Minamaliit ng Isang Ginang ang Kaklase Niya na may Asawang Tindero ng Mami; Hindi Niya Alam na May Malaking Ibubunyag sa Kaniya ang Tadhana

Nahihiya man si Lorna ay pilit siyang gumayak para dumalo ng kanilang reunion na magkaklase. Isinuot niya ang bistidang ibinigay sa kaniya ng asawang si Miroy, Inipon niya ang pambili nito sa pagtitinda niya ng mami sa lansangan.

“Napakaganda mo, mahal. Pero bakit nakasimangot ka? Ayaw mo ba ng suot mo?” usisa ng asawa.

“Naku hindi, mahal. Gustung-gusto ko nga itong binili mo sa aking bistida. Hindi ka na dapat nag-abala pang bumili. Marami pa naman akong damit sa aparador,” saad ng ginang.

“S’yempre, gusto ko lalong lumabas ang kagandahan mo. H’wag mong kalimutan na magsaya. Matagal na panahon na rin na hindi kayo nagsama-sama ng mga kaibigan mo,” sambit pa ni Miroy.

Ngunit ang labis na ikinababahala ni Lorna ay ang matabil na bibig ng kaniyang dating kaklase at nakaalitan noon na si Milet. Nakapangasawa kasi ito ng isang seaman at maganda na ang buhay. Alam niyang magiging tampulan na naman siya ng tukso dahil sa buhay na kaniyang inabot.

Ngunit habang pinagmamasdan niya ang asawa ay nagbago ang panananaw ni Lorna.

“Bakit ko nga ba ikahihiya ang buhay na mayroon kami at ang asawa ko? Marangal naman ang kaniyang trabaho. Mahal niya ako at ang pamilya namin. Wala kaming tinatapakan na kahit sino kaya wala akong dapat ikahiya,” saad niya sa kaniyang sarili. 

Masayang at kinakabahan din na nagtungo si Lorna sa salu-salong iyon. Doon ay nakita niya ang mga dating kaklase na masaya rin siyang sinalubong. 

Advertisement

“Kumusta ka na, Lorna? Sabi ko na nga ba ay hindi mo kami bibiguin!” sambit ni Mercy, isa sa dati niyang kaklase. 

“Oo nga. Masaya ako at mabubuo tayong muli,” tugon ng ginang.

Maya-maya pa habang abala ang lahat sa pagkukwentuhan ay biglang dating ni Milet. Suot nito ang isang mamahaling damit at dala niya ang bag na may pangmayamang tatak. 

“Narito ka na pala, Milet,” sambit ni Mercy.

“Kumusta naman kayo? Pasensiya na at ngayon lamang ako nakarating dahil nahirapan kami na iparada ang sasakyan ko. Paano pala kayo nagpunta rito? Nahirapan din ba kayo sa parking?” sambit ng ginang. 

“Mabuti na lamang at wala akong dalang sasakyan. Wala akong iintindihin!” sagot ni Mercy dahil alam niyang nagyayabang lamang ang dating kaklase. 

“O, narito ka pala, Lorna? Kumusta ang negosyo niyong mamihan ng asawa mo? Nadaanan ko kayo minsan sakay ng bagong sasakyan ko sa may Rotonda. Ang dami niyo ring parokyano, ano? Ang hirap siguro na magtinda sa lansangan,” pahayag ng ginang. 

“Oo, marami na nga kaming suki. Sana ay dumaan ka sa kariton namin para nabigyan kita ng mami,” sagot ni Lorna.

Advertisement

“Ay, pasensiya ka na, pero hindi rin kasi ako kumakain ng basta-basta na tinitinda sa lansangan. Alam mo na, baka kasi sakitan ako ng tiyan,” saad ni Milet. 

Hindi na lamang nakaimik pa si Lorna dahil ayaw na niyang patulan ang dating kaklase.

“Ikaw kasi, Lorna. Ang dami-daming nagkakagusto sa iyo noon. Pakipot ka pa. Ayan tuloy sa isang nagtitinda lamang ng mami ang bagsak mo,” dagdag pa ng ginang.

