Dahil sa Kaniyang Itsura ay Hindi Raw Makakamit ng Dalaga ang Pangarap; Isang Mabuting Gawain ang Magdadala sa Kaniya sa Tagumpay

“Hanggang ngayon pala ay umaasa pa rin ‘yang anak mong si Mabel na maging isang artista?” saad ni Aling Huling sa kaniyang kapatid na si Aling Belen. 

“Sabihin mo sa anak mong iyan ay kahit ano ang gawin niya ay hindi siya magtatagumpay dahil hindi naman siya kagandahan! Kaya kung ako sa kaniya ay aatupagin ko na lang ang pag-aaral ko o hindi naman kaya ay magtrabaho na lang siya sa ibang bansa bilang taga-bigay aliw para nang sa gayon ay hindi ganyan ang kalagayan niyo!” dagdag pa ng ginang.

Bata pa lamang si Mabel ay pangarap na niyang maging artista. Kahit na napupuyat ay walang ginawa ang dalaga kung hindi mag-audition sa pagbabakasali na isang araw ay matanggap siya bilang isang ganap na artista. Kahit na pa-ekstra-ekstra lamang sa mga palabas ay sinusunggaban niya. Hindi kasi siya nawawalan ng pag-asa na balang araw ay matutupad ang kaniyang pangarap at maiaahon ang pamilya sa hirap. 

Madalas naman silang kutyain ng kapatid ng kaniyang ina na si Aling Huling. Napakayabang ng tiya niyang ito sapagkat nakakaangat na sa buhay dahil sa anak niyang nagtatrabaho sa ibang bansa. Kaya ganito na lamang silang maliitin ng ginang. Ngunit hindi nagpapatinag ang dalaga.

“Anak, nag-aalala ako sa kalusugan mo. Aabutin ka ng halos umaga sa taping ng isang palabas para lang sa pag-ekstra mo tapos ay papasok ka pa sa paaralan. Baka mamaya ay magkasakit ka niyan. Tigilan mo na kaya muna ang pag-ekstra sa mga palabas?” wika ni Aling Belen sa anak.

“Nay, huwag po kayong mag-alala sa akin. Kaya ko po ang sarili ko. Hayaan niyo po kapag hindi ko na po kaya ay titigil na ako sa pag ekstra. Pagtutuunan ko na lang po ng pansin nag pag-aaral ko. Pasensiya na po kayo kung pinag-aalala ko kayo. Nais ko lang naman pong maging isang artista para makatulong po ako sa inyo,” sambit ng anak. 

“Maraming salamat, anak, at iniisip mo kaming pamilya mo,” naiiyak na saad ng ina sabay yakap sa dalaga. 

Isang araw ay nakatanggap si Mabel ng tawag. Kinukuha na naman siyang isang talento para umekstra sa isang palabas sa telebisyon. Kahit na maliit ang bayad dito ay malugod itong tinanggap ng dalaga. Sayang din kasi ang kaniyang kikitain. Makakatulong na rin bahagya sa araw-araw nilang gastusin.

Advertisement

Saka hindi pa rin inaalis ng dalaga sa kaniyang isipan na baka mamaya ay doon siya madiskubre at tuluyan nang maging isang artista. Ngunit inabot na nang umaga ang dalaga sa kakaantay ng kaniyang eksena ay nalaman niyang hindi na pala ito isasali sa palabas.

“Pasensiya na hindi agad nasabi sa’yo. Hindi lang naman ikaw ang nag-iintay. Marami kayo. Naging abala kasi si direk, e. Hayaan mo babayaran ka pa rin naman kahit wala kang ginawa. Makakauwi ka na,” sambit ng isang babae kay Mabel. 

Tuluyan na ngang nawawalan ng pag-asa si Mabel na matupad ang kaniyang pangarap. Dahil nalulumbay sa nangyari ay minabuti niyang dumaan muna sa isang panaderya upang bilhan ng paboritong tinapay ang kaniyang ina.

Nang makita niya ang isang madungis na pulubi na nanghihingi ng pagkain ay agad niya itong binigyan. Ang hindi niya alam ay isang babae na nasa loob ng isang sasakyan na nakaparada malapit sa panaderya ang nakakita ng kaniyang magandang gawain.

“Kanina pa ako nakatingin sa pulubing iyan at marami nang tao ang dinadaan-daanan lamang siya. Napakabusilak ng iyong puso para bilhan mo siya ng sariling pagkain at maiinom,” sambit ng babae. 

“Wala po iyon. Galing din po ako sa hirap. Ginagawa ang lahat para mabuhay at makatulong sa pamilya. Alam ko po ang pakiramdam ng walang-wala,” tugon ni Mabel. 

“Hanga ako sa kagandahan ng loob mo. Ako nga pala si Kari. Isa akong ahente na naghahanap ng mga taong may talento as pagmomodelo o ‘di kaya sa pag-arte. Baka nais mong magmodelo o artista, matutulungan kita. Kailangan ng industriya ang mga kagaya mong may busilak na kalooban,” sambit pa ng babae.

Hindi akalain ni Mabel na dahil sa kabutihang ginawa ay magiging mitsa pa ito upang matupad ang kaniyang pangarap. Wala nang mas sasaya pa kay Mabel ng umagang iyon. Inilahad niya kay Kari ang lahat ng kaniyang pinagdaanan bilang ekstra sa mga palabas. Kaya nang mabigyan ng ganitong pagkakataon ay ibibigay niya ang lahat ng kaniyang makakaya. 

Advertisement

Matagal din na naging pa-ekstra-ekstra si Mabel. Naging modelo din siya. Nang mabigyan ng pagkakataon na makapag audition sa isang karakter sa isang palabas ay ibinigay niya ang lahat ng kaniyang galing. Hindi nga siya nagkamali at sa wakas ay nakuha niya ang papel.

Doon na nagsimula magningning ang bituin ni Mabel. Dahil sa kaniyang angking galing ay unti-unti siyang sumikat. Unti-unti na rin niyang nabigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya. Naipagawa niya ng mas malaking bahay ang kaniyang magulang at kapatid. Kahit na abala ay pinilit pa rin ng dalaga na makatapos ng pag-aaral.

Nang umangat na ang antas at kalidad ng kanilang pamumuhay ay hindi pa rin nagbago ang ugali ni Mabel. Kahit kailan ay hindi lumaki ang ulo nito. At kahit na madalas ay walang magandang nasabi sa kaniya ang tiyang si Huling ay hindi siya nagtanim ng sama ng loob dito dahil para sa kaniya ang mga pagsubok na ito at mga taong hindi naniniwala sa kaniya ang naging daan para lalo siyang magsumikap sa buhay at lalong abutin ang kaniyang mga pangarap.