Marangal na Naghahanapbuhay ang Ale; Taob ang mga Paninda Niya nang Siya’y Mahuli

“Oh, bili na kayo ng pangmeryenda,” sigaw ni Aleng Tina habang tulak-tulak ang kaniyang kariton na may mga lamang paninda.

“Aleng Tina, bibili po ako ng Pancit Bihon, dalawa. At saka magbabayad rin ako ng utang ko sa’yo kahapon,” kausap ni Mel, ang suki niyang mamimili.

Araw-araw ay umiikot si Mang Tina, tulak-tulak ang kaniyang kariton na may mga lamang ulam. Nagsisimula siyang mag-ikot ng alas dos ng hapon at uuwi kapag wala nang laman ang kaniyang mga tupper ware.

“Salamat Mel, at hindi mo talaga ako tinatakbuhan sa mga utang mo,” biro ni Aleng Tina.

Ilang beses na rin kasi siyang tinatakbuhan ng mga nangungutang sa kaniya. Ang iba ay nasisingil pa niya, ang iba naman ay “thank you” na lang talaga.

Agad nang pumuwesto si Aleng Tina sa gilid upang bigyan isa-isa ang mga namimili sa kaniya ng biglang nagkagulo at may naka-unipormeng lumapit sa kaniya.

Isa itong traffic enforcer o mas kilalang bantay sa daan.

“Ale, alam niyo po bang may clearing kami ngayon? At kanina pa namin ipinagbabawal ang pagtambay ng mga vendors sa area na ito!” Asik na kausap sa kaniya ng lalaking naka-uniporme.

Advertisement

“Ayy, gano’n po ba boss? Sige po at saglit lang naman ako rito. Bibigyan ko lang itong mga suki ko boss at aalis na rin ako,” nakikusap na wika ni Aleng Tina.

“Hindi ka ba talaga nakakaintindi?! Ang sabi ko ay may clearing kami at bawal nga kayo rito!” Galit pa rin na wika ng traffic enforcer. “Hulihin na lang kaya kita at bitbitin iyang paninda mo!” Patuloy na asik nito.

“Ayy, huwag naman po boss. Paano ko mababawi ang ipinuhunan ko kung kukunin niyo ito. Hindi naman ako magtatagal. Sa katunayan ay aalis na nga ako e,” mahinahong wika ni Aleng Tina.

Ngunit tila mainit talaga yata ang ulo ng traffic enforcer at nagtawag pa ito ng mga kasamahan upang ipabitbit ang kanyang kariton.

Napakabilis ng pangyayari at nagulat na lamang si Aleng Tina dahil binaliktad na ng mga ito ang kaniyang paninda at sabay-sabay na binuhat ang kariton niya patungo sa malaking truck.

“Grabe naman kayo sir, aalis na rin naman si Aleng Tina, bakit kailangang baliktarin niyo pa ang kaniyang mga paninda?! Tingnan niyo ‘yan oh! Nagsayang lang kayo ng pagkain imbes na ipakain iyan sa mga taong nangangailangan, tinapon niyo lang!” Galit na wika ng suki ni Aleng Tina na si Bea.

“Oo nga! Nakiusap naman iyong tao. Kahit kailan talaga’y abusado kayo sa posisyon niyo!” Segunda naman ni Mel.

Iyong ibang naka-saksi ay nagalit rin sa ginawa ng mga ito. Iyong ibang lagayan ay nabasag na dahil sa pagbaliktad ng kariton. Ang iba naman ay maayos pa.

Advertisement

“Matuto kasi kayong sumunod sa batas! Kapag sinabing bawal. Huwag ng ipilit!” Tanging wika ng Traffic Enforcer, saka umalis sa harapan nila.

“Paano na iyang Aleng Tina?” Mangiyak-ngiyak na tanong ni Karen, suki rin niya.

“Nakakainis sila. Marangal na nagtatrabaho iyong tao, ginaganyan nila.” Segunda ni Bea.

“Hayaan niyo na lang mga anak. Gano’n talaga ang buhay ng mga katulad kong Vendors. Maliliit lang kasi kami, kaya kay bilis lang nilang apakan. At saka ginagawa lamang nila ang trabaho nila,” malungkot na wika ni Aleng Tina.

Habang panay ang pulot sa mga gamit na pwede pa niyang iuwi pabalik sa bahay nila.

“Aleng Tina, alam naming hindi ito sasapat sa kikitain niyo sana kung hindi nabaliktad ang paninda ninyo. Pero kahit papaano ay alam naming may maiuuwi kang pagkain para sa pamilya mo. Ito oh,” abot ni Mel ng tatlong libong piso.

“Naku! Hindi ko matatanggap iya—”

“Aleng Tina, tanggapin niyo na po. Alam naming kakalabas niyo pa lang at wala pa kayong nababawi sa puhunan ninyo,” sambit ni Bea.

Advertisement

“Sariling pera namin iyan, Aleng Tina. Nag-ambag-ambag kami para kahit papaano ay may makain ang pamilya niyo,” ani Karen.

“Alam naming ang paglalako lang rin ang inaasahan ninyo,” dugtong ni Mel.

Humagulhol na napaluhod si Aleng Tina dahil sa mga suki niyang nagmagandang loob na tulungan siya.

“Salamat sa inyo mga anak,” tumatangis na wika ni Aleng Tina.

Hindi alam ni Aleng Tina kung paano niya ulit mababawi ang ipinangpuhunan, pati na ang kariton niyang kinuha ng mga enforcer.

Pero sigurado siyang kahit anong klaseng paglalako man ang maging paraan niya’y nand’yan ang mga suki niyang totoong may malasakit sa kaniya.