Inday TrendingInday Trending
Binasted ng Dalaga ang Gurong Nagkakagusto sa Kaniya Dahilan Para Pag-Initan Siya Nito; Makalipas ang Ilang Taon ay Magku-Krus Pala Muli ang Kanilang Landas

Binasted ng Dalaga ang Gurong Nagkakagusto sa Kaniya Dahilan Para Pag-Initan Siya Nito; Makalipas ang Ilang Taon ay Magku-Krus Pala Muli ang Kanilang Landas

“Bes, parang iba ang tingin sa’yo ni Sir Rey. Alam mo hindi lang ako ang nakakapansin nito. Pati ibang kaklase natin. Ang sa tingin nga nila ay paborito ka ni sir,” wika ni Alice, matalik na kaibigan ni Donna.

“Naku, hindi ba sinabi na niya ‘yan noong isang araw. Natutuwa lang daw siya sa akin dahil palagi akong nakakasagot sa klase niya. H’wag niyo ngang bigyan ng kulay ang trato sa akin ni sir,” tugon ng dalaga.

“Iba talaga, bes. Sinasabi ko talaga sa’yo na iba ang nararamdaman ko sa mga kinikilos niya kapag nariyan ka,” giit ni Alice.

Umismid lamang si Donna.

“Bakit, bes? Gwapo naman si Sir Rey. Sa totoo nga niyan ay maraming kaklase natin ang nagseselos at naiinggit sa’yo dahil may gusto sila kay sir,” dagdag pa nito.

“Naririnig mo ba ang sarili mo, Alice? Hindi tama ang mag-isip ka nang ganyan. Saka wala pa sa isip ko ang mga bagay na ‘yan. Isang sem na lang ay matatapos na tayo. Doon ko nais ituon ang sarili ko,” wika ni Donna sa kaibigan.

“Ito naman laging siryoso pagdating sa pag-aaral. Kaya walang lalaking gustong manligaw sa’yo napakasubsob mo sa pag-aaral,” kantiyaw ni Alice.

Nasa huling taon na ng kolehiyo ang magkaibigang Donna at Alice. Mula noon ay sinikap ni Donna na hindi mawala sa mga estudyanteng nangunguna sa klase. Ito ay bilang ganti sa mga paghihirap ng mga magulang niyang nagtitinda lamang sa bangketa at ginagawa ang lahat upang siya ay makapag-aral.

Kailan man ay hindi nagbulakbol ang dalagal. Kahit na marami ang nanliligaw sa kaniya, ni isa ay wala siyang pinaunlakan dahil ang nais lamang niya sa kaniyang buhay ay makapagtapos ng pag-aaral at makapagtrabaho sa bangko.

Kaya ganoon na lamang ang inis niya nang itinutukso sa kaniya ng kaniyang matalik na kaibigan ang binatang guro nila sa isang asignatura. Higit sa lahat, ayaw din niyang masangkot sa ganitong eskandalo lalo pang malapit na siyang magtapos.

Ngunit hindi nagkamali si Alice sa kaniyang hinala.

“Bakit may bulaklak sa upuan ko?” pagtataka ni Donna nang makita ang isang kumpol ng bulaklak na nakapatong sa kaniyang mesa sa silid-aralan.

“Tignan mo, bes, kung kanino galing!” kinikilig na wika ni Alice.

Dahan-dahang tiningnan ni Donna ang kard na kalakip ng bulaklak. Nagulat na lamang siya nang mabasa ang pangalan ng kanilang guro.

“Naku, walang pangalan na nakalagay,” pagtatakip ng dalaga. Sabay tago ng kard.

“Sa tingin ko ay ‘yan ‘yung makulit na nanliligaw sa iyo na taga ibang kurso,” sambit ni Alice.

“Siguro nga,” nagugulumihanang tugon ni Donna.

Hindi niya masabi sa kaniyang matalik na kaibigan ang totoo sapagkat ayaw niyang mabigyan pa ng kulay ito. Wala rin naman siyang balak na sagutin ang guro.

Ngunit patuloy ang pagpapadala ng bulaklak kay Donna. Paminsan-minsa’y mga tsokolate at cakes. Pinapakain na lamang ito ni Donna sa kaniyang mga kaklase.

Nang isang araw ay natiyempuhan siya ni Rey sa hardin ng eskwelahan at siya ay kinausap.

“Gusto kita, Donna. Gustong-gusto kita. H’wag mo naman sanang baliwalain ang nararamdaman ko sa’yo,” walang kaabog-abog na pag-amin ng guro.

“Sir, hindi po tama ito. Hindi po tama na nililigawan niyo ang isang tulad ko na estudyante niyo,” tugon ng dalaga.

“Magtatapos ka na naman ng pag-aaral, ‘di ba? Maghihintay ako,” giit ni Sir Rey.

“Mawalang galang na po sa inyo, sir. Ngunit hindi ko po matutumbasan ang pagtingin niyo. Wala pa po sa isip ko ang mga bagay na iyan. Siguro po ay ibaling niyo na lang sa iba ang nararamdaman niyo. Pasensiya na po pero aalis na po ako,” wika ni Donna sa guro sabay alis nito.

