Ikinahihiya ng Ina ang Anak na Maghapong Nagkukulong sa Kwarto’t Nagkokompyuter; Ito Pa Pala ang Magbabangon sa Kaniya

Ikinahihiya ng Ina ang Anak na Maghapong Nagkukulong sa Kwarto’t Nagkokompyuter; Ito Pa Pala ang Magbabangon sa Kaniya

FamilyInspiringStories

Umuwi si Aling Nena galing palengke na hirap na hirap sa mga bitbitin. Nagtataka siya nang ang mga kapitbahay ay tila ba nagbubulungan habang nakatingin sa kaniya. Siguro akala na naman ng mga ito big time siya, sa totoo lang ay huling ipon niya na ang pinamili para isalba ang kaniyang maliit na sari-sari store.

Nang malapit na siya sa gate ng kanilang bahay ay nakarinig siya ng isang malakas na sigaw. Nataranta naman siya at nabitiwan ang mga hawak na balot ng chichirya. Humahangos siyang pumunta sa kwarto ng anak na si Ryan, himala na bukas iyon, at naabutan niya itong hinahampas ang ulo sa harap ng kompyuter nito.

“Hoy Ryan! Ryan! Ano?! Natuluyan ka na ba kakalaro mo ng kompyuter?” nag-aalalang tanong ni Nena. Nakita niyang nakasara ang kompyuter nito na buong maghapon magdamag nitong nilalaro. Napatingin siya sa electic fan at nakitang nakasara rin iyon. Sabi na nga ba niya, walang makakapigil dito sa paglalaro kung hindi black out. Siguro ay  may problema sa poste ng kuryente nila. Umakyat ang inis sa ulo niya at sa galit ay nabatukan niya ang anak.

“Ikaw! Wala ka na ngang matinong ginagawa sa buhay ay babasagin mo pa ‘yang bungo mo diyan, ha?! Bakit, may pampaospital ka? Bente sais ka na! Kung ganiyan nang ganiyan eh lumayas ka sa pamamahay ko!” malakas na sigaw ni Nena habang pinaghahampas ang anak na ilag naman nang ilag.

Inis na inis si Toby dahil kung kailan mananalo na siya sa nilalaro ay saka pa nawalan ng kuryente.

Ganoon parati ang ganap sa kanilang tahanan. Kunsumido araw-araw si Aling Nena dahil ang nag-iisang anak ay walang ginawa sa buhay kung hindi magkompyuter. Hindi na nga matalino si Toby ay wala pa itong alam na gawin. Noong bata pa ito ay hinahayaan niya, ngunit ngayon ay nagsisisi siya sa kinahantungan ng buhay ng anak. Sinubukan namang maghanap ng trabaho ng binata dahil sa pilit din ni Nena ngunit wala talaga itong maipasa dahil sa kahinaan ng utak nito. Naririnig niyang pati mga kapitbahay ay pinagtsitsismisan na rin ito. Lalo na’t nitong mga nakaraan ay talagang laging binubungangaan ni Aling Nena ang anak.

Nang gabing iyon, sarado na ang tindahan, nagbibilang si Aling Nena ng kaniyang kinita sa buong araw. Napasapo na lang siya sa batok dahil kulang na kulang ang kaniyang pera. Sa bayarin pa lang nila sa tubig at kuryente ay kapos na. Mukhang pati maliit na tindahan na iniwan sa kanila ng namayapang ama ni Toby ay maisasara na niya.

“Ma, anong ulam?” sabi ni Toby. Napalingon si Aling Nena at wala na siyang lakas pa para makipag-away dito kaya’t itinuro na lang niya ang lamesa. Matapos kumain ay bumalik din kaagad si Toby sa kwarto nito upang magkompyuter. Napabuntong-hininga na lang si Nena at ‘di namalayang doon na siya sa lamesa nakatulog.

Nagising siya at nakita ang pinto ng anak na nakabukas. Nagulat siya nang makitang nakasara ang kompyuter nito. Malinis din ang sahig at nakaayos ang kama. Nagtaka si Aling Nena ngunit iwinaksi ang masasamang naiisip. Himala iyon dahil hindi nga lumalabas ang anak at wala rin naman itong kaibigan na pwedeng puntahan nito. Nagsimulang siyang mag-alala nang pagabi na at wala pa rin ang anak. Wala siyang matawagang kakilala dahil wala siyang alam na kaibigan nito. Doon niya lang napagtanto na wala pala siyang alam tungkol sa anak. Hindi kaya lumayas ito? Dahil kaya lagi niya itong pinalalayas? Sa isiping iyon ay tuluyan nang napaiyak si Aling Nena. Sa kakaiyak ay nakatulog siya sa sofa.

Kinabukasan nang magising siya ay bumangon na naman ang matinding kaba sa kaniyang dibdib. Agad niyang pinuntahan ang kwarto ng anak at nang makitang naglalaro ito ng kompyuter ay ewan at bigla siyang naiyak at niyakap ito.

“Mamaya ka na mag-drama ‘ma, mamaya mo na rin akong pagalitan, tingnan mo muna yung kusina,” sabi ni Toby habang ‘di man lang natinag sa nilalaro. Nagtataka man ay naguguluhang nagtungo siya sa kusina. Pagdating doon ay may nakita siyang papel sa gitna ng mesa. Nalalaglag ang kaniyang panga habang nanginginig na kinuha ang tseke na naglalaman ng kalahating milyong piso!

“Saan mo nakuha ‘to ha?! Hindi kita pinalaking magnanakaw, Toby, ibalik mo ‘to!” sigaw ni Aling Nena.

“Grabe ka naman ‘ma! Oo, ad*k ako sa pagkokompyuter pero ‘di ako magnanakaw ‘no. Ipon ko ‘yan,” tila nahihiyang sabi pa ng binata.

“Pasensya na at ‘di ko namalayang nahihirapan pala kayo sa pera. Alam mo namang mahina ang kukote ko ‘ma. Kagabi ko lang napagtanto nang makita ko yung mga bills na hindi niyo mabayaran. Pasensya na po.”

“Paano ka nakaipon? Saan mo…” ‘di pa rin makapaniwalang sabi ni Nena.

“Sa paglalaro. Sabi mo nga, sa kompyuter lang ako magaling. Kaya ayon.” Pinaliwanag ni Toby kung paano siya kumikita sa pamamagitan ng paglalaro ng isang game sa kompyuter. Hindi man naiintindihan ni Nena ay tila ba lumobo ang kaniyang puso. Proud na proud siya sa kaniyang anak. Eh ano naman kung iba ang kalakasan nito o interes kaysa sa iba? Ang mahalaga ay mabuting tao ito. Niyakap niya ang anak at nagpasalamat dito.

Simula nang araw na iyon ay naging mas mahinahon na si Aling Nena pagdating sa anak. Ayaw niyang makompromiso ang kalusugan nito kaya’t kahit alam niyang kumikita ito ay pinipigilan niya pa rin itong gawing maghapon magdamag ang paglalaro. Naging maluwag ang kanilang buhay ngunit higit sa lahat, mas bumuti ang relasyon ng mag-ina. Tila ba noon nila napagtanto na silang dalawa na lang ang natitira kaya dapat silang magtulungan at patuloy na suportahan ang isa’t isa.

More Stories