Hampaslupang Salot daw Sila sa Lipunan Ayon sa Tiyahin ng Isang Dalaga, Ipinakita Niya Ritong Kaya Niyang Magtagumpay

“Julia, kailan mo ba balak maghanap ng bahay at lupa? Mag-iisang dekada na kayong nakatira sa iskwater ng mga kapatid mo, hindi ka ba nahihiya? Isa na kayo sa mga salot sa lipunan!” tanong ni Amie sa kaniyang pamangkin, isang araw nang minsan itong dumalo sa pagsasalu-salo ng kanilang pamilya na kaniyang inihanda.

“Grabe naman po kayo, tita, kahit naman po iskwater kami, hindi naman po kami gumagawa nang masama sa ibang tao,” sagot ni Julia habang abala sa pagpapakain sa kaniyang bunsong kapatid.

“Kahit na, ano! Hindi pa rin kayo nagbabayad ng buwis, paano naman kaming mga nagbabayad?” tanong pa ng kaniyang tiyahin, bakas sa mukha nito ang pagkainis.

“May pera naman po kayo kaysa sa amin, eh, dapat lang pong magbayad kayo ng buwis niyo,” palabang niyang sagot dito, hindi na niya magawang magtimpi dahil kanina pa sila minamaliit nitong magkakapatid.

“Ayan, sige, sagot-sagutin mo ako! Nakukuha mo na ang ugali ng mga tao sa tinitirhan niyo! Naku, hindi na ako magtataka kung magsaksakan kayo ng mga kapatid mo kapag nag-away-away kayo!” bulyaw pa nito.

“Sabihin niyo na lang po ang gusto niyong sabihin, pero gusto ko lang pong malaman niyo, pinalaki kami nang maayos ng kapatid niyo. Alis na po kami,” sambit niya saka niya niyaya nang umalis ang mga kapatid niyang nagpipigil na ng luha.

“Aba, dapat lang, akala ko mag-uuwi pa kayo ng mga pagkain, eh, ‘tong mga hampaslupang ito! Pinapataas ang dugo ko…” sambit nito habang sila’y naglalakad palabas ng bahay. Pinipigilan man sila ng iba nilang kaanak na andoon, buo na ang loob niyang umalis sa pamamahay na ‘yon.

Si Julia na lang ang tanging tumataguyod sa kaniyang apat na mga kapatid. Dahil nga siya ang panganay, sa kaniya hinabilin ng kaniyang mga magulang ang kaniyang mga kapatid bago pumanaw ang mga ito dahil sa isang aksidente.

Advertisement

Mayaman naman talaga sila no’ng nabubuhay pa ang mga ito. Nakatira sila sa malaking bahay, lahat sila’y nag-aaral sa mga pribadong paaralan at lahat sila’y may sari-sariling bank account, kaya lang, lahay nang ito’y naglahong parang bula nang mawala ang kanilang mga magulang at ang Tita Amie nila ang siyang nag-asikaso sa mga ari-arian nilang iyon.

Dahil nga wala pa siya sa legal na edad noon at wala pa siyang muwang sa halaga ng pera, wala siyang nagawa kung hindi ang maniwala sa mga sinasabi ng kaniyang tiyahin hanggang sa nalimas na ang lahat ng kanilang ari-arian at sila’y manirahan sa isang barung-barong sa tabing dagat.

Buong akala niya’y tutulungan sila ng naturang tiyahin nilang iyon, ngunit sila’y nagkamali. Nang maubos na kasi ang yaman nila, hinayaan na sila nito. Hindi pa roon nagtatapos, dahil madalas, minamaliit pa sila nito sa harap ng kanilang mga kaanak at sa kaniya lahat sinisisi ang pagkaubos ng iniwang ari-arian ng kaniyang mga magulang. At doon na nga siya nagsimulang matabangan sa ugali nito.

Simula no’ng araw na ‘yon, kahit ano pang pagsasalu-salo ng kanilang pamilya, hindi na sila dumalo ng kaniyang mga kapatid. Hindi na rin sila nagpakita sa kanilang mga kaanak at mas binigyang pansin ang sarili nilang buhay.

Ginamit niya ang ipit-ipit niyang pera upang magsimula ng isang maliit na negosyo. Ika niya, “Siguro bilog talaga ang mundo, dati’y nasa taas kami, ngayo’y nasa ibaba na, at sigurado ako, muli kaming tataas ng mga kapatid ko.”

Hindi man niya magawang mapag-aral ang mga kapatid, laking tuwa niya nang maintindihan siya ng mga ito at tulungan pa siya sa negosyo niyang pagtitinda ng mga damit na inaangkat niya pa sa Divisoria.

Lumipas ang mga taon at tuluyan na nga silang nakabangon. Lumago na ang inumpisahan niyang negosyo at ngayo’y may sarili na silang tindahan ng mga damit sa isang kilalang mall. Doon na nga niya muling napag-aral ang mga kapatid at matagumpay na rin siyang nakabili ng bahay at lupa.

Nabalitaan ito ng kanilang mga kaanak dahilan upang muli na naman siyang kausapin ng tiyahin niyang si Amie. Ngunit imbis na tugunan niya ang mga tawag at mensahe nito, tinugunan niya na lang ang pangangailangan ng mga kapitbahay nila noon sa tabing-dagat.

Advertisement

Ika niya, “Mas kailangan nila ang ipon ko ngayon, sigurado akong mauubos na naman ang ari-arian namin kung muli na naman akong magpapalinlang sa totoong salot ng lipunan,” saka niya b-in-lock ang numero ng kaniyang tiyahin at masayang nakidalo sa maliit na salu-salo sa kanilang barangay na pinagplanuhan ng mga residente roon upang magbigay pasasalamat sa kanilang magkakapatid.