
Masama ang Trato ng Isang Lalaki sa Pamangkin na may Kapansanan; Makalipas ang Ilang Taon ay Mararanasan Niya ang Ganitong Bagay
“Putol, tara nga dito at ibili mo ako ng yosi sa tindahan. Bilis!” utos ni Ruben sa kaniyang pamangking si Cedrick na kasalukuyang naglalaro mag-isa.
Agad nitong itinigil ang paglalaro. Ngunit dahil putol ang isang binti nito ay nahihirapan siyang kumilos ng mabilis.
“Ano ba?! Napakabagal mo naman! Bilis-bilisan mo at gusto ko nang manigarilyo!” sigaw nito sa pamangkin.
Kahit hirap ay pinipilit ng bata na makakilos nang mabilis patungo sa kaniyang tiyuhin. Nang makita ni Edna, ina ng bata at nakababatang kapatid ni Ruben, na nahihirapan ang anak at mangiyak-ngiyak na sa takot ay agad niya itong nilapitan at niyakap.
“Ano ba, kuya? Bakit hindi ikaw ang bumili? Nakita mo na ngang hirap na hirap na ‘tong anak ko dahil sa kalagayan niya, uutusan mo pa?” galit na sambit ni Edna.
“Para naman may pakinabang ‘yan at hindi puro laro ang inaatupag. Bakit kasi hindi mo na lang ibigay sa tatay niya ‘yan nang mawalan na tayo ng alagain dito,” wika ni Ruben.
“Hayaan mo, kuya, kapag naging permanente ako sa trabaho ko ay aalis na kami dito. Mas mainam pa nga na ipagkatiwala ko sa iba ang anak ko kaysa sa iyo,” inis na tugon ng ginang.
Hiwalay sa asawa at pilit itinataguyod ni Edna ang nag-iisang anak na si Cedrick. Nakipaghiwalay ito sa kaniyang mister dahil sa walang habas na pambababae nito. Dahil walang mapupuntahan ay pansamantalang nakitira ito sa kaniyang Kuya Ruben.
Ngunit hindi naging maganda ang pagtrato nito sa kaniyang anak. Sa tuwing umaalis si Edna upang pumasok sa pabrika na kaniyang pinagtatrabahuhan ay nasa anak pa rin ang kaniyang isip dahil alam niyang hindi ito tinatrato ng kapatid ng maayos.
My kapansanan kasi ang anak niyang si Cedrick. Bata pa lamang ito ay kinailangan nang putulin ang kaliwang binti nito dahil sa matinding karamdaman na maaaring kum*til sa kaniyang buhay. Dahil sa kalagayan naging hindi madali para sa bata na makihalubilo sa iba. Lalo pa at palagi itong tampulan ng tukso.
“H’wag mo na lang pansinin ang tito mo, anak. Hayaan mo kapag nagkapera ay aalis na tayo rito. Pasensiya ka na at wala pa kasi tayong sapat na pera para makabukod,” sambit ni Edna sa anak.
“Ayos lang po, ‘nay, sanay naman na po ako sa kaniya,” tugon ni Cedrick habang pinipigil ang kaniyang luha.
“Hayaan mo, anak. Gagawa ako ng paraan para magkaroon ka muli ng mga binti at paa. Para nang sa gayon ay mas mabilis ka nang makalakad,” wika pa ni Edna kay Cedrick.
Kinabukasan ay maagang nagtungo sa trabaho ang ginang at muling naiwan ang bata sa kaniyang tiyuhin.
“Putol, tingnan mo ang mga batang nasa labas masaya silang naglalaro. Sige nga, subukan mong tumalon!” utos ni Ruben sa pamangkin.
“H-hndi ko po kaya, tiyo,” takot na sagot ni Cedrick.
“Sige na subukan mong gawin! Gawin mo na! Ngayon na! Ipakita mo sa akin!” giit ni Ruben.
Dahil sa takot ay napilitan ang bata na tumalon at napasalampak na lang ito sa sahig.
“Putol na lampa pa!” panunusko ni Ruben.
