Nainggit Siya sa Kaibigan na Bongga ang Kasal; Hindi Niya Alam na Milya-milya ang Swerte Niya Kumpara Dito

Magkahawak kamay na naglalakad ang magkasintahang sina Leslie at Luigi sa mall. Ilang linggo na lamang kasi at ikakasal na sila kung kaya naman magkasama silang namimili ng mga bagong gamit para sa kanilang bagong bahay.

Pumasok sila sa isang sikat na bilihan ng kagamitan sa bahay.

“Les, tingnan mo ‘tong kulay brown, simple lang pero maganda at bagay na bagay sa disenyo ng bahay,” untag ni Luigi sa kasintahan na hindi mapuknat ang tingin sa isang kulay pulang sala set.

Nilingon ni Leslie ang tinutukoy ng kasintahan. Tama ito, simple ngunit maganda nga ang dating nito.

Sunod na hinanap ng kaniyang mga mata ang presyo ng sofa. Nahuli niya ang nahihiyang ngiti ng nobyo nang lingunin niya ito. 

“Ikaw talaga, umandar na naman ang pagiging matipid mo!” natatawang buska niya sa lalaki. Batid kasi niya na pinili talaga nito ang sofa na iyon dahil sa presyo nitong abot kaya.

Natatawang inakbayan siya ng lalaki. “Hon, alam kong gusto mo ‘yung red na sala set pero hindi natin afford sa ngayon, eh.”

Pabirong inirapan ni Leslie ang kasintahan. “Naku, pasalamat ka at mahal na mahal kita, kung hindi eh baka na-basted na kita sa kakuriputan mo!” pabulong niyang biro sa mapapangasawa.

Advertisement

Tumawa lamang ito nang malakas.

Halos sampung taon na silang magkasintahan bago sila nagdesisyong magpakasal.

Bagaman malaki na ang ipon nilang mag-asawa, nakumbinsi siya ni Luigi na hindi gumastos na malaki sa kanilang kasal dahil malaki rin ang kakailanganin nilang pera sa pagsisimula ng sariling pamilya. 

Matalino si Luigi sa pera. Kung minsan nga ay halos magtampo na siya sa kakuriputan nito ngunit alam niya naman na para rin iyon sa kinabukasan nila.

Kasalukuyang namimili ang mag-asawa ng bibilhing kama nang marinig ni Leslie ang pamilyar na matinis na boses ng kaisa-isang taong kinaiinisan niya. 

“Leslie!”

Nalingunan niya si Elisse, isa sa mga kaklase nila ni Luigi noong nasa kolehiyo pa sila.

Kagaya niya, ikakasal na din ito. Mayaman ang mapapangasawa nito kaya ganun na lamang ang pagtaas ng kilay nito sa kaniyang simpleng kasal. 

Advertisement

Isang pilit na ngiti ang iginawad niya sa dating kaklase.

“Elisse.”

“Buti ka pa kasama mo si Luigi sa pamimili ng gamit, ako kasi, sa akin na pinaubaya ni George ang pamimili, kasi wala naman daw limit ang credit card niya,” humahagikhik na wika ng babae bago mayabang na ibinandera ang itim na credit card ng mayamang kasintahan.

Naikuyom ni Leslie ang kamao sa inis. Nararamdaman kasi niya na babanggitin na naman nito ang tungkol sa simpleng kasal nila ni Luigi.

“Sorry pala, ha? Hindi kasi kami makakapunta ni George sa kasal niyo. Alam niyo na pag big time, sa sa ibang bansa nagha-honeymoon,” may malaking ngisi sa labi ng babae.

“Eh kayo ni Luigi, saan ang punta niyo after the wedding?” usisa nito.

Kahit nag-aalangan ay taas noong sumagot si Leslie. “Ah, sa Batanes lang punta namin. Nagtitipid kasi kami ni Luigi,” paliwanag ni Leslie sa kaklase.

“Ay ganun ba? Naku, Luigi, baka naman sa sobrang pagtitipid mo ay maghanap ng iba itong si Leslie, yung tipong mas mayaman kagaya ni George ko,” pasaring ni Elisse na binuntutan nito ng halakhak.

Advertisement

“Takot lang ni Leslie na iwan ako, wala na siya makikitang katulad ko,” ganting biro ni Luigi kay Elisse na nauwi sa malakas na tawanan ng dalawa.

Hindi na tuloy nila napansin ang pananahimik ni Leslie.

“May problema ba?” usisa ni Luigi habang pauwi na sila ng kasintahan. Napansin kasi nito na hindi nagsasalita ang kadalasa’y madaldal na kasintahan.

“Wala.” Matamlay na sagot ni Leslie sa katipan.

“Bakit ang tahimik mo?” pangungulit ng lalaki.

Napabuntong hininga si Leslie. “Ikaw ang may kasalanan kaya tayo minamaliit ni Elisse, eh.”

“Sa totoo lang, kaya naman natin tapatan sila ni George pero dahil diyan sa pagtitipid-tipid mo na ‘yan eh hindi natin magawa!” inis na wika niya sa kasintahan.

Nagulat naman si Luigi sa pagsabog ng emosyon ng kasintahan. Hindi niya inasahan na naaapektuhan pala ito ng pambubuska ni Elisse.

Advertisement

“Les naman, wala naman tayong kailangang patunayan sa kanila. Ang mahalaga lang naman talaga sa akin ay ‘yung ikaw ang makakasama ko habang buhay. Kung magiging masaya ka sa bonggang kasal, bakit hindi? Pwede naman na mag-ipon na lang tayo ulit,” masuyong wika ni Luigi sa kasintahan.

Naantig naman ang damdamin ni Leslie sa sinabi ng lalaki. Napagtanto niya na tama ang sinabi nito.

Isang malaking ngiti ang pumaskil sa kaniyang labi.

“Sorry, Luigi. Tama ka, wala naman tayong kailangang patunayan sa kanila. Ang mahalaga ay babasbasan na ng Diyos ang pagsasama natin habang buhay,” madamdaming wika ni Leslie.

“Hindi ko na kailangan ng bonggang kasal. Ikaw lang ay higit pa sa sapat,” dagdag pa ni Leslie.

Itinuloy nila ang plano na magkaroon ng simpleng kasal.

Nang araw ng kanilang kasal, nagulat sila nang isang hindi inaasahang bisita ang dumating.

“Elisse! Akala ko nasa honeymoon kayo kaya ‘di ka makakapunta?” Usisa ni Leslie sa babae.

Advertisement

Bumakas ang galit sa mukha ng babae.

“Ang walang hiyang George na iyon, madami palang kinakalantari! Mabuti na lamang at natuklasan ko bago ako matali sa kaniya!” gigil na pagkukwento nito.

Nagulat si Leslie sa natuklasan. Kapagkuwa’y nakaramdam ng awa sa kaibigan.

Muli niyang napatunayan na wala sa dami ng pera ang ikasasaya ng mga mag-asawa. Ang tunay na mahalaga ay pagmamahal, respeto, at katapatan.

Mahigpit niyang niyakap ang asawa habang umuusal ng pasasalamat sapagkat natagpuan niya ito.

Mabuti na lamang at isang katulad ni Luigi ang itinadhana sa kaniya. Alam niyang magiging mabuti itong asawa sa kaniya at sa mga magiging anak nila.