
Hindi Maibigay ng Dalaga ang Kaniyang Pagkababae sa Nobyo Kaya Pinagpalit Siya Nito; Matinding Karma ang Nakuha Niya sa Pagtataksil
“Mahal mo ba talaga ako, Elise?” tanong ni Gio sa kaniyang kasintahan.
“Oo naman. Bakit mo ba tinatanong ‘yan?” sambit ng dalaga.
“Bakit hanggang ngayon ay hindi mo pa rin kayang ibigay sa akin ang iyong sarili? Mahal na mahal kita. Kakasabi mo lang na mahal mo ako, bakit hindi mo ito patunayan sa akin? Siguro ay may iba kang pinaglalaanan ng sarili mo,” saad ng binata.
“Bata pa tayo, Gio. Hindi pa nga tayo nakakatapos ng pag-aaral natin. Saka ayoko na may mangyari sa atin nang hindi pa tayo ikinakasal. Hayaan mong matupad muna natin ang mga pangarap natin. Kung tayo talaga, e, ‘di tayo talaga,” tugon ni Elise sa kasintahan.
Apat na taon nang magkasintahan ang dalawa. Naging magkamag-aral sa unang taon ng kanilang kolehiyo. Naging magkaibigan at unti-unting nahulog ang damdamin sa isa’t isa. Ilang taon na ring kinukulit ni Gio ang nobya na may mangyari na sa kanila. Ngunit mariin itong tinututulan ng dalaga.
Nangako kasi si Elise sa kaniyang mga magulang at sa sarili na kahit may nobyo na siya ay mas bibigyan pa rin niya ng prayoridad ang kaniyang pag-aaral. Ayaw niyang makagawa ng mga bagay na sa bandang huli ay pagsisisihan din niya. Nais sana niyang matupad muna ang kaniyang pangarap na maging isang arkitekto katulad ng kaniyang ama bago siya tuluyang lumagay sa tahimik.
Ngunit panay ang pangungulit sa kaniya ng kaniyang kasintahan.
“Sa tingin ko, hindi ka pa sigurado sa akin, Elise, kaya hindi mo magawang ibigay sa akin ang gusto ko,” sambit ni Gio.
“Una pa lang, Gio, alam mo na kung ano ang pinagtutuunan ko. Ito ay ang pag-aaral ko. Isang taon na lang naman at makakagraduate na tayo. Pagkatapos noon ay board exam tapos ay magiging ganap na tayong mga arkitekto. Bakit hindi mo pa mahintay?” pahayag ni Elise.
“Ang tagal-tagal ko na ngang naghihintay, Elise. Lahat nga ng kabarkada ko ay may nangyayari sa kanila ng mga nobya nila. Kinakantyawan na nila ako,” saad ng binata.
“Ganoon ba? Gusto mo lang mapatunayan pala ang pagkalalaki mo kaya mo ako kinukulit ng ganiyan. Gio, sana ikaw naman ang magpatunay ng pagmamahal sa akin. P’wede bang ‘wag mo na akong kulitin ulit tungkol sa bagay na ‘yan? Kailangan kong makatapos at ikaw rin. Para naman ito sa atin,” paliwanag ng nobya.
Naiinis si Gio sa kaniyang nobya ngunit hindi rin naman niya magawang makipaghiwalay. Kaya nang isang araw na magkayayaan ang kaniyang mga barkada na mag-inuman sa bar ay hindi na niya ito ipinaalam sa kasintahan.
Nagpakalango sa alak ang magbabarkada at nakipagkilala sa mga babae na naroon sa bar na tila walang mga karelasyon. Nang isang babae ang nagbigay ng motibo kay Gio ay agad niya itong sinunggaban.
Nagulat na lamang si Gio nang magising siya kinaumagahan sa isang motel katabi ang babaeng nakilala niya sa bar. Mula noon ay lihim na silang nagkikita at sa tuwing sila ay nagtatagpo ay dumideretso sila sa isang motel.
Ang akala ni Gio ay maitatago niya nang matagal ito kay Elise. Nang isang kaibigan ang nakakita kay Gio at sa babae na pumasok ng isang motel at isinumbong sa dalaga.
“Paano mong nagawa sa akin ito, Gio? Hindi ba hiniling ko sa’yo na maghintay ka lang? Hindi ka ba naniniwala sa pagmamahal ko?” umiiyak na sambit ni Elise sa kaniyang nobyo.
“Pagod na pagod na akong maghintay sa’yo. Ang arte-arte mo naman kasi, Elise! Ikaw ang may kasalanan kung bakit naghanap ako ng iba!” paninisi ng kasintahan.
“Mabuti pa ay maghiwalay na tayo. Tutal ay may iba ka na rin lang namang kinakatagpo at naibibigay niya sa iyo ang pangangailangan mo!” pahayag pa ng dalaga.
“Oo, kasi mas kaya niyang ibigay ang gusto ko. Mas kaya niyang ibigay ang pangangailan ko bilang isang lalaki. Hindi kagaya mo!” sumbat ni Gio sa nobya.
Tuluyan na ngang naghiwalay ang dalawa. Simula nang maghiwalay sila ng landas ng nobyo ay wala na siyang balita rito. Kahit na balot ng lungkot ang dalaga ay pilit siyang bumangon upang matupad ang kaniyang mga pangarap na maging isang arkitekto.
Isang araw ay nabalitaan lamang niya sa isang kaibigan ang tunay na kalagayan ng dating kasintahan.
“Hindi mo ba alam? Matagal nang nakikipaglaban sa isang malubhang sakit si Gio. Nahawa raw siya doon sa babaeng natagpuan niya sa bar. ‘Yung babaeng ipinalit sa’yo,” sambit ng kaibigan.
“Mabuti na lamang talaga at hindi ka pumayag kay Gio na may maganap sa inyo kung hindi ay baka nahawa ka na rin ng sakit na ‘yon,” dagdag pa ng lalaki.
Doon ay napatunayan ni Elise na kahit pala siya ay niloko ng dating kasintahan ay pumanig pa rin sa kaniya ang tadhana. Sa lahat pala ng sakit na naranasan ng damadamin ni Elise ay tama lamang dahil hindi dapat na makasama niya ang isang lalaking tulad ni Gio.
Samantala, nagsisisi rin si Gio sapagkat dahil sa isang maling desisyon ay matagal na panahon niya itong pinagdudusahan. Kung sana ay nakapaghintay lamang siya ay masaya sila ngayon ni Elise habang tupad na nila ang kanilang mga pangarap.