Dahil sa ginawang pagtanggi ng dalaga ay lubusang nasaktan ang binatang guro. Sa kanilang klase ay halatang nagbago ang pagtrato nito kay Donna. Madalas niya itong pag-initan at ipahiya. Minsan ay minamali nito ang mga sagot ng dalaga kahit tama naman ito.

Nang makita ng dalaga na mababa ang grado na ibinigay ng guro sa kaniya ay lubusan niya itong ikinalungkot. Sayang kasi ang puntos. Dapat ay pasok siya sa mga magtatapos ng may karangalan.

“Sir, ‘wag niyo naman po akong personalin. Alam niyo na ginawa ko ang lahat para makapasa sa aralin niyo. Mataas ang nakuha kong mga resulta sa pagsusulit. Ngunit bakit ganito lamang po ang grado ko?” sambit ni Donna.

“Kinukwestiyon mo ba ang paraan ko sa pagtuturo at paggrado? Hindi mo ata ginagalang ang pagka-guro ko. Baka gusto mong babaan ko pa iyan at tuluyan kang hindi maka-graduate. P’wede kitang baligtarin sa pamunuan, tandaan mo ‘yan,” pananakot ng guro.

Gusto mang lumaban ni Donna ay wala na siyang magawa. Natatakot siya na baka hindi pa siya makapagtapos kung lalabanan niya ang guro. Lubusan ang kaniyang galit dito ngunit ipinagpasa-Diyos na lamang niya ang lahat.

Sa wakas ay dumating na ang araw ng kaniyang pagtatapos. Masayang inabot ni Donna sa kaniyang mga magulang ang kaniyang diploma.

“Pasensiya na po kayo, ‘nay at ‘tay, kung ito lang pong diploma ang iaabot ko sa inyo. Hindi ko po nakuha ang medalya na ipinangako ko sa inyo,” saad ng dalaga sa mga magulang.

“Anak, kahit na wala ang medalya na gusto mo ay sapat na itong diploma mo para sa amin ng tatay mo. Alam namin kung gaano mo ito pinaghirapan. Ngayon ay hindi na kami mangangamba ng tatay mo para sa kinabukasan mo dahil alam naming may baon ka na para harapin ang bukas,” wika ng ina ni Donna.

Napaiyak na lamang ang dalaga at niyakap nang mahigpit ang kaniyang mga magulang bilang pasasalamat sa mga ginawa nito.

Dahil sa mataas na grado ay hindi nahirapan si Donna na makahanap ng trabaho sa bangko kung saan niya nais noon pa man. Sa angking galing ay mabilis umangat ang kaniyang posisyon at sa loob lamang ng pitong taon ay naging manager na siya ng bangko.

Isang araw ay may kaguluhang nangyayari sa loob ng bangkong pinagtatrabahuhan ni Donna. Dahil sa ingay na nangyayari ay lumabas siya ng kaniyang opisina.

“Parang awa niyo na! Bigyan niyo pa ako ng palugit! Kahit ilang buwan lang. H’wag niyo namang kunin sa akin ang bahay ko. Iyan na lang ang mayroon ako!” sambit ng nagwawalang lalaki.

“Pero, ginoo, wala na po kaming magagawa ilang buwang palugit na po ang naibigay sa inyo. Ito na po ang huling palugit na ibinigay sa inyo ng bangko. Wala na po ito sa aming mga kamay,” saad ng babae sa bangko.

“Anong nangyayari dito?” tanong ni Donna.

“Ito pong ginoo, Ma’am Donna. Kanina pa po siya nagpupumilit na huwag kuhain ng bangko ang bahay niya. Ngunit ilang buwan na kasi ang binigay sa kaniyang palugit para magbayad. Ang mga nasa itaas na po ang nagdesisyon na kuhain ang bahay niya,” pahayag ng babae.

Nagulat si Donna nang makita niya ang lalaking nagmamakaawa. Walang iba kung hindi ang dating gurong nagkagusto sa kaniya at ang dahilan kung bakit hindi siya nakapagtapos nang may medalya.

Nagulat din si Rey nang makita kung sino na ang kaniyang kaharap. Hindi niya akalaing babaligtad ang mundo. Ngayon siya na ang nanghihingi ng tulong at nagmamakaawa sa dating estudyanteng ginawan niya ng masama.

“Pasensiya na, sir. Pero wala na po kaming magagawa pa riyan. Hindi na po namin hawak ang bagay na ‘yan,” ito na lamang ang naging tugon ng dalaga.

Napag-alaman ni Donna na napatalsik sa eskwelahan ang guro dahil sa mga maling ginagawa nito sa mga estudyante. Nalulong ito sa sugal nang wala nang kahit sinong tumanggap para sa kaniya para magtrabaho.

Naghirap ang buhay nito at nawalan ng ari-arian. At ang bahay nga na huli niyang pag-aari ay kukuhain pa sa kaniya ng bangko.

Hindi alam ni Donna ang kaniyang mararamdaman sa karmang natamo ng dating guro. Mabuti na lamang ay hindi na niya ininda nang matagal ang nangyari sa kaniya noong kolehiyo siya at pinatunayan na lamang niya ang sarili kaya narating niya ang kinaroroonan niyang magandang buhay ngayon.

Advertisement