“Paglaki mo kaya anong magiging silbi mo kung hindi ka makalakad nang maayos? Hay, kung ako talaga sa nanay mo ay ibibigay na lang kita sa tatay mo,” saad muli ng tiyuhin.
“Umalis ka na nga sa harapan ko at naalibadbaran ako sa tuwing nakikita kita. Dapat na nakakatulong ka dito sa bahay, pabigat ka pa, e!” dagdag pa nito.
Hindi na naiwasan pa ni Cedrick na umiyak. Naisip niya kaagad ang kaniyang ina. Naisip niya na baka pagdating ng araw ay maging pasanin lamang siya nito.
Kahit na alam ni Ruben na nasasaktan niya ang bata ay wala pa rin itong tigil sa pangungutya sa pamangkin. Madalas niya itong ipahiya sa ibang tao lalo na sa kaniyang mga kumpare.
Isang gabi ay nadatnan ni Edna ang anak na halos pagbuhatan ng kamay ni Ruben ang pamangkin dahil lamang nabasag nito ang mga bote ng alak na inutos niyang bilhin sa tindahan.
“Kuya, tama na ‘yan! H’wag mong saktan ang anak ko!” napatakbo na lamang si Edna patungo sa anak.
“Walang silbi ‘yang anak mo. Ayan na lang ang pakinabang ko ‘yung mauutusan ko siya, tingnan mo pa kung ano ang ginawa!” bulyaw ng tiyuhin ng bata.
“Tama na ‘to, kuya. Hindi mo na maaapi ang anak ko dahil aalis na kami. Mas mainam pang iwan ko na lang siya na mag-isa sa bahay na lilipatan namin kaysa naman maiwan siya sa isang halimaw na kagaya mo! Wala kang puso! Sarili mong pamangkin ay ginaganyan mo!” sambit ng ginang.
“E, ‘di umalis kayo! Mga pabigat lang naman kayo dito sa bahay ko! Lumayas kayo! Mga walang silbi. Lalo na ‘yang anak mong baldado!” dagdag pa ni Ruben.
“Sana ay hindi mo danasin ang dinaranas ng anak ko,” wika ni Edna.
Tuluyan na ngang umalis ang mag-ina. Kahit mahirap ay kinaya ng mag-ina. Nakahanap sila ng isang maliit na kwarto na kanilang malilipatan. Naiiwan man mag-isa ang bata ay mas mainam na ito sapagkat walang umaapi sa kaniya.
Makalipas ang ilang taon ay may tumulong kay Edna para mapagawan ng binti at paa ang anak. Dahil dito ay nagkaroon ng kumpyansa ito sa sarili at nakapag-aral. Malaki ang naitulong ng artipisyal na binti ni Cedrick dahil sa unang pagkakaton ay naramdaman niyang normal siya.
Samantala, nagulat na lamang si Edna na mabalitaan na ang kapatid ay napasa sa isang aksidente nang ang sinasakyang motor nito ay mabangga ng isang truck. Napuruhan ang mga hita nito at sa tindi ng tama ay kailangan itong putulin kung hindi ay ikamam*ty niya ito.
Agad na dinalaw ni Edna at ng kaniyang anak ang ginoo. Nakita nila kung paano ito mahirapan sa pagkilos.
“Kumusta ka na, kuya? Nabalitaan ko ang nangyari sa’yo,” bungad ni Edna.
Napaiyak na lamang ang ginoo.
“Hindi ko akalain na ganitong hirap pala ang dinaranas ng anak mo, Edna. Hindi ko akalain na ipaparanas sa akin ng tadhana ang ganito,” pagsisisi ni Ruben.
“Patawarin mo ako, Cedrick, pamangkin ko. Sana ay mapatawad mo ang tito mo,” paghingi niya ng paumanhin sa bata.
Mula noon ay natutunan na ni Ruben ang matinding aral sa kaniyang buhay nang maranasan niya ang paghihirap na mabuhay ng may iisang binti lamang. Maraming tao rin ang siya ay kinukutya at pinagtatawanan. Doon ay naisip niya ang lahat ng kaniyang pagkakamali. Hindi niya alam na isang araw ay babalik pala sa kaniya ang lahat ng ito.