa iba,” bulong niya habang masama ang tingin sa dalawang kababata.

Nang makauwi siya sa bahay ay tiyak ang kaniyang patutunguhan. Binuksan niya ang silid na matagal nang hindi nagagamit. Doon kasi nakatabi ang mga gamit ng kaniyang ina sa itim na mahika.

“Anak, anong nangyayari?” tarantang usisa ng kaniyang ina.

“Gusto ko silang parusahan, ‘Nay. Hindi ako papayag na maging masaya si Emil at Susan!” napopoot na pahayag niya.

Napabuntong hininga ang kaniyang ina bago ito sumagot.

“Sigurado ka ba, anak? Alam mo naman na kapag nakagamit na ako ng itim na mahika ay wala nang bawian…” anito.

Walang pag-aalinlangan siyang tumango.

Walang ibang magawa ang kaniyang ina kundi sundin ang kaniyang naisin. Alam na alam kasi nito kung gaano niya kamahal si Emil.

Tahimik niyang pinanood ang mahabang orasyon ng ina. Halos isang oras din ang lumipas bago ito tumigil at bumaling sa kaniya.

“Ayos na. Ngayon ay hindi na kailanman magiging masaya pa si Emil…” pabulong ng kaniyang ina.

Saktong kasasabi pa lang iyon ng kaniyang ina nang marinig niya ang pagtawag mula sa labas ng bahay nila.

“Miriam! Miriam! Nariyan ka ba? Mag-usap tayo!”

Kilalang-kilala niya ang tinig na iyon. Si Emil.

Nagtataka na hinarap niya ang binata. Ginulat siya ng mga salitang ibinungad nito sa kaniya.

“Miriam, patawad at ngayon lang ako nakapunta. Nahirapan akong magdesisyon dahil pilit akong itinutulak ng pamilya ko na pakasalan si Susan. Ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na umamin sa’yo ng tunay kong nararamdaman…” panimula nito.

Hinawakan ng binata nang mahigpit ang palad niya.

“Ikaw ang sinisigaw ng puso ko, Miriam. Handa ako na suyuin ka, ibalik mo lang ang pag-ibig ko…” buong sinseridad na pag-amin nito.

Natunaw ang puso ni Miram. Handa na siyang sagutin ang pagtatapat nang binata, subalit nagulat siya nang mapaluhod ito at mapasigaw, tila nasasaktan.

Sa buong katawan nito ay makikita ang unti-unting pagtubo ng mga bukol.

Maging ang makinis nitong mukha ang napuno ng nakakapandidiring mga bukol.

Nanghilakbot siya sa nakita. Noon pumasok sa isip niya kung ano ang sanhi ng nangyayari sa binata—ang orasyon ng kaniyang ina!

Nagmamadaling nilapitan niya ang kaniyang nanay.

“‘Nay! Mahal ako ni Emil! Kailangan mong bawiin ang ginawa mong orasyon! Pagalingin mo siya mula sa mga bukol na tumubo sa katawan niya!” mangiyak-ngiyak na pakiusap niya sa ina.

Malungkot na umiling ito.

“Wala na tayong magagawa, anak. Hindi ba’t sinabi ko sa’yo na hindi mo na ito mababawi? Habambuhay nang magdurusa si Emil. Ang magagawa mo na lang ay samahan siya sa pagdurusa niya. Iyon ay kung talagang mahal mo siya…” payo ng kaniyang ina.

Subalit nang balikan niya si Emil ay wala na ito. Ang sabi ng kapitbahay ay nagtatakbo ito pauwi.

Makailang ulit niyang binisita sa bahay si Emil, subalit ni minsan ay hindi siya nito hinarap. Ang sabi ng ina ng lalaki ay nagtatago ang lalaki dahil sa itsura nito na talaga namang hindi kaaya-aya.

Araw-araw na nagsisisi si Miriam. Kung hindi siya naging sakim ay hindi mangyayari iyon sa pinakamamahal niya.

Napakarami niyang siguro. Siguro ay masaya silang nagmamahalan ni Emil. Siguro ay ikinasal sila at bumuo ng pamilya. Siguro ay hindi sila nagdurusa.

Kaya naman wala siyang ibang magawa kundi ang samahan ang minamahal sa pagdurusa—ang pagdurusa na siya rin naman ang may gawa.

Advertisement