Inday TrendingInday Trending
Pinag-aral ng Mayamang Ginoo ang Anak ng Magsasakang Nagligtas sa Buhay ng Kaniyang Anak; Makalipas ang Ilang Taon ay May Ganti ang Batang Ito sa Mayamang Pamilya

Pinag-aral ng Mayamang Ginoo ang Anak ng Magsasakang Nagligtas sa Buhay ng Kaniyang Anak; Makalipas ang Ilang Taon ay May Ganti ang Batang Ito sa Mayamang Pamilya

“Tulong! Tulungan niyo po ako! Parang awa niyo na po! Tulong!” walang tigil sa kakasigaw ang batang lalaki.

Mabuti na lamang ay naggagapas ng palay ang magsasakang si Mang Artemio at nang marinig niya ang tinig ng bata ay agad niya itong hinanap.

“Kumapit ka nang mabuti, bata. H’wag kang bibitaw!” sambit ng ginoo sa bata na malapit nang mahulog sa bangin.

Pinilit kuhain ni Mang Artemio ang kamay nito at hilahin pataas. Mabuti na lamang ay agad na kumilos ang ginoo. Walang humpay naman sa pag-iyak ang bata na napayakap na lamang sa matanda.

“I-ikaw ang anak ng may ari ng hasyendang ito, hindi ba? Anong ginagawa mo sa lugar na ito? Delikado ang lugar na ito para sa’yo!” pag-aalala ni Mang Artemio.

“Tumahan ka na. Ayos ka na, iho. Tara na at ihahatid na kita sa mansyon,” saad pa ng ginoo.

Binuhat ni Mang Artemio ang bata at inihatid na lamang sa tapat ng kanilang mansiyon. Wala kasing balak ang matanda na ipaalam pa sa mga amo ang nangyari dahil ayaw na rin niyang mapagalitan ang bata. Ngunit ang bata na mismo ang nagsabi sa mga ito. Nang malaman ng mga magulang ng bata ang nangyari ay agad nilang pinuntahan si Mang Artemio sa sakahan upang bigyan ng pabuya.

“Magiting ang ginawa mo. Kung hindi mo nailigtas ang anak namin ay hindi na sana namin siya kasama ngayon. Tanggapin mo ang pera na ito bilang kabayaran namin sa iyong kabutihan,” saad ni Don Ramon, ang may-ari ng hasiyenda.

“Hindi ko po ipinagbibili ang ginawa ko. Sapat na po sa akin ang pasasalamat niyo, amo,” tugon ni Mang Artemio.

“Tanggapin mo na ito. Malaki ang maitutulong nito para sa inyo ng pamilya mo,” giit ng don.

Ngunit pilit itong tinatanggihan ni Mang Artemio.

“Hindi ba may anak ka, Artemio? Kung ayaw mong tanggapin ang perang ito ay gusto ko na ibalik sa’yo ang kabutihan mo sa iyong anak. Pag-aaralin ko siya hanggang siya ay makatapos ng kolehiyo. Ako ang bahala sa kaniya,” pilit ni Don Ramon.

Nag-iba ang ihip ng hangin. Napaisip ng matagal ang ginoo. Naisip niya kasi ang pangungulit sa kaniya ng kaniyang anak upang ito ay makapag-aral. Ngunit dahil salat sa buhay ay hindi niya ito maibigay sa anak.

“Sige na, Artemio. Pumayag ka na. Hindi p’wedeng hindi ko palitan ang kabutihang ginawa mo sa anak ko,” saad muli ng amo.

Sa puntong iyon ay napapayag na ni Don Ramon si Mang Artemio. Alam niyang sa pagkakataong ito ay magiging maligaya ang kaniyang anak sapagkat makapag-aaral na ito. At sa wakas ay mag-iiba ang buhay ng batang si Junjun.

Sinagot ni Don Ramon ang lahat ng gastusin sa pag-aaral ng anak ni Mang Artemio. Dahil mula noon ay ito na ang pangarap ng bata ay lubusan niyang ginalingan sa klase.

“‘Tay, kapag nakatapos na po ako sa pag-aaral ay hindi ninyo na po kailangan pang magsaka. Ako na po ang bahala sa atin,” wika ni Junjun sa ama.

“H’wag mo na akong intindihin, anak. Matanda na ako. Ang isipin mo ay kung paano ka makakawala sa kahirapan na ito. Gusto ko ay matupad mo ang mga pangarap mo. saka galingan mo ang pag-aaral mo. Ipakita mo kay Don Ramon na karapat-dapat ka sa binigay niyang tulong sa’yo,” pahayag ni Mang Artemio.

“Opo, ‘tay. Hindi ko po hahayaan na mawala sa akin ang oportunidad na ito. Maraming salamat po, ‘tay. Kasi kung hindi dahil sa kabutihang ginawa niyo sa anak niya ay hindi ito mangyayari sa akin,” tugon ng anak.

“‘Tay, gusto ko pong malaman kung bakit hindi niyo po tinanggap ang perang ibinibigay sa inyo ni Don Ramon?” dagdag na tanong ni Junjun.

“Ginawa ko lang ang alam kong tama, anak. Ang kabutihan ay ibinibigay ng walang kapalit,” sambit ni Mang Artemio.

“Ngunit nang sabihin niya sa aking pag-aaralin ka niya ay hindi na ako nakatanggi pa. Hindi kasi ito para sa akin. Ang kinabukasan mo kasi ang kaagad kong naisip. Mawala man ako sa mundong ito ay alam kong magiging maayos ang kalagayan mo dahil may pinag-aralan ka,” pahayag pa ng ama.

Hindi nagtagal ay nakapatos nang pag-aaral si Junjun. Lubusan ang kaniyang pasasalamat sa mga amo ng kaniyang ama. Sa wakas ay makakaalis na sila sa hasiyenda at maibibigay na rin niya sa ama ang buhay na pinakaaasam-asam niya.

Ngunit makalipas ang tatlong taon na paglisan ng mag-ama sa hasiyenda ay inatake sa puso si Don Ramon. Mabuti na lamang ay agad itong nadala sa ospital.

Nang dumilat ang mga mata ni Don Ramon ay lubos ang kaniyang pasasalamat sa Lumikha pati na rin sa doktor na gumamot sa kaniya.

“Maraming salamat, dok. Maraming salamat at hanggang ngayon ay humihinga pa ako. Makakasama ko pa ang pamilya ko nang matagal,” sambit ng matandang don.

“Ako po ang dapat magpasalamat sa inyo, Don Ramon. Kung wala po kayo ay wala po ako sa kinalalagyan ko,” sambit ng doktor.

Nang tanggalin nito ang kaniyang mask ay nagulat na lamang si Don Ramon nang makita si Junjun.

“Marahil ay dahil na rin sa kabutihan ng inyong puso kaya binigyan pa po kayo ng isa pang buhay. Para nang sa gayon ay marami pa pong kagaya ko — namin ng tatay ko, ang inyong matulungan. Malugod ko pong ibinabalik sa inyo ang kabutihang nagawa ninyo sa amin. Maraming maraming salamat po, Don Ramon,” wika ni Dok Junjun.

Hindi makapaniwala si Don Ramon na ang doktor na gumamot sa kaniya ay ang mismong pinag-aral niya. Tunay kung busilak ang kabutihan na ibinigay mo sa kapwa ay ibabalik din ito sa iyo ng higit pa.

Advertisement