“Tigilan mo na ‘yan, Milet. Pumunta ka lamang ata dito para hiyain si Lorna at ipamukha sa kaniya na nakapangasawa ka ng isang seaman at maganda na ang buhay mo. Hindi pa rin pala nagbabago ang magaspang mong ugali,” wika ni Mercy.

“Wala akong gusto ipamukha. Nagsasabi lamang ako ng totoo,” sambit pa ni Milet.

Pagkatapos ng reunion ay agad na umuwi ng bahay si Lorna. Nahalata ng kaniyang mister na may kakaiba sa kaniya dahil malumbay ang itsura nito.

“Ayos ka lang ba, mahal?” tanong ng asawa. “Kanina ka pa kasi walang imik. May nangyari bang ‘di maganda sa reunion?” tanong nito. 

“W-wala naman, mahal. Huwag mo akong alalahanin,” tugon ni Lorna.

Advertisement

“Mahal, may nais lamang akong itanong sa iyo. Gusto mo ba ang hanapbuhay mo? Kung papipiliin ka mas nais mo bang magtinda ng mami o mangibang bansa na lamang?” tanong ni Lorna sa asawa.

“Mas nais ko pa ring magtinda ng mami. Alam kong mas malaki ang kikitain ko kung magtatrabaho ako sa ibang bansa. Pero naisip ko kasi na maiksi lamang ang buhay. Nais ko kayo palaging kasama ng mga bata. Kaya pasensiya na kung minsan sakto lang tayo. Pero hindi naman tayo pinababayaan ng Panginoon. Hindi tayo nagkukulang,” sagot ni Miroy.

“Bakit? Nais mo ba sana na magkaasawa ng nagtatrabaho sa ibang bansa? Ayaw mo ba ng ginagawa ko?” pagtataka ng mister. 

“Hindi naman sa ganoon. Wala lang, natanong ko lang,” saad ni Lorna. 

“Hayaan mo, mahal. Hindi naman ako kuntento na itong kariton lang natin ang mayroon tayo sa paghahanap-buhay. Lagi kong sinasabi sa iyo na balang-araw ay makakahanap din tayo ng pwesto at makakapagtayo ako ng sarili nating restawran,” banggit ng ginoo. 

Dahil sa sinabi ng asawa ay naliwanagan na si Lorna. Mas nais din naman niyang makasama ang kaniyang asawa habang lumalaki ang kanilang mga anak.

Hindi binigo ni Miroy ang mga sinabi niya kay Lorna. Nagsumikap siya upang makaipon. Nabuno na niya ang perang kailangan sa pagsisimula sa isang maliit na pwesto ng kanilang mamihan. Dahil sa sarap ng kanilang mami ay mas dumami ang kanilang mga parokyano. Naging bali-balita rin ang ganda ng serbisyo at linis ng kanilang maliit na restawran. Dahil dito ay mabilis na napalago ng mag-asawa ang kanilang negosyo. 

Hindi nagtagal ay mas lumaki na ang kanilang mamihan at nagkaroon na rin sila ng pwesto sa iba’t ibang lugar. Naging maganda na ang takbo ng kanilang buhay at mas higit na naging masagana ang kanilang pamilya.

Advertisement

Isang araw ay hindi sinasadya na magtagpo muli ang landas ni Lorna at Milet sa tapat ng restawran.

“Pasensiya ka na, Lorna. Sa mga ganitong restawran lang ako kumakain ng mami. Pero pangako ko sa’yo isang araw ay susubukan ko talaga ang mami niyo,” pangungutya ni Milet. 

“Huwag ka nang mag-abala. Dahil iyang hawak mong mami ay luto ng asawa ko. Sa amin ang sikat na restawran na iyan,” wika ni Lorna.

Lubusan itong ikinagulat ni Milet. Hindi niya akalain na sa maiksing panahon na iyon ay ito na pala ang inabot ng dati niyang kaklase. Higit na mas mayaman na ito kaysa sa kaniya! Ngunit ang pinagkaiba lamang nila ay laging nakatuntong ang mga paa nito sa lupa. 

Naging tanyag ang restawran nila Lorna at Miroy. Kahit na mas naging matagumpay pa ang kanilang negosyo ay hindi kailanman nila nakalimutan kung saan sila nagsimula. Laking pasalamat ni Lorna sa kaniyang asawa para sa walang sawang pagsusumikap nito.