Inday TrendingInday Trending
Kinagalitan Niya ang Kaniyang Nanay na Kung Ano-ano ang Binibili Online; Natameme Siya nang Malaman Kung Para Kanino ang mga Iyon

Kinagalitan Niya ang Kaniyang Nanay na Kung Ano-ano ang Binibili Online; Natameme Siya nang Malaman Kung Para Kanino ang mga Iyon

Tahimik na naghahapunan ang mag-inang Cynthia at Kyla.

“Anak, lumabas naman tayo sa day off mo, nakakabagot dito sa bahay.” Maya-maya ay untag ni Cynthia sa anak.

“Madami akong ginagawa sa opisina, ‘ma, lalo na’t bagong promote lang ako,” sagot ni Maymay sa anak.

“Ano bang gusto mong gawin, ‘ma?” usisa niya sa ina.

“Gusto ko lang mamili, ‘nak.” simpleng sagot ni Cynthia.

Palihim na napaismid si Maymay sa sinabi ng ina. Hindi kasi mahilig gumastos si Maymay. Alam niya kung gaano kahirap kumita ng pera kaya ganun na lamang ang kaniyang pagka-kuripot kahit marami siyang bagay na gustong bilhin para sa kaniyang sarili.

Ayaw niya naman sabihan ang ina dahil ayaw niyang magtampo ito. Simula kasi nang ma-promote siya sa trabaho ay halos hindi niya na nakakausap ito.

“Pwede ka naman lumabas nang ikaw lang, ‘ma,” suhestiyon niya sa ina.

“Ayokong lumabas nang mag-isa, anak. Mababagot lang ako,” malungkot na wika ng kaniyang ina.

Napabuntong-hininga si Maymay. Alam niyang wala itong mapagkaabalahan sa kanilang bahay lalo na’t matanda na ito.

Maya-maya ay isang ideya ang kumislap sa kaniyang isipan.

Tuwang-tuwa si Cynthia. Hindi niya akalain na maaari palang makapag-shopping online. Tinuruan siya ng kaniyang anak kung papaano mamili ng mga bagay na gusto niyang bilhin gamit lamang ang kaniyang cellphone.

Aliw na aliw siyang mamili ng kung ano ano. Karamihan kasi ng nakikita niya ay halos ka-presyo lang ng nasa mall, mayroon pa ngang iba na mas mura.

“Kumusta ‘ma? Anong pinagkaabalahan mo ngayong araw?” Habang naghahapunan ay inusisa ni Maymay ang ina.

“Wala naman anak, maliban sa online shopping. Nakakaaliw kasi,” aliw na aliw na wika ni Cynthia sa anak.

Kumunot ang noo ni Maymay sa sinabi ng ina. “Ano ano namang binibili mo, ‘ma?”

“Wala naman, anak, sikreto.” May misteryo sa malapad na ngiti ng kaniyang ina.

Bahagyang nainis si Maymay sa sagot nito. Umaasa siya na alam ng ina kung paano tipirin ang pera na araw-araw niyang pinaghihirapan.

Hindi na lamang siya nagsalita ang pasimpleng iniba ang usapan. Ayaw niya namang magkatampuhan sila ng kaniyang ina nang dahil sa pera.

Isa pa, wala siya sa posisyon upang magdamdam sa ina. Nakita niya ang paghihirap nito na itaguyod siya mag-isa. Kaya naman gusto niyang bigyan din ito ng magandang buhay sa abot ng kaniyang makakaya.

Pagod na pagod si Maymay ng araw na iyon. Sinigaw-sigawan kasi siya ng kaniyang boss dahil sa pagkakamali na nagawa niya. Dahil bilang promote, hindi niya pa gaanong gamay ang kaniyang trabaho.

Ngunit mas lalong kumulo ang kaniyang dugo nang mamataan ang sandamakmak na shopping bags sa kanilang sala. Nahinuha niya na iyon ang mga pinagbibili ng kaniyang ina online.

Tila yata sumobra ito?

“Mama!” Malakas at iritadong wika niya sa ina.

Humahangos naman na nagpakita ang kaniyang ina.

“Anak, nandiyan ka na pala!” Masaya at excited na bungad ng kaniyang ina.

Nilapitan nito ang mga pinamili. Hindi magkandaugaga ang ina sa dami ng pinamili, tila hindi nito alam ang uunahin.

Tuluyan nang nagpatalo sa init ng ulo ang pagod na pagod na si Maymay. Nagagalit siya sa ina dahil tila hindi nito alam kung gaano siya naghihirap sa trabaho para lang kumita ng pera na pangtustos sa kanilang mag-ina.

“Ma, ang dami mo naman yatang binili?” mataas ang boses na wika ni Maymay sa ina.

Napahinto si Cynthia sa pangangalkal ng mga pinamiling nais niya sanang ipakita sa anak nang marinig ang tila iritasyon sa boses ng anak.

“Anak, may problema ba?” Nag-aalalang tanong ni Cynthia dito.

“‘Ma, sa hirap kumita ng pera, gusto ko lang po na hindi tayo masyadong gumastos…” mahinahong paliwanag ni Maymay sa ina,

Napangiti si Cynthia sa sinabi ng anak. Manang-mana talaga ito sa kaniya na napakamatipid.

“Anak, ikaw ang kumikita ng pera sa atin kaya gusto ko na pagkagastusan mo rin ang sarili mo. Kahit hindi mo na ako alalahanin,” sermon niya sa anak.

Naguguluhang napatitig si Maymay sa ina, hindi niya maunawaan ang sinasabi nito.

Nagkaroon lamang ng linaw ang lahat nang isa isang tumambad sa kaniya ang mga pinamili ng kaniyang ina.

May sapatos, damit, bag, wallet, mga kolorete, at kung ano-ano pa.

Hindi mahilig ang kaniyang ina sa mga ganitong bagay kaya naman mayroon siyang napagtanto.

Para sa kaniya pala ang mga bagay na ibinili ng kaniyang ina! Ni isa ay wala itong ibinili para sa sarili nito.

Napalingon siya sa ina, nakita niya ang malapad nitong ngiti.

“Alam kong hindi mo gagastusan ang sarili mo kaya naman inipon ko ang mga ibinigay mo sa akin, at ibinili kita ng mga bagay na alam kong gustong-gusto mo,” paliwanag ng kaniyang ina.

“Kahit hindi ka nagkukwento ay alam kong stressed ka sa trabaho. Isipin mo na lang na regalo mo ang mga ito para sa sarili mo,” dagdag pa ng kaniyang ina.

Tila naman may sumampal kay Maymay. Hiyang-hiya siya sa ina.

Mahigpit niyang niyakap ang ina tanda ng pasasalamat.

“Sorry, mama. Naging madamot ako, samantalang wala ka nang ibang inisip kundi ako,” nangingilid ang luha na hinging tawad ni Maymay sa ina.

“Gusto ko lang na maging masaya ka, anak,” madamdaming sagot ni Cynthia sa anak.

Tahimik na patuloy na lumuha si Maymay. Tunay nga na wala nang hihigit pa sa pag-ibig ng isang ina.

Simula ng araw na iyon, tinupad ni Maymay ang kagustuhan ng kaniyang ina na maging mas mapagbigay sa kaniyang sarili. Ngunit hindi niya rin kinalimutan ang kaniyang pangako niya sa sarili – na ibibigay niya ang lahat para sa ina sa abot ng kaniyang makakaya upang matumbasan ang pagmamahal at sakripisyo nito sa kaniya.

Advertisement