
Walang Gadget Para sa Online Class ang Anak ng Isang Lalaki, Ano Kaya ang Nagsalba sa Nanganganib Nitong Pag-aaral?
“Papa, malapit na po mag-umpisa ang online class namin, hanggang ngayon po wala pa po akong magagamit na laptop o kahit cellphone man lang,” daing ng dalagang si Steph sa kaniyang ama, isang araw matapos niyang makita ang petsa sa kanilang kalendaryo.
“Pasensiya ka na, anak, ha? Gagawan ng paraan ni papa, pangako,” sagot ni Mang Rey sa anak, itinaas niya pa ang kanang kamay bilang tanda ng pangangako.
“Eh, papa, sinabi mo na rin ‘yan noong isang linggo, eh,” nguso nito dahilan upang siya’y mapakamot ng ulo.
“Pasensiya na talaga, anak, alam mo namang simula pa noong isang buwan, wala akong pasada. Huwag kang mag-alala, mabibilhan kita kahit cellphone muna, makapag-aral ka lang,” paliwanag niya sa anak saka ito tinapik-tapik sa likuran dahilan upang bahagya itong mapangiti.
“Sabi mo ‘yan, papa, ha? Salamat po!” masayang tugon ng dalaga, napangiti na lang siya kahit hindi niya pa alam kung paano matutupad ang pangakong iyon.
Sa hirap ng buhay na dinaranas ni Mang Rey bilang isang pedicab driver at ang tanging nagtataguyod sa kaniyang nag-iisang anak, kung minsa’y nais niya na lamang sumuko sa buhay.
Bata pa lang ang kaniyang anak niya nang madiskubre niyang nangaliwa ang kaniyang asawa sa isang mayamang doktor sa kanilang lugar. Doon pa lang, para bang tinapakan na ang kaniyang buong pagkatao dahil kahit ni singko noong araw na ‘yon, wala siyang maibigay sa asawang maluho dahilan upang ipamukha sa kaniya nito ang yaman ng matagal na pala nitong karelasyon.
Tila nadurog ang mundo niya noong mga araw na ‘yon ngunit para sa nag-iisang anak na babae, nagpakatatag siya’t muling bumangon sa buhay. Wala man siyang permanenteng trabahong makuha, pilit niyang iginagapang ang pag-aaral ng kaniyang anak sa pagpapasada dahil paniniwala niya, ito na lang ang makakapag-angat sa kaniya sa malalim na hukay ng kaniyang buhay.
Ngunit mas lalo pa siyang nahirapan sumabay sa agos ng buhay nang dumating ang naturang virus na talaga nga namang nakapinsala sa trabaho niya bilang isang pedicab driver. Halos ilang buwan na siyang walang trabaho at ang kakarampot na ipon niya para sana sa tuition ng kaniyang anak sa darating na pasukan, kaniya nang nagastos pambili ng pang-araw-araw nilang pagkain.
Kaya ganoon na lang siya nag-aalala para sa kinabukasan ng kaniyang anak. Bukod kasi sa kailangan niya pang bayaran ang tuition nito, kailangan pa nito ng gadget at load na magagamit para sa bagong pamamaraan nang pag-aaral. Tinagurian itong online class na talaga nga namang kaniyang pinoproblema.
Noong araw na ‘yon, nagkalkal siya ng iba’t ibang gamit sa kanilang bahay. Balak niyang ibenta ang mga gamit na hindi niya naman masyadong nagagamit para may pangbili nang kailangan ng anak.
Ngunit habang abala siya sa pagkakalkal, naagaw ng isang banga ang kaniyang atensyon.
“Teka, iyon ang ba ang pamana ng nanay ko, ha?” sambit niya saka agad na binuhat ang naturang banga, “Bakit ba napakabigat nito? Kaya hindi ko ito inaalis sa pwesto, eh,” dagdag niya pa, ngunit nang ibababa na niya sana ito sa lapag, bigla siyang nasanggi ng kaniyang anak dahilan upang mabitawan niya ito’t mabasag. Laking gulat nilang mag-ama nang bumulaga sa kanila ang sandamakmak na sampung-pisong barya.
Nang mabilang-bilang nila ito, umabot ito ng labindalawang libong piso. Mangiyakngiyak niyang niyakap ang anak saka sinabing, “May pangbili ka na ng cellphone, anak,” na labis namang ikinatuwa nito. Labis labis ang pasasalamat nilang mag-ama sa pamanang regalo ng kaniyang sumakabilang-buhay na ina.
Ginamit niya nga ang pera upang makabili ng cellphone ng anak. Habang ang natirang pera naman, ipinangpuhunan niya sa napagdesisyunang negosyo. Nagtayo siya ng maliit na pwesto sa harapan ng kanilang barong-barong at doon siya nagbenta ng mga lutong ulam na talaga nga namang pumatok sa kanilang lugar dahilan upang patuloy na lumago ang kaniyang pera.
Matagumpay na napagpatuloy ng kaniyang anak ang pag-aaral kasabay nang patuloy niyang pagsusumikap upang maigapang ang anak.
Doon niya napagtantong sa buhay, kung hindi ka kikilos para umangat, hindi mo matatagpuan ang oportunidad na matagal nang naghihintay sa’yo. Ito ang itinatak niya sa kaniyang isipan upang mas lalong magpursigi sa buhay.
Wala man siyang malaking ipon sa ngayon, ang importante para sa kaniya, patuloy niyang napapag-aral ang nag-iisa niyang pag-asa.