Muntik nang Magbabaan ang mga Pasahero Dahil sa Masangsang na Amoy ng Lalaki; Ngunit Isang Kwento ang Magpapabago sa Lahat

Papasok na ng trabaho si Jake at medyo naiinis na siya dahil bukod sa late na siya sa trabaho ay punuan pa ang sasakyang dumadaan.

“Kailan ba ako makakapara ng jeep na hindi puno?” Inis na kausap ni Jake sa sarili.

Ilang minuto pa ang kaniyang hinintay nang sa wakas ay may huminto sa kaniyang jeep na maraming bakante. Agad namang sumampa si Jake at pumuwesto sa hulihang bahagi ng jeep.

Agad niyang binuksan ang bag upang kumuha ng pambayad. Nang sa pag-takbo ng jeep ay may nahagilap ang kaniyang pang-amoy na masangsang na amoy.

Hindi niya alam kung kanino iyon nanggagaling, pero totoong masakit talaga sa ilong ang naaamoy niya. Animo’y isang basurang bulok o pat*y na hayop na hindi niya alam at pinaghalong putok sa kili-kili.

Nag-angat si Jake ng mukha at inikot ang buong paningin sa mga kasamahang pasahero. Napagtanto niyang hindi lamang siya ang nakaka-amoy ng mabahong amoy na iyon, kung ‘di pati ang mga ito.

Nilingon niya ang lalaking katabi at napagtanto niyang galing nga dito ang masang-sang na amoy. Muli niyang nilingon ang mga kasamang pasahero.

Ang iba ay nagbubulungan, ang iba naman ay nakalukot ang mga ilong ang iba’y nakabusangot at nagrereklamo sa amoy na hindi maganda.

Advertisement

Siya naman ay nais ng bumaba ng jeep, ngunit naisip niyang mahihirapan na naman siya ulit na makapara ng jeep, lalo na’t punuan dahil sa rush hour.

“Manong, ang baho-baho niyo naman.” Reklamo ng isang pasahero.

Bahagya namang nasaktan si Jake, sa deretsyahang pahayag ng lalaki, lalo na’t nakita niyang tila napahiya si Manong.

“Oo nga. Ang mabuti pa’y bumaba na lang kayo. Ang sangsang talaga ng amoy ninyo. Dinaig niyo pa po ang basura!” Segunda naman ng babaeng pasahero.

Bahagyang yumuko ang mama dahil sa pagkapahiya. “Pasensiya na mga anak. Kung nakaka-istorbo ang amoy ko,” anito.

Hindi makatingin sa mga kasamang pasahero na panay ang lukot ng mga ilong dahil sa amoy ng lalaki.

Bigla namang nakaramdam ng awa si Jake, sa matandang inayos pa ang bag na dala, naghahanda ng bumaba sa paghinto ng jeep.

“Tatay, ano po ba iyang dala niyo?” Biglang tanong ni Jake sa matanda.

Advertisement

“Ah, ito ba anak? Mga pagkain ito. Pasalubong ko sa mga apo ko at kay misis,” nakangiting kausap ng lalaki.

“Ano-anong pagkain po?”

“Tulad ng mga tinapay, mga pagkaing hindi namin laging nakakain sa’min. Ang totoo ni’yan ay galing pa akong Kumalarang, bumaba ako rito sa Pagadian, upang maghanap sana ng trabaho.

Kaso ay wala namang may gustong tumanggap sa’kin dahil nga sa may edad na ako. Kaya naisip ko na lang mamalimos, upang kahit papaano ay may maiuwi ako sa’min.

Sa bawat nakokolekta kong limos ay panambibili ko ng tinapay, iniipon ko iyon upang dumami. Ang iba naman ay bigay sa’kin ng mga taong may mabubuting puso, kaya heto ngayon. Uuwi na ako sa’min, bitbit ang mga pasalubong ko sa kanila.” Mahabang wika ng lalaki.

“So uuwi na po kayo ngayon sa Kumalarang?”

“Opo. May naipon na kasi akong pagkain at sapat na perang panggastos namin. Babalik na lang ulit ako kapag naubos na, hehe,” nakangiting wika nito.

Sa mga narinig ni Jake ay bigla siyang nakaramdam ng awa para sa matandang lalaki. Kinutya na ito kanina ng mga kapwa niya pasahero. Ngunit nagagawa pa rin nitong ngumiti at tumawa.

Advertisement

“Ang totoo ay nahihiya ako sa inyo dahil sa amoy ko. Magdadalawang linggo na rin kasi mula noong hindi ako nakapaligo. Ang ipambabayad ko ng pam-paligo ay inipon ko na lang pandagdag sa perang iuuwi ko sa pamilya ko.

Doon na lang ako sa’min maliligo, marami namang tubig ang sapa. Pasensiya na kayo mga anak ah,” anito baling sa kapwa niya pasahero na tila napahiya dahil sa narinig na kwento ni tatay. “Baba na lang ako’t maglalakad papuntang terminal.”

“Huwag na po, ‘tay. Kaya naman naming tiisin ang amoy ninyo. Mas delikado pa po kung maglalakad pa kayo. Baka mapa’no kayo sa tirik ng araw,” wika ni jake na agad namang sinang-ayunan ng ibang pasahero.

Ang kaninang masangsang na amoy ay tila inanod na ng hangin, dahil sa kabilang istorya ng buhay ni Tatay Nestor.

Halos lahat ng pasahero ay nag-abot ng tulong sa kaniya. Maliit na perang pandagdag pinansyal ng pamilya nito.

Si Jake naman ay mas piniling pumaliban na lang muna sa trabaho upang tulungan si Tatay Nestor. Pagkarating sa terminal ng mga bus ay pinaligo niya muna ito at binilhan ng bagong masusuot na damit at shorts.

Nang matapos ay nakangiting lumapit sa kaniya si Tatay Nestor at nagpasalamat.

“Mas maigi na rin iyong nakaligo ka na Tatay Nestor, mahirap na’t baka maulit iyong nangyari kanina sa jeep,” ani Jake.

Advertisement

“Salamat Jake ah, ikaw lang ang bukod tanging hindi ako pinandirihan kanina. Nagawa mo pang tanungin ako at kausapin. Hindi mo ako hinusgahan base sa panlabas kong anyo,” sensirong wika ni Tatay Nestor.

“Walang anuman po iyon, ‘Tay Nestor. Alam kong ang bawat libro ay may iba’t-ibang istorya. Kaya wala akong karapatan upang humusga kaagad base lamang sa nakikita ng aking mga mata,” nakangiting wika ni Jake.

Bago tuluyang nagpaalam si Tatay Nestor ay binigyan muna siya ni Jake ng mga pandagdag pasalubong nito sa pamilya at bukod pa roon ay iniwan rin ni Jake ang selpon number niya sa matanda.

Kung sakaling bababa man ulit ito sa siyudad ay may matutuluyan na’t hindi na mahirapang mamalimos pa sa lansangan.

“Hanggang sa muli Jake,” ani Tatay Nestor, saka tuluyang nagpaalam sa bagong kaibigan.