Isang Hindi Inaasahang Regalo ang Natanggap ng Lalaki; Ano ang Dahilan ng Nagregalo sa Kaniya nito

“Good morning po Ma’am Sharon,” magiliw na bati ni Mang Samuel sa dalagang ngayon ay papaalis na patungong trabaho.

“Good morning din po Mang Samuel,” balik na bati naman ni Sharon. “Mag-almusal muna kayo sa loob saka niyo simulan ang trabaho, Mang Samuel,” ani Sharon.

“Sige po ma’am. Ingat po sa trabaho.”

“Salamat po. Nga pala, Mang Samuel, hindi ba’t kaarawan ngayon ni Niel?” ani Sharon.

Si Niel ay ang kaniyang bunsong anak na lalaking walong taong gulang pa lang. Si Niel ang tinatawag nilang Miracle Baby, dahil nasa menopausal stage na ang kaniyang may bahay na si Nida noong ipinanganak nito si Niel.

“O-opo ma’am,” alanganing sagot ni Samuel.

“Kahit hindi mo ako imbitahan ay kusa akong pupunta sa inyo mamaya, Mang Samuel ah.”

“K-kaso po ay nakakahiya ang bahay namin ma’am.”

Advertisement

“Asus! Si Mang Samuel, parang others,” kutya pa ni Sharon. “Basta sasama ako mamaya sa bahay ninyo. Hindi kayo dapat mahiya sa’kin. Ako nga ang dapat mahiya kasi hindi naman ako imbitado pero pupunta ako.” Natatawang wika ni Sharon.

“Sige po ma’am,” nakangiting payag ni Samuel.

Matagal nang nagtatrabaho si Mang Samuel sa pamilya nina Sharon. Tatlong dekada na rin yata mahigit siyang naninilbihan sa pamilya Gonzalo, kaya pamilya na talaga ang turing ng mga ito sa kaniya at gano’n rin naman ang turing ni Samuel sa mga ito.

Kinagabihan, habang masayang nagkakainan ang pamilya ni Samuel, ay pumarada ang sasakyan ni Sharon sa tapat ng bahay nila.

Nag-aalangan man at nahihiya ay sinalubong ni Samuel at Nida ang bunsong anak na babae ng pamilyang Gonzalo na may ngiti.

“Magandang gabi po Ma’am Sharon,” bati ng mag-asawa.

“Hello po. Happy birthday Niel, ito ang gift ko oh para sa’yo,” bati ni Sharon, sabay abot ng regalo sa bata.

“Thank you po Ma’am Sharon,” masayang wika ni Niel.

Advertisement

“Ma’am tuloy po kayo sa munting bahay namin,” nahihiyang wika ni Samuel.

“Mang Samuel, ang totoo ay hindi na po talaga ako magtatagal. Naparito po ako upang batiin ang bunso niyong si Niel sa kaniyang kaarawan at maliban pa po roon ay may regalo ako sa inyong lahat,” nakangiting wika ni Sharon.

Pigil ang hiningang hinantay ng mga ito ang susunod na sasabihin ni Sharon.

“Alam po namin na nagtitiyaga lang kayong mag-anak sa baro-barong bahay na ito. Kaya napag-usapan naming pamilya na bigyan ka ng magandang regalo sa iyong nalalapit na rin na kaarawan, Mang Samuel.

Pasensiya na po kung sa tagal niyong nanilbihan sa pamilya namin ay ngayon lamang namin naibigay ang regalong ito,” ani Sharon, saka inabot ang titulo ng lupa at bahay kay Mang Samuel.

“Mang Samuel, maraming salamat sa tatlong dekadang paninilbihan sa’min. Isa ka po sa itinuturing na naming pamilya, alam niyo iyan. At hangad namin ang kaginhawaan at saya mo.”

Hindi napigilan ni Nida at Samuel ang maiyak dahil sa tuwa. Minsan man ay hindi niya inakalang reregaluhan siya ng pamilya Gonzalo ng bahay at lupa.

“Maraming-maraming salamat po Ma’am Sharon,” tumatangis na wika ni Samuel. “Hindi ko po akalain na mabibigyan ako ng ganito. Isa lamang po akong hardinero sa bahay niyo.

Advertisement

Nagtagal ako sa pamilya niyo dahil sa mabuting ugali at pagiging patas ninyo sa inyong mga trabahante. Sobra-sobrang pabuya na po ito para sa’kin ma’am. Kaya labis-labis po ang aking pasasalamat.”

“Kulang pa po iyan kumpara sa ilang taong serbisyo ninyo sa’min, Mang Samuel. Ngayong may bagong bahay na kayo ay hindi niyo na kailangang magsisiksikan at magtiyaga sa tumutulo ninyong bubong, Mang Samuel,” ani Sharon na agad namang tinawanan ni Mang Samuel.

Iyon kasi ang palaging nirereklamo noon ni Samuel kay Sharon sa t’wing nangangamusta ito sa pamilya niya.

“Opo ma’am, hindi na po tutulo ang bubungan namin sa t’wing umuulan at hindi na rin kami magsisiksikan sa iisang kwarto ng lima kong mga anak,” ani Samuel, saka pinunasan ang luha.

“Naku! Pinaiyak ko pa tuloy kayong lahat. Kaarawan pa naman ngayon ni Niel,” nakangiting wika ni Sharon saka niyakap ang buong pamilya ni Mang Samuel.

Bilang isang amo, mahirap makahanap ng trabahanteng mapagkakatiwalaan, may paninindigan at mahal ang trabaho niya. Kaya pasalamatan natin ang mga empleyadong tapat sa trabaho nila.

Bilang isang trabahante naman, mahirap humanap ng mabait, maunawain at hindi matapobreng amo. Kaya kung makahanap ka man ay pahalagahan mo’t ingatan.