Minata ng Isang Ginang ang Pamangkin Niyang Nagtitinda ng Tusok-tusok, Ito Pa Pala ang Tutulong sa Kaniya sa Oras ng Kagipitan

“Annie, ano ‘yang tinitinda mo?” tanong ni Darla sa kaniyang pamangkin, isang hapon nang mapadaan siya sa pwesto nito sa gilid ng paaralang malapit sa kaniyang bahay.

“Ah, eh, tusok-tusok po, tita. Mayroon po ako ritong fishball, kikiam, kwek-kwek, hotdog, mayroon din po ako ritong mga french fries, flying saucer saka mga hamburger. Ano pong gusto niyo?” magiliw na sagot ni Annie.

“Ay, naku, hindi ako bibili. Tinanong ko lang. May meryenda naman sa amin, eh, gumawa ako ng cake para sa pinsan mo. Siya kasi ang nanguna sa klase nila, eh,” pagmamalaki niya, bakas sa kaniyang mukha ang kagustuhang mainggit ang naturang pamangkin.

“Ah, ganoon po ba, mabuti naman po!” masiglang sagot pa rin nito sa kabila nang kaniyang sinabi.

“Mabuti talaga, naku, kung hindi lang mahina ang utak mo, siguro ngayo’y may maganda kang trabaho, ano? Kaso, wala, eh, simpleng mathematics, hindi mo masagutan,” pangmamaliit niya pa dahilan upang mapangiti na lang ang naturang dalaga.

“Ganoon po talaga, eh, ang mahalaga naman po sa akin ngayon, may napapakain ako sa mga kapatid ko,” wika pa nito saka ngumiti sa kaniya.

“Sabagay, ang mga walang pangarap katulad mo, ayos na ‘yang ganyang buhay. O paano, alis na ako, sana makabenta ka nang marami,” sambit niya saka tuluyan nang umalis sa pwestong iyon, ngingisi-ngisi siya habang iniisip kung gaano siya kaswerteng magkaroon ng anak na matalino’t may pangarap sa buhay.

Bunso sa dalawang magkakapatid ang ginang na si Darla. Hindi man siya nakapagtapos dahil sa kahirapan nila noon, laking tuwa niya pa rin na mayroon siyang anak na matalino na makapagpapatuloy ng pangarap niyang maging isang abogado.

Advertisement

Kaya naman ginagawa niya at ng kaniyang asawa ang lahat upang mapag-aral ang kanilang anak sa pribadong paaralan, binibigay nila ang lahat ng gusto nito, bagong sapatos, pasadyang uniporme, selpon at laptop para sa pag-aaral nito at masasarap na pagkain upang lalo pa itong tumalino’t magsipag sa pag-aaral. Sa kabutihang palad naman, hindi sila nabibigo ng anak at palagi pa itong nangunguna sa klase.

Ito ang naging dahilan upang matahin niya ang anak ng kaniyang panganay na kapatid na ngayo’y nasa kabilang buhay na. Mahina kasi ang utak nito, bukod sa palagi lang natutulog noon sa klase, palagi pang bagsak ang mga grado dahilan upang ipagmalaki niya rito ang kaniyang anak na huwaran.

Ngunit noong araw na matahin niya ang pamangkin niyang iyon, ‘yon din pala ang araw na babagsak ang pangarap niya para sa kaniyang anak. Pagkauwing-pagkauwi niya kasi, nadatnan niyang galit ang kaniyang asawa habang nakatungo’t umiiyak ang kaniyang anak, mayroon pang isang binatang nakatabi sa kaniyang anak na hindi niya kilala. Iniabot sa kaniya ng anak ang isang pregnancy test na labis niyang ikinagulat.

Doon na nga niya nalamang nagdadalang-tao na ang kaniyang anak. Pilitin man nilang ipalaglag ito dahil napakabata pa nga ng kanilang anak, ayaw nito pumayag at umaming napapagod nang mag-aral. Hindi ito nakayanan ng kaniyang asawa’t bigla itong inatake sa puso at doon na nga nagsimula ang kalbaryo ng kaniyang buhay. 

Dahil sa laki nang ginastos nila sa ospital, napilitan na nga siyang patigilin sa pag-aaral ang kaniyang anak. Hindi na rin magawang magtrabaho ng kaniyang asawa dahil ito’y baldado na. Hindi niya alam kung saan siya maaaring lumapit upang makahingi ng tulong. Nais man niyang pagtrabahuhin ang kaniyang anak, ayaw naman nito. ‘Ika nito, “Bukod sa buntis ako, mama, ayokong mainitan ng araw,” dahilan upang labis siyang mamroblema.

Isang araw, nagulat na lang siyang kumakatok sa kanilang pintuan ang pamangkin niyang si Annie. May dala-dala itong meryenda’t tusok-tusok. Nagdalawang-isip man siyang pagbuksan ito dahil nga nahihiya sa kinahinatnan ng buhay niya, nagpumilit pa rin itong pumasok.

“Tita, dinalhan ko kayo nang makakain, hindi ko po gustong patunayan na mali kayo nang hinusga sa akin. Tama naman po kayo, eh, mahina ang utak ko. Nais ko lang pong itama ang tingin niyo sa akin, mahina man po ang utak ko, marunong naman po akong dumiskarte,” nakangiting sambit nito saka iniabot sa kaniya ang isang plastik ng pagkain, “Ito pa po, kaunting ipon ko, baka makatulong sa pagbili ng gamot ni tito, alis na po ako!” sambit nito habang inipit sa kamay niya ang isang libong piso saka mabilis na tumakbo palabas ng kanilang bahay.

Doon niya napagtantong mali nga ang hinusga niya sa kaniyang pamangkin. Hindi niya lubos akalaing ito pa ang tutulong sa kaniya sa kabila ng mga masasakit na salitang sinabi niya rito.

Advertisement

Simula noon, binago na niya ang pakikitungo’t tingin sa pamangking dati’y minamaliit niya dahil bukod sa tinutulungan siya nito kahit papaano, natutunghayan niya ang sipag at tiyaga nito na hindi magawa ng matalino niyang anak.