Nahuli ni Misis ang Itinatagong Alkansiya ng Kaniyang Mister; Nag-umpisa Siyang Maghinala na May Kabit Ito nang Dahil Dito

Nahuli ni Misis ang Itinatagong Alkansiya ng Kaniyang Mister; Nag-umpisa Siyang Maghinala na May Kabit Ito nang Dahil Dito

FamilyInspiringStories

Ilang taon na ring kasal sina Beth at Mario. Mayroon na silang limang anak na napagtapos na nila. May edad na rin ngunit patuloy pa rin sa pagtatrabaho si Mario dahil ayaw nilang maging pabigat sa kaniyang mga anak. Katuwiran niya’y dapat mayroon silang panggastos na mag-asawa kapag dumating ang panahon na hindi na nila kayang magtrabaho at uugod-ugod na sila. 

Subalit dumating ang araw na hindi inaasahan ni Beth. Habang siya ay naglilinis ng kanilang bodega, bigla na lamang napansin niya ang malaking alkansiya na nakatago sa pinakasulok ng silid na iyon. Pinilit niyang buksan ngunit hindi niya iyon magawa. Nang kaniyang silipin, nakita niya ang limpak limpak na salapi na nasa loob ng alkansiya na iyon. Dito na napaisip nang husto si Beth. Walang ibang nakatira sa kanila kundi sila lamang mag-asawa. At ang pinagtataka niya, bakit naglilihim ang kaniyang asawa at nagtatago ng ganoong kalaking pera. Binalik niya iyon sa dating pwesto at napagdesisyunang hintayin ang asawa na ipagtapat sa kaniya kung para saan ang salapi na iyon. 

Kinagabihan, pag-uwi ni Mario, katulad ng dati ay pagod ito at dumiretso sa pagkain. Pagkatapos ay nanood sandali ng telebisyon habang gumagamit ito ng kaniyang selpon. Paligid ligid naman si Beth sa kaniyang harapan hanggang sa napansin na nito na parang may problema ang kaniyang misis. Tinanong naman niya kung ano ang problema o may nangyayari ba subalit wala namang sinabi si Beth. Nagpatuloy ang kanilang normal na kaganapan sa araw-araw. Subalit hindi na matiis ni Beth at mas minanmanan pa niya ang kilos ng mister. 

Dahil hindi na rin makatulog nang maayos si Beth, ipinarating niya ito sa kaniyang panganay na anak na si Joy. Habang sila ay nag-uusap sa telepono, nabanggit ng kaniyang anak na pinagtataksilan siya ng kaniyang asawa. Dito nila napagtanto na baka mayroon ding babae na sinusuportahan si Mario kung kaya ito nagtatago ng malaking pera sa kaniyang misis. Bumigat lang lalo ang pakiramdam ni Beth matapos ang kanilang pag-uusap ng kaniyang panganay. Sa loob maraming dekada nilang pagsasama at kung kailan matanda na sila ay ngayong pa niya ito mararanasan. 

Marami mang tumatakbo sa isip ni Beth, wala siyang lakas ng loob upang sabihin ang lahat ng iyon sa kaniyang mister. Hindi niya napapansin na unti-unti na siyang kinakain ng mga negatibong pag-iisip at hindi na makapagpokus sa mga gawain niya sa bahay. Naging marumi at makalat na ang kanilang bahay palagi. Ang mga niluluto niya ay palyado na rin kung walang lasa, sobrang alat kung minsan. 

Isang gabi, dumating si Mario na lasing. Nang bumungad iyon kay Beth, marami na namang tumakbo sa kaniyang isip. Hindi naman kasi pala-inom ang kaniyang asawa. Laking pagtataka niya kung bakit sa ilang dekada nilang pagsasama, ngayon lamang ito umuwi nang lasing. Gusto man niyang awayin, hindi na rin ito marinig ni Mario dahil malalim na ang pagkakatulog nito. 

Nang gabing iyon, hindi mapakali si Beth at hinalughog niya ang bag na ginagamit ng kaniyang asawa. Nais niyang makakita ng proweba sa mga haka-haka niya upang matapos na ang mga bagay na tumatakbo sa kaniyang isip. Dito niya nakita ang selpon ng kaniyang mister. Binuksan niya ito at patuloy na naghanap mula sa mga mensahe nito na malinis naman. Tiningnan niya ang mga larawan na naroon, naluha siya nang makita ang mga litrato niya, ng kaniyang mister at ng kanilang buong pamilya. Kaniyang panalangin, huwag naman sanang masira ang kanilang pagsasama. Subalit kumabog ang kaniyang dibdib nang makita ang larawan ng isang dalaga sa selpon ng kaniyang asawa. Ito na nga marahil ang proweba na kaniyang hinihintay. 

Buong gabi, walang ginawa si Beth kundi ang umiyak habang nakatingin sa asawa niyang natutulog. Hindi na niya alam kung ano ang kaniyang dapat gawin. Kung magbubulag-bulagan na lamang ba o tatanungin na niya ang kaniyang asawa? Hindi niya akalaing mangyayari ito sa kaniya. 

Kinaumagahan, dahil sa pagmamahal niya sa kaniyang pamilya at sa kaniyang asawa, pinili ni Beth na manahimik at magkunwaring walang alam sa nangyayari. Pinilit niyang kalimutan na lamang hanggang sa araw na siya ay bawian ng buhay. Ngunit sa kaniyang kalooban, mahirap at mabigat ang araw-araw. 

Binuntong ni Beth ang mga naiisip sa mga gawaing bahay. Ayaw na niyang mag-imbestiga pa dahil ayaw na niyang masaktan pa. Wala na siyang nais kung hindi ang matapos ang kaniyang buhay na maayos ang kaniyang pamilya at walang naging isyu. Araw-araw, abala man sa gawain na nagpapapagod sa kaniyang katawan, pagod din naman ang utak niya sa kaiisip. 

Dumating ang araw ng kanilang ika-apatnapung anibersaryo. Hindi na umaasa si Beth na lalabas pa sila upang kumain bagkus nagluto na lamang siya ng paborito ni Mario. Subalit hatinggabi na, hindi pa umuuwi ang mister niya. Nalungkot nang sobra si Beth, naisip niyang hindi na nga ata importante ang mga ganitong ganap kapag matagal na kayong kasal. Dahil sa pagod, nakatulog na rin si Beth habang malungkot ang kaniyang puso. 

Pagmulat ng mata ni Beth, kita niya ang lahat ng kaniyang mga anak, mga apo at naroon ang kaniyang mister na nakangiti habang may hawak itong bulaklak. Habang tumutugtog ang paborito nilang kanta, nakabihis ang kaniyang mister nang maganda at inaaya siyang kumain at sumayaw. 

“Panaginip na naman…” bulong ni Beth sa kaniyang isip. 

Kung panaginip man iyon, ayaw niya munang magising. Kahit sa panaginip lamang, maging masaya naman siya sa araw na iyon. Subalit naramdaman niya ang yakap ng kaniyang mga apo, mga anak at mister. Hindi pala isang panaginip, kundi isang katotohanan ang nangyayari!

Tiningnan ni Beth ang alkansiya at nakitang wala na iyon doon. Nakita rin niya sa bahay nila ang litrato ng dalaga na nakita niya. Kasintahan pala iyon ng kaniyang bunsong anak. Wala nang nasabi si Beth at hindi na napigilan ang lumuha pa. Lahat pala ng kaniyang iniisip ay haka-haka lamang niya at hindi totoo. Laking pasaslamat ni Beth na magpapatuloy ang kanilang pagsasama bilang isang masaya at buong pamilya.

More Stories